Chapter 64

2K 167 5
                                    


Tagumpay akong nakabalik ng Palasyo pagkatapos kong bisitahin ang minahan. Ang problema nga lang ay hindi pa buo ang pagsusuri ko doon dahil habang tumatagal ay mas kumakapal ang yelo sa loob n'on. Napansin ko din na bumabalik sa dati ang mga yelo na nilusaw ko. Mabuti nalang ay nakakatulong ang aking mahika sa ganoong aberya. Ngayon ay nakukuha ko na kung bakit hindi na ginagalaw ang minahan. Dinamay na ng lobo ng niyebe ang isa sa mga ikinabubuhay ng mga Thilian. Para bang ipinagkakait niya sa mga mamamayanan ang karapatan na mabuhay o tumawid sa gutom ang mga ito.

Kasalukuyan akong nasa silid namin ni Otis. Kanina pa ako tahimik at malalim ang iniisip. Nag-iisip ako ng paraan para mabuksan na ang minahan, mabigyan na ng trabaho ang mga mamamayan, at para na din maranasan nila na maglakad sa ilalim ng araw o maranasan nila ang tag-araw, lalo na kung bubuksan na namin ito sa turismo.

"Mahal na prinsesa?" tawag sa akin ni Regie,

Inangat ko ang aking tingin sa kaniya. May dala siyang tray. Dinalhan pala niya ako ng maiinom. Ngumiti ako sa kaniya saka kinuha ko ang baso. "Salamat, Regie."

"Walang anuman po, kamahalan."

Ininom ko ito pero nananatili ang problema sa aking isipan. May isang bagay ang sumagi sa aking isipan. Tumigil ako sa pag-inom. Bumaling ulit ako kay Regie. "Regie, alam mo ba kung nasaan si Prinsipe Otis ngayon?" mabilis kong tanong.

"Sa pagkakaalam ko po ay nasa kaniyang Opisina ang kamahalan."

Mabilis akong tumayo. Ibinalik ko sa kaniya ang baso na hindi ko rin namalayan na naubos ko na pala ang laman n'on. "Kailangan ko siyang mabisita, ngayon din." pagpapasya ko.

"Masusunod po, mahal na prinsesa."

Tumayo na ako mula sa kinauupuan ko. Si Regie lang ang makakasama ko ngayon dahil umalis muna sina Faila at Nesta. Si Faila ay abala sa pamumuno niya sa iba pang tagapagsilbi upang maglinis at isaayos ang Palasyo, samantalang si Nesta naman ay tumungo naman sa Kusina para ihanda ang tsaa na iinumin ko, ibinilin ko din sa ibang maid na idiretso nalang ang dala niya sa Opisina ni Otis dahil doon ang aking sadya na agad din umalis ang mga ito para ipaalam ang aking bilin.

Naglalakad ako patungo sa Opisina. Tahimik din nakasunod sa akin ni Regie, pati na din sina Ramas at Raymound. Huminto lamang ako nang may pumukaw ng aking atensyon sa bintana. Dahil sa kuryusidad ay nilapitan ko ang bintana at dumungaw doon. Inangat ko pa ang aking ulo ngunit nanatiling nakatuon doon ang aking paningin.

May nakita akong paparating na puting karwahe. Pinapanood ko hanggang sa tumigil ito. Hindi ko alam kung ano pa ang nag-udyok sa akin upang manatili pa sa aking posisyon. Talagang inabangan ko pa kung sino ang sakay n'on. Hindi kaya isa sa mga duke o iba pang opisyal?

May lumapit na isang tagapagsilbi na lalaki sa pinto ng karwahe. Kusang naningkit nag mga mata ko nang makita ko na isang babae ang lumabas mula sa naturang karwahe. Suot niya ang makapal at kulay puti na balabal. Hinawi nito ang hood. Isang magandang dilag pala. Maputi ang balat at kulay tsokolate ang kaniyang buhok. Inikot ko ang aking mga mata paitaas. Ughh, bakit parang may naalala ako sa tsokolate?

Anyway, ibinalik ko ang tingin ko sa bagong dating. Pero mas natigilan ako nang makita ko si Emperador Audrick na siya mismo ang sumalubong sa babae. Nakasunod sa kaniya ang isa sa mga anak niya, si Prinsipe Mival. Masaya nila ito sinalubong. Nagpalitan sila ng pagbati. Tulad ng ginawa ng emperador sa akin ay masaya niya itong inaya papasok sa Palasyo. Kita ko kung papaano ngumiti ang babae.

"Regie?" tawag ko.

"Po, kamahalan?"

"Sino siya?" ang babae ang tinutukoy ko.

"Ah, ayon po sa aking nalaman, siya po si Binibining Selise, siya po ay galing sa tahanan ng mga Swiller at pangalawang anak na babae ni Bisconde Swiller, kamahalan." sagot niya. Napatingin ako sa kaniya, bakit pakiramdam ko ay kinakabahan siya? Tinagilid ko ang aking ulo. Ngumiwi siya. "At siya po ang babae na dapat papakasalan ni Prinsipe Otis, bago ka po niya nakilala, kamahalan."

I'm Born as an Eryndor! (Season 1&2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon