KABANATA 14

6.3K 409 50
                                    

Senda's P.O.V.

"Manong, bakit po tayo huminto?" tanong ng katabi kong babae sa drayber ng sinasakyan naming jeep.

Kung hindi ko pa ito narinig ay hindi ko pa mapapansin na nakahinto na nga ang aming sinasakyan. Agaw pansin naman kasi itong si Luis na ngumingisingisi pa sa loob ng kanyang pulang kotse habang nakabuntot ito sa amin.

"Hindi niyo ba nakikita?" sabi sa amin ng jeepney driver. Itinuturo nito ang gawing harapan. "Napakadilim ng ulap sa pupuntahan natin!"

"Oo nga ba't ganun?" bulungan ng iba pang mga pasahero. Nagsisihaba ang leeg ng mga ito sa pagsilip sa unahan. "Sobrang itim naman ng ulap, parang gabi na sa bandang San Agustin!"

"Oo nga..." pagsanga-ayon naman ng iba.

"Ano ba 'yan?" wika ng isa sa mga kalalakihan.  "Kung ano-ano nang kababalaghan ang nangyayari. Noong kabilang linggo rin, nagkaganyan din sa San Joaquin. Umagang-umaga, bigla na lang binalot ng dilim ang isang buong maghapon."

"Sa San Joaquin?" pagsabat ng isa sa mga kababaihan. Hindi ba ro'n natagpuan ang napakaraming patay na mga hayup noong kabilang linggo?"

"'Yun nga raw po ang nangyari ro'n." Sagot ng lalaking unang nagbanggit tungkol sa Barangay San Joaquin. "Kasisikat lang daw ng araw, bigla na lang daw nangitim ang mga ulap at nagdilim. Pagkatapos daw noo'y umulan naman nang pagkalakaslakas. Hindi makalabas ang mga tao dahil hindi humuhupa ang ulan buong maghapon at magdamag.  Kinaumagahan, hayun na, nagkalat na raw sa paligid ang mga patay na hayup. Mga Baka, Kalabaw, Kabayo, mga Manok, mga Kambing, at iba pa. At alam niyo ba?" sinenyasan nito kami upang mas lumapit kami sa kanya, nagsisunuran naman ang iba, "may nakita raw na bakas ng mga kagat sa balat ng lahat ng hayup!"

"Ha?!" Halos sabay-sabay na bulalas ng mga pasahero. "Ano ba 'yan...kagat? Kagat naman kaya ng ano?"

"Heto pa..." muli nitong sinenyasan ang mga tao na lumapit sa kanya.  "Said na said daw ang mga dugo ng mga hayup, wala na ring mga atay at puso at..." napapanganga kaming mga nakikinig sa kanya. "Wala na rin daw ang mga supling ng mga hayup, kahit na 'yung mga nasa sinapupunan pa ng inahin."

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Hindi lang po 'yun ang kababalaghang nadiskubre nila kinabukasan." Pagsingit ng isa mga kadalagahan. "Ang lahat rin daw po  ng mga sasakyang dumaan sa kalye San Joaquin ng araw na 'yun, natagpuan na lang na nakaparada sa gilid ng kalye pero wala na ang lahat ng mga nakasakay. Hanggang ngayon pinaghahanap pa rin ng mga kinauukulan ang mga taong bigla na lang daw naglaho."

"Naku, teka muna!" Natatarantang wika ng isang ginang. "Kung tutuloy tayo riyan, baka ganun din ang mangyari sa atin. Magsi-uwi na lang kaya muna tayo. Palipasin muna natin 'yan!"

"Naku, paano ba 'yan?" agad na reklamo ng isa pang babae. "Hanggang kagabi na lang 'yung bigas namin. Wala na ring tinda 'yung mga tindahan sa amin dahil hindi pa rin daw sila nakakapamili sa bayan. Kung hindi ako makakabili sa bayan, magugutom ang pamilya ko."

"Ganyan din ang problema namin."  Wika ng ilan pa sa mga pasahero. "Naubusan sa sari-sari store doon sa amin, kung hindi tayo tutuloy, paano na ang mga anak ko?"

Nagsabay-sabay na ang mga ito sa pagsasalita kaya halos wala na akong maintindihan sa mga sinasabi nila.

"Pasensya na."  Biglang anunsyo ng drayber, "ihahatid ko na lang ulit kayo kung saan ko kayo isinakay. Ayokong makipagsapalaran dahil may pamilya rin po ako."

"Pero Manong paano na kami?" muling nagsabay-sabay sa pagrereklamo ang mga pasahero. "Kahit bigas lang sana ay mabili namin. Puwede namang kahit asin lang ang ulam basta't may bigas!"

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon