Chapter 160

1.7K 89 24
                                    


Tumigil sa paglalakad sina Miriel at Amus nang tagumpay silang nakalabas ng Kasilyo. Muli nilang sinuot ang mga balabal. Muling lumingon ang panginoon ng mundong ibabaw habang ang kasamahan nito ay isang pagtatakang ekspresyon ang umukit sa mukha nito, habang nasa mga bisig nito ang katawan ng tao na kanilang natagpuan sa loob. Sa puntong ito, bumabalot sa paligid ang isang nakakalungkot at madamdaming tagpo. Animo'y ito na ang huling pagkakataon na mapapadpad sila sa lugar na ito.

"Panginoon?" nagtatakang tawag ni Amus sa kaniya. Bahid din sa tinig nito ang pag-aalala.

Lumipat ang tingin niya sa kasama ngunit sa huli ay binawi niya 'yon. Marahan niyang ipinikit ang kaniyang mga mata. "Kinakailangan nating magmadali. Natitiyak kong hinihintay na nila ang ating pagbabalik." mahina niyang saad. Inihanda na niya ang kanilang pag-alis.

Inangat niya ang isa niyang kamay habang nilang may mabilis na dumaan na isang matulis at delikadong bagay sa kaniyang direksyon. Dahil sa malakas ang kaniyang pakiramdam ay agad niya 'yon iniwasan ngunit sadyang kinulang pa siya sapagkat nagawang daplisan ang kaniyang pisngi na ikinalaki ng kaniyang mga mata. Hindi maitanggi na nawindang siya.

'Anong...' sambit ng bahagi ng kaniyang isipan. Sinubukan niyang bumuo ng teoriya sa kaniyang isipan na maliban sa kaniya, ay may iba pang nakakaalam ng lumugmok na Kaharian na ito. Sa pagkakaalam niya ay tanging siya at si Lorah at piling mga diyos at diyosa ng mundong ibabaw ang nakakaalam nito!

Maski si Amus ay muntikan na niyang bitawan ang hawak na katawan dahil sa pagkataranta, lalo na't kitang-kita niya kung papaano nasaktan ang pinagsisilbihang Panginoon. Ngunit, mahigpit na ibinilin na huwag na huwag pababayaan ang katawan na ito hangga't maaari.

"Magpakita ka." mahinahong utos ni Miriel sa kawalan. Nanatili siyang nakatayo at hindi gumagalaw sa kinakatayuan nito.

Ilang saglit lamang ay rinig nila ang nababaliw na bungisngis. Natitiyak niya na nasa malapit lang ito. Tila inaantay ang kanilang paglabas mula sa pinanggalingan na Kastilyo. Naningkit ang mga mata niya, pamilyar sa kaniya ang tawa na 'yon. Ilang libong taon nang nakalipas ay tandang-tanda niya kung sino ang nagmamay-ari n'on. Base din sa sandata na gamit nito laban sa kaniya, alam na niya kung sino ang may kakayahan na gumamit ng mga delikadong karayom.

"Vadum," tumalim ang mga mata niya nang banggitin niya ang pangalan ng nagtangka sa kaniyang buhay.

Mas lalo lumakas ang tawa nito hanggang sa tuluyan itong nagpakita sa kaniyang harap. Isang lalaking nababalutan ng tela. Kalahati ng mukha nito ay nababalutan ng itim na tela. Kulay pilak ang buhok nito at sa pangangatawan nito, ay natitiyak niyang mabilis itong kumilos. Noon pa man ay isa ito sa mga malalakas na demonyo, hindi lang niya sigurado kung gaano na ito kalakas sa paglipas ng mga panahon. "Isang malaking karangalan na natatanda pa ng panginoon ng mundong ibabaw ang aking pangalan." nakangisi nitong sambit, diretsong nakatingin sa kaniyang mga mata.

Nagsukatan sila ng tingin. Pinagmasdan niyang mabuti ang anyo ngayon ng demonyo na nangangalang Vadum. Sa pagkakatanda niya ay nakakatanda itong kapatid ni Fvyagi. Kung ang nakakabatang kapatid ay magaling ay isang tuso, ang nakakatanda naman ay di hamak na madalas itong nagwawagi kung sukatan ng lakas at bilis ang pag-uusapan. Sumagi sa kaniyang isipan si Rini. Sa katunayan ay nasaksihan na din niya kung papaano nakipaglaban ang hahaliling emepratris ng Thilawiel, subalit hindi naman niya matantya kung magkapantay ang dalawa. Kung sino ang mas mabilis o mas malakas sa kanilang dalawa. Pero may mga problema pang dadating sa oras ng digmaan. Hindi lang ang magkapatid ang malakas. Mayroon ding sampung tauhan ang panginoon ng mga demonyo. Hindi rin tulad sa iba, hindi basta-basta nagpapakita ang mga 'yon, maliban lamang kung mahigpit na ipinag-uutos ang panginoon na kumitil kung sinuman ang nanaisin na kitilan ng buhay.

I'm Born as an Eryndor! (Season 1&2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon