Chapter108

1.2K 90 10
                                    


Tahimik na naglalakad ang prinsesa ng Azmar sa malawak na pasilyo ng Palasyo. Nakasunod lamang si Theavia sa kaniya. Wala ang kaniyang asawa na si Arundel dahil may iba itong pinagkakaabalahan. Subalit, sa loob-loob niya hindi maitago ang pinaghalong kaba at takot na gumagapang sa kaniyang sistema ngayon. Iyon ay dahil ipinatawag siya ng kaniyang nakakatandang kapatid mula sa silid nito. At mukhang alam na niya kung ano ang rason kung bakit siya pinatawag nito.

Huminto silang dalawa sa mismong harap ng malaking pinto. Sa likod nito ay naroon ang taong kinakatakutan niya. Ilang beses pa ang paglunok niya at lakas-loob na siyang lumapit. Kumatok siya ng tatlong beses. Narinig niya ang kilalang boses mula sa loob, binigyan na siya ng permiso na makapasok. Lumapat ang kaniyang kamay sa saraduhan ng pinto saka pinihit 'yon. Dahan-dahan niyang itinulak ito saka maingat na tumapak papasok.

"K-kamahalan?" pilit niyang maging kalmado nang nasa loob na siya. Nanatili pa ring nakasunod sa kaniya ang alipin na si Theavia.

"Unva," isang malamig na boses ang sumalubong sa kaniya. "Tumuloy ka at mag-uusap tayo..."

Mas lumapit pa siya. Walang nakasinding kandila o lampara man lang sa silid na 'to. Ang tanging nagbibigay liwanag lang dito ay nagmumula sa sinag ng buwan na tumatama sa manipis na kurtina na nakasabit sa malapad na kama. May isang babae na naroroon. Mula sa kaniyang kinakatayuan ay nakahubad pa ito. Nang maaninag siya nito ay saka ito kumilos at nagsuot ng roba. "I-ipinatawag ninyo daw po ako... Kamahalan..."

Bago siya sagutin nito ay marahas na hinawi ang nakaharang na kurtina. Tumambad sa kanila ang maalon at itim nitong buhok. Morena at nakikita ang magandang kurba ng katawan nito. Mas kapansin-pasnin ang kulay kahel na mga mata nito, animo'y nagliliwanag ito sa dilim. "Oo, ipinatawag kita, Unva."

Agad silang lumuhod ni Theavia sa harap ng babae, ang mimsong Reyna ng Kahariang Azmar, si Reyna Qratanya! "Ano pong maipaglilingkod ko, Kamahalan?" pilit niyang maging kalmado sa kabila ng takot na nararamdaman niya ngayon.

Halos mapatalon siya sa gulat nang bigla siyang binato ng babasaging kopita. Mabuti at nakailag siya't bumagsak 'yon sa sahig. Nagkapira-piraso ito. "Palpak ang gawa mo, Unva. Balewala ang alipin na ipinadala ninyo sa Thilawiel na magsisilbing mga mata at tainga dahil sa maikling panahon lang ay nagawa na siyang matunugan at paslangin ng mga Cairon at mga Eryndor." malamig nitong turan sa kaniya.

Nanigas siya sa kaniyang posisyon. Ngayon niya lang narinig tungkol sa balita na 'yon! "P-pero ate---" hindi na niya magawang ituloy ang kaniyang sasabihin nang bigla siyang sinipa sa mukha. Napasubsob siya sa sahig! Muntikan na siyang matamaan ng bubog na nakakalat sa sahig! "A-ate..." nanginginig ang boses niya. Umaapaw na ang takot sa kaniyang sistema. "P-patawad... Bigyan mo ulit ako ng isa pang pagkakataon... Hindi na po ako sasablay ulit... A-ate..."

Bumuntong-hininga ito sa harap niya. "Kahit ano talagang gawin mo, wala ka pa rin kwenta, Unva. Simula pagkabata hanggang ngayon ba naman, hindi mo pa rin magawa ng maayos ang pinakasimpleng trabaho na pinapagawa ko sa 'yo?"

Suminghap siya. "A-ate... H-hindi ko na po uulitin... Pangako... "

"Haaa.. Mukhang wala na akong mapagpilian pa." bumaba ang tingin nito sa kaniya. Nanlilisik ang mga mata nito sa kaniya. "Ako na mismo ang pupunta sa Thilawiel."

"Mawalang galang na po..." biglang nagsalita si Theavia. Sabay silang napatingin sa alipin. "Nais ko lang po malaman kung... Anong nais ninyo sa Thilawiel at gustung-gusto ninyong punteryahin ito? Hindi po ba't kasalukuyan na pong nawawala ang prinsesa na tagapagmana?"

"Eksakto! Nawawala ang prinsesa na tagapagmana! At kukunin ko ang pagkakataon na 'yon para tuluyan ako makalapit sa kaniya---sa prinsipe na tagapamana! Dahil siya talaga ang gustong-gusto ko! Siya ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay wala pa akong asawa!"

I'm Born as an Eryndor! (Season 1&2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon