Chapter 134

1K 86 7
                                    


Tahimik lang nakahalukipkip si Theavia. Nakapirmi lang siyang nakaupo sa tabi ng bintana ng karwahe na kanilang sinasakyan ngayon. Hindi lang siya ang naririto, kasama rin niya ang ipinahahanap na binata na nangangalang Kapitan Blazh Averescu mula sa bansang Afoini na kanina pang nagnanakaw ng sulyap sa kaniya pati ang kasama nitong binatilyo. Siguro ay nagtataka ito kung bakit bigla siyang sumulpot kanina at nais niyang makarating ng Palasyo. Ang totoo niyan ay naroon rin siya sa lugar kung nasaan nagpapakalasing ang binatang kapitan. Sinadya niyang mapadpad na sa Cyan. Nag-iisip siya ng paraan upang makalapit sa mga Eryndor pero nang marinig niya na hinahanap ng Pamilyang Imperyal ang lalaking ito, kinuha na niya ang malaking pagkakataon na ito para sa kaniyang binabalak. Aminado siya, sa loob-loob niya ay nakakaramdam siya ng pinaghalong kaba at takot sa oras na nasa harap na niya ang naiwang pamilya---lalo na si Vencel pero wala na siyang mapagpipilian pa. Tutal din ay nakuha na ni Rini ang mga sagradong sandata na ipinapahanap niya na siya din malaking pwersa ang maidadagdag sa papalapit na digmaan.

Iginalaw niya ang kaniyang ulo. Dumungaw siya sa bintana ng karwahe. Mula sa kanilang kinalalagyan ngayon, inatatanaw na niya ang Palasyo, ang dating naging tahanan niya. Mas bumilis ang tibok ng kaniyang puso. Upang pakalmahin ang sarili, pinili niyang ipikit ang mga mata. Mayroon ding parte sa kaniya ang pagkasabik na makita at mayakap na niya ang naiwan na pamilya. Lalo na ang kaniyang bunsong anak na si Rini. Alam niyang labis itong nangulila sa pag-aruga niya bilang isang ina. Kung tutuusin, sa loob ng labing siyam na taon, marami siyang pagkakataon na makalapit sa mga Eryndor, subalit sadyang may mabigat siyang dahilan kung bakit pinili niyang manahimik. Kung bakit pinili nalang niyang ilayo ang kaniyang sarili sa mga ito, liban sa kaniyang isinumpang mukha na isang tao lang ang nakakagawa nito, ang isa sa mga diyos na matagal at lubos niyang kilala.

Ilang saglit pa ay nakita niya kung papaano kusang nagbukas ang malaking gate ng Palasyo. Tahimik at tagumpay silang nakatawid doon. Hindi niya magawang magtanong. Sa halip ay iginala niya ang kaniyang paningin sa paligid kahit gabi na., kasabay na pinipiga ang kaniyang puso sa mga nakikita niya.

Nanumbalik sa kaniyang alaala ang bawat lugar na kanilang nadadaanan. Sariwa pa sa kaniyang isipan ang mga masasayang alaala na binuo niya sa lugar na ito. Lalo na ang mga panahon na umusbong palang ang pag-ibig sa pagitan nilang dalawa ni Vencel. Tandang-tanda pa niya kung papaano niya ito nakilala nang hindi sadya. Hindi pa nito alam na isa siya sa mga diyosa na tinitingala ng mga Cyanian.

Naputol ang paggunita niya nang naramdaman niyang tumigil na ang karwahe na kanilang sinasakyan. Hindi rin nagtagal ay nagbukas na ang pinto na nasa gilid ng Kapitan Averescu. Binigyan din sila ng hudyat na maaari na silang bumaba na. Naunang bumaba ang dalawang lalaki bago man siya.

Sa pagtapak niya muli sa Palasyo ng mga Eryndor, hindi niya mapigilang mapatingala sa matayog na gusali na nasa kaniyang harap niya ngayon. Kusang tumindig ang balahibo niya, muli na naman siyang ginapangan ng kaba at takot sa buong sistema. Kahit ganoon ay pilit niya pa ring maging kalmado. Pero malaki pa rin ang ipinagpapasalamat niya dahil pinayagan siya ng mga kawal na makasama kahit na hindi talaga siya ang sadya ng mga Eryndor.

Umagaw ng kaniyang pansin ang kusang pagbukas ng malaking pinto sa entrada ng Palasyo. May lumabas doon ang iilang mukha mula sa nakaraan. Ang personal na mayordomo ni Vencel na si Ginoong Sebastian at ang kanang kamay nito na si Conde Vogel. Nakasunod sa likuran ng mga ito ang ilan sa mga babae at lalaking tagapagsilbi. May lumapit na isa sa mga kawal na nakasama nila sa mga bagong dating. Siguro ay binanggit nito sa mga 'yon ang biglaang pagsama niya dahil nagtatakang tumingin ang mga ito sa kaniyang direksyon. Ilang saglit pa ay nilapitan siya ng dalawang lalaki na may ngiti sa mga labi.

"Binibini, sa ngayon ay ang Ginoong Averescu ang ipinapahintulot ngayon ng mga Eryndot na makita at makausap. Maaari po bang makapaghintay ka sa hardin? Sa oras na matapos nilang kausapin ang Ginoo, kami na po mismo ang magsusundo sa inyo..." si Conde Vorgel, subalit tumigil ito nang makita siyang may dinukot sa kaniyang bulsa ng kapa.

I'm Born as an Eryndor! (Season 1&2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon