Chapter 8.1

2.5K 31 0
                                    

NAGULAT si Elij nang makita kung sino ang nakatayo sa labas ng gate ng bahay ni Thaddeus isang umaga. Mabilis siyang lumapit sa pinsan niyang si Brian at lumingon sa bahay. Sana ay hindi kaagad lumabas si Thaddeus.
“Anong ginagawa mo dito?” pagalit na tanong niya sa pinsan.
Tinapunan muna ng tingin ni Brian ang malaking bahay ni Thaddeus bago tumingin sa kanya. “Ang laki ng bahay ng amo mo, ah? Siguradong malaki rin ang kinikita mo sa kanya.”
Inis siyang napapikit at napabuntong-hininga. “Anong kailangan mo dito? Alam ba ni Anthony na magpapakita ka dito?”
“Bakit? Wala namang problema kung pumunta ako dito, ah?”
“Ano ngang kailangan mo?” nauubusan na siya ng pasensiya.
“Alam mo kung anong kailangan ko ngayon, Elij,” matalim ang tingin nito. “Walang iniuutos sa akin si Anthony kaya wala akong kinikita. Kailangan ko ng pera.”
“Para saan? Para maipang-tustos sa mga bisyo mo?” Hanggang ngayon ba naman ay guguluhin pa rin siya nito para lang mahuthutan ng pera? Simula pa noon ay siya na ang tumutustos sa mga bisyo nito dahil nakatira sila sa pamamahay nito. Pero ngayong wala na sila sa poder nito, hindi na yata makatarungang siya pa rin ang aasahan nito.
“Huwag mo akong pagsasalitaan ng ganyan, Elij,” marahas na wika nito. “Ang yabang mo na porket may kinikita ka na. Kung hindi dahil kay Anthony, hindi mo makukuha ang trabahong ito.”
Humugot siya ng malalim na hininga at dumukot ng pera sa bulsa. Iniabot niya iyon dito. “Iyan lang ay mayroon ako ngayon,” sabi niya. “Umalis ka na.”
Isinuksok nito sa bulsa ang pera at ngumisi. “Magbibigay ka rin pala ang dami mo pang satsat,” akmang tatalikod na ito nang may maalala. “Oo nga pala, narinig mo ba ang nangyari kay Sandra?”
Napatingin siya dito. “Kay Ate Sandra?”
Tumango ito. “Alam mo bang sinuway niya ang utos ni Anthony? Hindi ko alam kung anong nakain ng babaeng iyon at nagawang kalabanin si Anthony. Sabihin ba namang gusto niya ng umayaw sa grupo at hindi niya na magagawang maging tau-tauhan ni Anthony,” napailing pa ito.
Nagulat siya sa sinabi nito, napuno ng takot ang buong puso niya para kay Sandra. “A-Anong nangyari sa kanya? N-Nasaan na siya?”
Bumuntong-hininga ito. “Pansamantala ko siyang itinatago,” sagot nito. “Galit na galit si Anthony, hindi ko alam kung ano ang puwede niyang gawin kay Sandra.”
Nakahinga siya ng maluwag sa kaalamang wala namang nangyaring masama dito. Kahit ganito ang pinsan niya ay alam niyang mahalaga din para dito si Sandra.
“Pinipilit kong baguhin ang isipan ng babaeng iyon at humingi ng tawad kay Anthony,” pagpapatuloy nito. “Pero matigas talaga ang ulo.”
Napayuko siya. Hindi niya alam kung tama ba ang ginawa ni Sandra. Ang alam niya lang ay siguradong hindi maganda ang mangyayari kung hindi ito palalampasin ni Anthony. Sana naman ay maayos na ang lahat. Sana ay patuloy itong maging ligtas. Kahit gusto niyang tumulong ay wala naman siyang magagawa.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonWhere stories live. Discover now