KABANATA 100

721 67 7
                                    

Lucio's P.O.V.

Animo'y kalabaw na may pasan-pasang pang-araro si Impong Delfin sa unang pagbisita nito sa silid na pinaglagakan ko kay Edwino. Hindi naman lingid sa akin na taliwas sa kanyang kagustuhan ang aking pakiusap. Wala mang pananalitang mamumutawi sa kanyang bibig sa kanyang pagpasok ay damang-dama ko naman ang kanyang pansariling pakikibaka sa sariling mga paang wari'y tumututol sa kanyang bawat paghakbang. Batid kong lubos na napakahirap para sa isang ama na harapin nang may hinahon ang nilalang na kumitil sa kanyang mga anak; at isang pasakit kung maituturing para sa isang kabiyak ang daluhan nang may kabutihang loob ang indibiduwal na naging sanhi kung bakit hindi na siya mabubuong muli magpakailanpaman.

"D-Delfin..." garalgal na pagtawag ni Edwino sa papalapit na ermitanyo.  Muli na namang bumukal ang mga luha sa magkabilang mata nitong nagbabadya na ring mabulag nang dahil sa maliliit na insekto at uod na lumalabas mula rito. "P-patawarin mo ako."

Akala ko'y magmamatigas pa si Impong Delfin nang masilayan na nito si Edwino sa malapitan. Ngunit sa halip na poot ay matinding sindak ang bumalot rito. "Poong mahabagin!" Nag-antanda ito na siya namang ikinagulat ko dahil hindi ko akalain na isa pala itong Kristiyano. "Anong uri ng kalupitan ito?!" Mas lumapit ito at sinuyod ang tingin ang sugat-sugat na katawan ni Edwino. "Ito ba ang sumpang sinasabi nilang ako ang may kagagawan?" Lumingon ito sa akin.

Marahan akong tumango ngunit nantiling tikom ang aking bibig.

Umiiling-iling na bumaling ito sa nakaratay na hari. "Tatapatin na kita haring Edwino, hindi ko kayang labanan ang kapangyarihan ni Marietta dahil hindi pa yata naipapanganak ang tatalo rito sa larangan ng puti at itim na karunungan, kaya tanging kaluwagan lamang sa pakiramdam at ang paghikayat sa mga insekto, bulate at mga uod na lumabas sa iyong puwitan sa halip na sa iyong balat, mga tenga at mga mata, ang kaya kong gawin para sa iyo.  Ang pagsalag lamang ang naiisip kong paraan sa ngayon upang hindi mahalata ni Marietta na nilalapatan kita ng lunas.  Hindi natin ito maaaring kontrahin sa ngayon, dahil oras na maramdaman niyang tumatalbog pabalik sa kanya ang mga ipinapakawala niyang sumpa, mahahalata niyang may gumagamot sa iyo kaya mas malamang na padadalhan ka niya ng mas malalang sumpa na maaari mo nang ikamatay."

"K-kahit anong kaya mong g-gawin para sa k-karamdaman k-ko, Delfin. K-kahit pa m-mamatay ako b-basta't h-hindi ko n-na kailangang tiisin a-ang s-sakit na nararamdaman ko." Muling umagos ang luha nito.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Bumakas sa mukha ni Imping Delfin ang pagkahabag, "maaari mo na kaming iwanan, Panginoong Lucio." Sa pagbaling nito sa akin, "ako na ang bahala sa kanya."

Tumango ako at akmang aalis na nang...

"L-Lucio." Pagtawag sa akin ni Edwino. Lumuluha pa rin it. "M-maraming salamat. S-sa kabila ng mga ginawa ko sa iyo at—"

"Saka ka na magpasalamat kapag bumuti na ang pakiramdam mo." Sagot ko rito, "Ngunit sikapin mo sanang 'wag kokontrahin at gagalitin si Impong Delfin." Sumulyap ako saglit sa ermitanyo, "upang gumaling ka agad."

****

"Panginoon, kumusta na po ang mahal na reyna?" natiyempuhan ni Marikit ang paglabas ko sa silid ni Senda.  Doon ako dumiretso matapos kong manggaling kay Edwino kahit na batid kong wala na roon si Senda.

"Mabuti-buti na ngunit masama pa rin ang kanyang pakiramdam, at nais niyang mapag-isa. Ikaw, kumusta na ang iyong pakiramdam?" 

"Medyo nanghihina pa rin po ako, ngunit hindi po ako sanay ng nakaratay lang sa kama kaya naisipan ko pong maglakad-lakad at bisitahin si—"

Inilabas ko ang susi at sadyang ipinakita ko rito na ikinakando ko ang silid ng aking asawa.

Tila nagulat si Marikit sa ginawa ko, "bakit niyo po ikinakandado ang mahal na reyna sa loob?  Hindi po ba ako maaaring bumisita?"

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon