KABANATA 33

1.9K 157 5
                                    

Lucio's P.O.V.

"Panginoon," nakayukong wika ni Diegong pinuno ng mga Tik-tik. Nakaluhod ito sa harapan ng aking trono. "Narito na pong lahat ang mga nilalang na nakalagay sa inyong listahan. At tulad nang inyong tagubilin, walang-labis, walang kulang. Naririto silang lahat."

Sa kabila ng pananahimik ng tinuran nitong mga nilalang, naging mas maingay naman ang mga nakapaligid na nagsisipagbulungan sa isa't-isa habang ang iba naman'y tila kinukutya ang mga nilalang sa kanilang gitna.

"Ano po ang susunod ninyong ipag-uutos, Panginoon? Parurusahan niyo na ba ang mga ito?" Tanong naman sa akin ni Jose, ang pinuno ng lahi ng mga Kubot, na tila baga hindi ito makapaghintay na maparusahan nga ang mga nilalang na kanilang nahuli.

Nginisian ko ang labindalawang Pinuno ng konsehong nakaluhod sa harapan ko, bagaman napipiligilan ko pa ang pagtawa, sapagakat tila baga hinusgahan na ng mga ito agad-agad na mayro'n ngang mabibigat na kasalanang nagawa ang labindalawang mga nilalang na ipinahuli ko sa kanila.

"Parurusahan ba kamo?" Sabi ko kay Jose. "At ano namang uri ng parusa ang nasa isip mo?"

"Kung ako po ang inyong tatanungin," nilingon muna nito ang kanyang labing-isang kasamahan. "Kamatayan po, upang hindi na sila pamarisan." Hindi na ako nagulat nang sumang-ayon dito ang labing-isa.

"Woaa!" Sinabayan ko ito ng biglang pagtayo mula sa pagkakaupo ko mula sa aking trono. "Kamatayan? At ano namang paraan ng kamatayan?"

"Sa pinakamalupit na paraan." Pagsabat ni Diego.

"Pinakamalupit na paraan..." kunwari'y nag-iisip ako nang malalim habang nagpaparoo't parito ako sa magkabilang dulo ng kanilang hilera. "Ngunit bakit? Ano ba sa palagay niyo ang nagawa nilang mga kasalanan?"

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Sa pagtatradyor sa ating samahan," mabilis na sagot ni Diego. "Lalong, lalo na po sa inyo."

"Anong ang pinakamalupit na paraan ba ng kamatayan ang dapat ipataw sa mga traydor sa samahan, at sa akin?"

Natawa si Diego, na tila ba nasasabik itong ipataw sa mga ito kung ano man ang nasa kanyang isipan, "kung ako ang tatanungin, ang pagpapahirap hanggang sa mamatay."

"Panginoon," pagsingit ni Jose, na sadyang hindi maitago ang pagiging natural na pagiging mapapel at apurado. "Kung ako ang tatanungin," hindi man lamang nito mahintay na tanungin ko muna siya, "...ay huwag na nating sayangin ang ating oras. Sa dami nila, mainam pang pugutan na lamang natin sila ng ulo para tapos na, tutal, wala na rin namang kapatawaran ang mga ginawa nila."

Sinundan iyon ng sabay-sabay na pagbubulungan ng mga nagmimiron sa buong palibot ng salón de baile (1). Tumahimik lamang ang mga ito nang sumigaw ang mga Ujier (2) na siyang nagpapatupad ng kaayusan at katahimikan sa aking tanggapan.

"Bakit Jose?" Nginisian ko ito, "ano ba sa tingin mo ang naging kasalanan nila? Kilala mo ba sila, o kahit isa man lang sa kanila at kung ano ang nagawa nilang kasalanan?"

Biglang tumahimik si Jose, bagaman kaliwa't kanan ang paglinga nito sa kanyang mga kasamahan.

"Ikaw Diego?" pagbaling ko rito, "alam mo ba, kung ano ang partikular na kasalanan nitong mga ipinahuli ko sa inyo? Kamatayan din ang gusto mo para sa kanila? At hindi lang basta-basta kamatayan sapagat gusto mo ring pahirapan muna ang mga ito hangang sa unti-unti at isa-isa na silang mamatay, hindi ba?"

Hindi rin ito nakapagsalita agad. Nag-iisip, na tila may pilit itong hinahalukay sa kanyang isipan. "Hindi po, ngunit kayo po ang nagpahuli sa kanila kaya--"

"Kaya ano?"

"Kaya ipinalagay na lamang po namin na may kasalanan ang mga ito."

Sandali kong pinagmasdan si Diego, bago ko ibinuga ang matindi kong paghalakhak. "Ang ibig mo bang sabihin, handa kang patayin ang mga nilalang na ito," itinuro ko ang mga nilalang na ipinahuli ko sa kanila, "kahit hindi mo naman alam kung bakit at kung ano ang mga kasalanan nila?"

"Kung iyon po ang ipinag-uutos niyo ay hindi kami magdadalawang-isi--" pagsingit ng nakabubuwisit na si Joseng apurado, kaya naman hindi pa natatapos ang pagsabat nito'y mabilis kong binunot ang punyal sa aking lukbutan at itinapon ito nang patusok diretso sa lalamunan nito. Bumakas sa mukha ni Jose ang pagkabigla; nakanganga, namimilog ang mga mata at naninigas na sa pagkakaluhod nito habang sumisirit ang sariwang dugo mula sa leeg nito. Ilang saglit pa'y nakadilat na bumagsak na rin ito sa sahig nang wala nang buhay.

Ngayon ay hindi ko na maitago ang tunay kong nararamdaman. Nanginginig ako sa matinding galit na aking kinikimkim dahil matagal ko na ring alam na si Diego at Jose ang mga linta sa aking konseho. Sila ang pinakamadalas na nag-uulat sa akin, ngunit sila rin naman ang may pakana ng lahat ng mga kaguluhang iniuulat nila. Nag-animo tuloy na isang akong gung-gong na nabibilog nila ang ulo. 'Sige, kumain na kayo ng taong buhay dahil ito'y pinahihintulutan na ng Panginoon.' Anila nang pailalim, at pag karakang sinunod nga ng mga pobreng kanilang inuudyukan ay sila rin naman mismo ang nag-uulat sa akin ng mga kasalanang sila naman ang pinagmulan.

Batid ko nababalot na ngayon ng takot ang iba pang mga miyembro ng kunseho sa aking harapan; maging ang lahat ng mga naroroon sa aking tanggapan, kung kaya't hindi na ako nagulat nang dumapa si Diego sa aking harapan, na halos humahalik ito na sa aking mga paa, "Panginoon, a-ano po ba ang nagawa naming pagkakamali? Maawa po kayo, maaw--"

Yumuko ako upang kuwelyuhan ito gamit ang aking kanang kamay, bago ko ito unti-unting itinaas at inihagis sa harapan ng mga nilalang na ipinahuli ko sa kanila. "Hindi kita papatayin ngayon, huwag kang mag-alala. Para naman maibalita mo pa sa amo mong si Marietta na galing-galingan naman sana kamo niya ang mga plano niya sa susunod. Masyado kamo syang napaghahalata na isa siyang bobong pipitsugin."

Naglalakad ako pabalik sa aking trono, "at kayo!" wika ko sa sampung natitirang miyembro ng konseho sa muling pagharap ko sa mga ito. "Nakikita niyo ba itong mga taong ipinahuli ko sa inyo?"

Walang maisagot ang sinuman sa mga ito.

"Ang mga ito lamang naman ang papalit sa puwesto niyong lahat." Hindi na rin naman nakapalag ang mga ito dahil isa-isa na ri silang dinampot ng aking mga Sarhento. "Sapagkat kahit hindi man kayo nagtraydor sa akin tulad ng ginawang pagtataksil sa akin ni Jose at Diego, ay puros naman kayong mga walang utak at walang silbi! Sumasang-ayon na lamang kayo parati sa kung ano ang idikta nila sa inyo. Nagde-desisyon kayo nang hindi man lang nag-iisip, kahit na nakasalalay rito ang buhay ng mga nilalang sa nasasakupan niyo! Lumayas kayong lahat sa harapan ko! Ramiro!" Pagbaling at pagtawag ko sa pinuno ng mga Ujier (2).

Agad naman itong lumapit at yumuko sa akin, "ano po iyon, Panginoon?"

"Ipahanda mo na ang seguridad sa silid ng kumperensya." Malumanay na aking pagsasalita, "para sa pinakaunang pagpupulong ng bagong pangkat ng kunseho. Binibigyan kita ng isang oras upang isaayos ang lahat."

"Masusunod po, Panginoon."

***

FOOTNOTES

(1)  Salón de baile - Dance hall or Ballroom

(2) Ujier: Sergeant-at-arms

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon