Chapter 6.2

2.7K 37 0
                                    

WALA pa si Thaddeus nang makabalik si Elij sa bahay nito ng gabing iyon. Pasado alas-otso na ng gabi. Tumuloy siya sa kusina at nagsimula ng maghanda ng hapunan nito. Siguradong gutom na naman ito pag-uwi dahil sa dami ng trabahong ginawa nito.
Hinihintay niya ng maluto ang kanin nang marinig niya ang pagtunog ng cell phone na nasa bulsa. Kinuha niya iyon at natigilan pa nang makitang si Drake iyon – ang itinuturing na kanang kamay ni Anthony.
Nag-aalangan niya pang sinagot iyon at lumakad patungo sa labas kung saan naroroon ang pool. “Drake, bakit?” tanong niya dito.
“Wala naman, pinakukumusta ka lang sa akin ni Anthony,” sagot nito sa kabilang linya. “Kumusta ang pagsubaybay mo sa abogadong iyan?”
“Wala pa naman akong nagiging problema,” simpleng tugon niya.
“Hindi iyan ang gusto kong malaman, Elij,” mariing wika nito, nasa tono nito ang pagkainis. Parehas lang talaga ito at ang pinsan niyang si Brian. Parehong mainitin ang ulo at nakakainis kausap.
“May nakuha ka na bang impormasyon na kailangan ni Anthony?”
Napabuntong-hininga siya. “Wala pa. Hindi naman ganoon kadali ang iniuutos niyo. Sinubukan kong maghanap kanina pero naka-lock ang lahat ng gamit niya. Abogado siya, Drake. Hindi dapat ako magpabaya sa kilos ko.”
“Wala akong pakialam kung abogado siya o ano,” marahas na sabi nito. “Gawin mo ng ayos ang trabaho mo dahil naiinip din kami.”
Bakit kaya hindi ikaw ang gumawa? Gusto niya sanang sabihin iyon dito pero pinigilan niya lang ang sarili. “Sige, ako na ang bahala dito,” iyon lang at nagpaalam na siya dito.
Humugot siya ng malalim na hininga. Pagtalikod niya ay nabitawan niya ang hawak na cell phone sa matinding pagkagulat nang makitang naroroon na si Thaddeus.
“Sorry, nagulat ba kita?” tanong nito at pinulot ang nasira niyang cell phone. Tiningnan nito iyon at napailing. “Hindi ko alam na magugulatin ka pala,” ngumiti ito. “Ibibili na lang kita ng bago.”
“K-K-Kanina ka pa ba dito?” kinakabahang tanong niya. Narinig ba nito ang pinag-usapan nila ni Drake?
Tumingin ito sa kanya. “Kararating ko lang,” sagot nito. “Sino bang katawagan mo?” kumunot ang noo nito. “Boyfriend mo?”
Mabilis siyang umiling at kinuha dito ang nasirang cell phone. “H-Hindi mo na kailangang bumili ng bago. Puwede ko pa naman itong ipaayos,” nauutal na wika niya. Lihim siyang nakahinga ng maluwag sa kaalamang wala itong narinig.
“Sigurado ka?”
Tumango siya at nginitian ito. “Kumain ka na ba? Nakapagluto na ako,” sabi niya at lumakad pabalik sa kusina para ipaghanda ito ng makakain.
Sumunod ito sa kanya at naupo sa silyang naroroon. Pinagmasdan lang siya nito hanggang sa matapos siya sa paghahanda.
Sinulyapan niya ito. “Mukhang marami ka na namang inasikaso, ah? Ginabi ka na sa pag-uwi.”
Tumango ito. “Maraming kliyente ngayon ang gustong ako mismo ang makausap. Nakakapagod at nakakabagot pero ayos lang,” ngumiti ito. “Kailangang kumita.”
Napailing na lang siya. “Ikaw lang ang taong kilala kong ngiti ng ngiti kahit pagod na.”
Tumawa ito. “Nawawala ang tensiyon kapag nakangiti ang isang tao. Nagpapakita lamang iyon na pala-kaibigan siya at nasa magandang mood. Mas gusto ng nakararami na makasama ang mga taong pala-ngiti.”
Tumango-tango siya. Tama naman ito.
“Sabi nga ng mga eksperto, ang pag-ngiti ay isa sa pinaka-importanteng bagay na maaari mong gawin para mas maging attractive at approachable ka,” dagdag pa nito.
Napangiti siya. Ilang eksperto ba ang kilala nito at napakarami nitong alam sa mga bagay na ganoon?
“Tingnan mo, mas lalo kang gumanda,” ani pa nito.
Mabilis siyang nag-iwas ng tingin dito. Ano na naman bang pinagsasasabi nito? Napakahilig talaga nitong mambola.
Bumuntong-hininga ito. “But sometimes, a smile can hide so much,” pagpapatuloy nito. “Hindi dahil laging nakangiti ang isang tao ay wala na siyang problema.”
Muli niyang ibinalik ang tingin dito. Like you, naisip niya. Hindi niya alam kung ano ang pino-problema nito o kung mayroon nga ba? Palagi itong nakangiti at nagpapasaya ng ibang tao pero imposibleng wala rin itong sakit o paghihirap na pinagdaraanan. Gusto niyang abutin ang tunay na damdamin nito pero hindi niya magawa. Hindi puwede. Dahil sigurado siyang matatapos din ang mga araw na kasama niya ito. Hindi dapat siya gumawa ng mga bagay na magpapalapit ng damdamin niya dito.
She didn’t know his story. She didn’t know what he really feels. She didn’t know what was really going on in his mind and life. And she should stay with that. Para hindi na siya mahirapan sa huli.
Tiningnan niya ito. May kalungkutan sa mukha nito pero pinigilan niya ang sariling lapitan ito at aluin. Ibinalik niya na lang ang pansin sa pagkain.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonWhere stories live. Discover now