Chapter 103

1K 84 1
                                    


Matalim ang tingin ni Otis sa isang gusali. Nasa tabi niya sina Ginoong Hayness, Binibining Cobb at Binibining Mercer pati na din ang mga bagong kaanib sa organisasyon na pantalinong pangsandatahan. Pinagpasyahan nilang gabi ang oras ang kanilang paglusob. Kasalukuyan silang nagtatago sa likod ng mga puno at halamanan. Nakaantabay naman ang mga iilang myembro ng kaniiyang hukbo sa paligid. Tama, pinapaligiran nila ang gusali na 'yon na nasa kaniyang harap kung nasaan ang mga bihag na naging biktima ng mga digmaan upang ibenta at gagawing alipin. Nabanggit na niya sa Emperador ng Thilawiel ang tungkol sa bagay na ito na siya naman binigyan sila ng panhintulot na ibigay sa kanila ang misyon na ito. Mabuti nalang din ay kasama din nila sina Nira upang tukuyin ang pasikot-sikot sa oras na sasalakayin na nila ito at si Elvin na bagong sapi lang din sa organisasyon. Siya mismo ang nagbigay ng tungkulin nito dahil kumpara sa kaniyang mismong hukbo, mas kakaunti pa at kakailanganin pa ng mga myembro ng bagong tayong grupo.

Inangat niya ang kaniyang kamay saka iniwagayway niya ito, nagbigay na siya ng sensyales na uumpisahan na nilang lumusob. Mabilis ngunit tahimik na silang kumilos papalapit sa gusali, maliban sa kaniya. Minanipula niya ang kaniyang anino upang lumusot sa itim na bilog na nasa kaniyang kinalalagyan. Lumabas siya sa pader na nasa likuran ng mga bantay at walang sabi na sinasaksak niya ang isa sa pamamagitan ng hawak niyang matalim at mahabang espada mula sa likuran. Pagkahugot ay natumba ang isa, pero agad din siya natunugan ng kasama ng taong napatay niya. Akmang susugurin siya ngunit agad din niya ito inunahan. Yumuko siya saka nagpakawala ng atake. Direkta niyang ibinaon ang dulo ng espada niya kung saan ang puso ng kalaban. Bago man ito bumagsak ay marahas niyang binawi ang hawak niyang sandata.

Nang natumba na ang dalawang bantay ay nagteleport naman si Nira para makapasok sa loob, sa gayon ay mapagbuksan na sila ng pinto at 'yon nga ang nangyari. Mabilis silang napasok. Wala silang nakita ni isa na nagbabantay dito. Mas sumeryoso ang kaniyang mukha sa kaniyang nadatnan. Tila hindi karaniwan na pangyayari sa tuwing may nilolooban silang gusali o Palasyo sa tuwing makikipagdigma siya noon. Para bang alam ng mga kalaban ang pagdating nila. O sadyang walang alam ang mga tao na naririto na nalaman ng pamunuan ang ilegal na operasyon na nagaganap dito?

"Dito po, Kamahalan." wika ni Nira sabay turo niya sa isang direksyon.

Tahimik nilang sinundan 'yon pero dinoble pa nila ang kanilang pag-iingat. Iniisip niya na kailangan nilang kompletuhin ang misyon na ito lalo na't ayaw niyang mabigo ang kaniyang ama na nag-aalala din sa mga biktima na nakakulong sa lugar na ito.

Nagbigay ulit siya ng sensyales na maghiwa-hiwalay sa tatlong grupo. Ang dalawa ay susuyurin ang bawat silid habang ang pangkat naman niya ay tutungo sa pinakaibabang bahagi ng gusali dahil ang sabi sa kanila ni Nira at Ginoong Hayness, may mas malawak na espasyo sa pinakaibaba kung nasaan ang mga piitan.

Pero natigilan ang kaniyang pangkat nang may naririnig sila. Pinaghalong iyak, takot at pakiusap. Mayroon din siyang naririnig na masasayang hiyawan. Nagkatinginan sila ni Ginoong Hayness, Nira, at Elvin. Nagpalitan sila ng tango sa isa't isa. Balak nilang sundan ang pinanggalingan ng tunog ng kanilang naririnig. Muli sila kumilos nang maingat. 'Yong tipong hindi matutunugan ang kanilang pagdating.

Nang nasa tapat na sila ng malaking pinto ay walang sabi na malakas niyang tinadyak 'yon. Marahas itong nagbukas dahil sa pwersa na binitawan niya. Tumambad sa kanila ang mga mesa at upuan na may mga tao nakaupo doon. Mga nakapormal damit ang mga ito. Mapababae man o mapalalaki. Akala mo ay dadalo ang mga ito sa isa sa mga pinakamalaking pagdiriwang sa Palasyo. Maliban lang din na may mga suot na maskara ang bawat isa sa mga ito, maliban lang sa mga alipin na piniprisinta sa entablado. Kita na gusgusin ang mga ito at nakapulupot ang makakapal na kadena mga leeg at mga kamay ng mga biktima na dahilan upang umahon ang galit sa sistema niya. Nakakaramdam siya ng pagngingitngit sa kaniyang nasaksihan.

I'm Born as an Eryndor! (Season 1&2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon