Chapter 104

1.1K 85 1
                                    


Pagkatapos namin mag-usap ni Emperador Shan ay siya mismo ang naghatid sa akin patungo sa binabanggit niya na isa sa mga mansyon na tinatawag nilang Palasyo na bulaklak ng peoni. Noong una ay hindi ko alam kung bakit ganoon ang tawag niya. Napagtanto ko, marami palang malalaki at malalawak na mansyon sa loob ng Palasyo. Nalaman ko na may mga hangarin ang bawat gusali na natatanaw at nadadaanan namin. Ang sabi niya sa akin, malalaman ko din daw ang kahalagahan ng mga bawat isa sa mga 'yan sa oras na ganap na daw akong emperatris.

Nakasunod lang sa aming likuran ang mga tagapagsilbi niya, maski ang mga magsisilbi sa akin. Nakita ko din na kasama rin si Ju Fen doon na malaki naman ang ipinagpasalamat ko. Sa tahanan kasi ng mga Yi, siya lang ang tanging makakasundo ko, at siya din ang kayang makipasabayan sa akin sa mga gawain ko. Gamay na din niya kung ano ang mga kailangan ko at mga ayaw ko. Alam niya din kung saan ako matatagpuan sa oras na hindi ako mahanap sa loob ng tahanan ng mga Yi. Bukod pa doon, nakita ko na may kakulitan din siyang taglay, siguro ay dahil hindi pa nawawala ang pag-iisip niya bilang isang bata kaya naiitindihan ko. Bukod pa doon ay siya lang ang kakuntsaba ko sa oras na nagbabalak akong lumabas ng bahay tuwing gabi para magsanay sa pangangaso.

Tumigil lang kami sa paglalakad nang nasa harap na kami ng lugar kung saan ako tutuloy habang ako'y naririto. Hindi ko inaasahan na malawak ito. Bakas ang pagiging marangya. Sa katunayan ay doble ang laki nito kaysa sa tahanan ng mga Yi. Nang iginala ko ang aking paningin, nakita ko ang mga naggagandahang bulaklak na nakapaligid sa Palasyo. Parang pinaghandaan ito nang husto. Seryoso bang dito niya ako ilalagay?

Biglang humarap sa akin si Emperador Shan. "Naririto na tayo," masuyo niyang abiso.

Ibinuka ko ang aking bibig. "Kamahalang Imperyal... Masyadong marangya ang lugar na 'to para sa akin. Tingin ko ay hindi ako karapat-dapat---"

"Ngunit sa kaunting panahon nalang ay mapagmamay-ari mo na ang lugar na 'to, Binibining Rei." putol niya sa sasabihin ko.

Hindi ko magawang magsalita. Muli ako sumulyap sa engrandeng Palasyo na nasa harap ko. Nanatiling nakatikom ang aking bibig. Wala akong makapang salita. Nais ko man tanggihan ito ay tingin ko ay wala na akong magagawa pa kungdi ang tanging masasabi ko lang, "Maraming salamat sa biyaya na ipinagkaloob ninyo, Kamahalang Impeyral." saka yumuko ako sa harap niya, isinabay ko na 'to sa pagpapasalamat ko na sinabi ko.

Tumuwid ako ng tayo pero mas hindi ko inaasahan na bigla niyang hinawakan ang isang kamay ko. Marahan niya akong hinatak papasok sa naturang Palasyo. Binuksan niya 'yon. Bigla siyang tumigil saka hinarap niya ang mga tagapagsilbi na nagbabalak sana sundan kami dito sa loob. "Manatili muna kayo rito." utos niya sa mga ito.

Natigilan sila. Maski sina Heneral Peng, Ginoong Lan at Ju Fen. Gusto kong matawa sa mga mukha nila ngayon, parang gustong gusto talaga nilang sumama pa sa loob pero mukhang natunugan pa sila ni Emperador Shan kaya wala na silang magawa kungdi maghintay nalang sa labas. Hangga't maaari ay pinipigilan ko lang.

"Halika, hayaan mong ipakita ko sa 'yo ang magiging silid mo." nakangiting aya niya sa akin.

Tahimik akong tumango at sumunod sa kaniyang sinasabi.

Nang tumapak na ang mga paa ko sa naturang silid, hindi ko mapigilang mapangiti habang pinagmamasdan ko ito. Hindi ko alam na ganito pala kalawak ang Palasyo ng emperatris. Bawat sulok nito ay bakas na pinag-isipan at mas pinaganda pa. Hindi lang 'yon, may mga salita na nakaukit sa mga poste sa lengguwahe ng bansang ito. Maganda rin ang pagkadisensyo, mahahalata na mataas na tao ang nakatira sa lugar na ito---ang nagmamay-ari nito.

"Nagustuhan mo ba?" rinig kong tanong niya.

Bumaling ako sa kaniya nang nakangiti. "Masyadong elegante." kumento ko. "Sa tingin ko ay hindi po ako nababagay sa ganitong lugar, Kamahalang Imperya---"

I'm Born as an Eryndor! (Season 1&2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon