Chapter 96

1.2K 69 4
                                    


Madaling araw palang ay palihim na lumabas sina Peng at Lan sa Palasyo, habang si Emperador Shan naman ay nakatunghay sa kanila. Hindi maalis ang tingin niya sa tatlo. Maingat na maingat ng mga itong binubuhat ang nawawalang prinsesa na tagapagmana ng Thilawiel habang papalabas. Sinisiguro ng mga ito na walang makakatunog ni isa sa mga kawal. Kung magkakaaberya man, nakaantabay lang siya sa maaaring mangyari kung sakaling mahuli man o ano. Nakahanda din siyang gamitin ang kaniyang kapangyarihan bilang isang pinuno basta hindi malaman ng mga mamamayan na may napadpad na dayuhan sa kanilang lugar.

Tagumpay na nakalabas ng Palasyo sina Peng at Lan. Malaki ang pasasalamat nila dahil wala pang nakakadiskorbe ng sikretong daan na madalas na dinadaanan ni Shan kapag naisipan nitong lumabas at maglalakad-lakad muna sa kabisera kahit saglit lang.

Nakahanda din ang karwahe na gagamitin nila na mismong si Shan ang nag-utos. Patungo ito sa malayong probinsiya na pinanggalingan ni Peng. Tulad ng inuutos ay dadalhin nga nila si Rini sa lugar na pinanggalingan ni Peng, kung nasaan ang mga magulang nito. Kahit na nakabase ang mga magulang ni Peng sa malayong probinsiya, mataas pa rin ang katungkulan nito sa lipunuan. Isang retirong heneral ng mga mandirigma ang ama niya, samantalang ang ina nito ay may pagmamay-ari ng mga bahay-tuluyan para sa mga manlalakbay na naliligaw sa kanilang lugar ngunit isa sa mga respetadong babae at binibini ng Jian Yu. Maaari ding tumuloy doon ang mga mangangaso dahil napapaligiran ang kanilang lugar ng makapal na kakahuyan.

Inabot na ng isang araw ay narating na ni Peng at Lan ang parte ng Lu Lin. Kung saan matatagpuan ang mga magulang ng heneral at personal na tagapagbantay ni Shan. Dahil biglaan at walang pasabi na pupuntahan ni Peng ang kaniyang mga magulang ay sunud-sunod na katok ang pinakawala niya sa malaking tarangkahan ng kanilang tahanan. Ilang saglit pa ay nagbukas ito. Bumungad sa kanila ang isang lalaki na kilalang niya. Isa ito sa mga matagal nang naninilbihan sa kanila. Hindi mapigilang magulat ito nang makita siya.

"Panginoong Peng!" malakas na bulalas nito sa kaniya. Aligagang lumuhod ito sa kaniya biglang pagbati sa kaniyang pagdating.

"Maaari ka nang tumayo. Nasaan pala sina ama at ina?" pormal niyang tanong sa tagapagsilbi.

Mabilis din itong tumayo saka ipinagdikit ang mga kamay nito. "Kakagising lang po nila, aking Panginoon. Pupuntahan ko din po sila upang ipaalam ang inyong pagdating."

"Salamat, pakibilisan sana at may importante akong sasabihin sa kanila."

"Opo! Opo!" nagmamadali na itong umalis sa kanilang harap hanggang sa nakapasok na ito sa kanilang bahay para tawagin ang kaniyang mga magulang.

Bumaling sa kaniya si Lan. "Ngayong naririto na tayo, siguro naman ay walang makakaalam na isang dayuhan pala ang babaeng nakasaad sa propesiya, ayon sa tinitingalang dragon at adarna (phoenix)."

Bahagya siyang kumilos saka kumawala siya ng marahas na buntong-hininga. "Tulad ng ipinag-utos ng Kamahalang Imperyal, 'yon ang aking susundin." seryoso niyang tugon.

Hindi rin nagtagal ay lumabas na din ang mga tao mula sa bahay na 'yon. Mula sa kanilang kinalalagyan ay tanaw nila kung papaano natataranta ang mga ito nang makita siya. Malalakas pa naman ang mga magulang niya kung kaya nakakagalaw pa ito nang ayos. Napasinghap ang kaniyang ama, samantalang ang kaniyang ina naman ay napasapo ng bibig nang makita siya.

"Peng, anak ko!" bulalas ng kaniyang ina.

Masaya niyang dinaluhan ang kaniyang mga magulang. Sinalubong niya ng mahihigpit na yakap ang mga ito. "Patawad po, ama, ina... Kung hindi po ako ipinagsabi ang aking pagdating." may bahid na pagsabik nang isinatinig niya ang mga kataga na 'yon.

Kusang kumalas mula sa pagkayakap ang kaniyang mga magulang. Tiningnan siya ng mga ito na may masayang ngiti sa labi. "Bakit ka nga pala napaparito, anak? Ang akala namin ay sa susunod na taon pa ang balik mo dito." ang kaniyang ama.

I'm Born as an Eryndor! (Season 1&2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon