KABANATA 6

6.9K 405 52
                                    

Senda's P.O.V.

"Hayun s'ya oh!" Bulong ng isa sa limang kababaihang dumaraan sa aking kubo.  Nagmula ang mga ito sa ilog, kung saan sila naglalaba dalawa hanggang tatlong beses isang linggo.  Nakatingin ito sa aking gawi, habang abala ako sa pagbibilad ng mga naani kong kakaw at kape sa maliit kong taniman sa likod ng aking kubo. "Ilang beses ko na 'yang nahuhuli na nagsasalita nang mag-isa na tila mayroon itong mga kausap na hindi nakikita."

"Hindi kaya masasamang ispiritu ang kausap niyan?" wika ng pangalawa. "O mas malala, baka mga maligno rito sa gubat."

"Hay naku." Wika naman ng ikatlo. "Bilisan niyo na nga ang paglalakad at kinikilabutan na ako sa lugar na ito. Ang sabihin niyo, baka mas malala pa ro'n ang diperensya ng babaeng 'yan."

"Ano naman ang ibig mong sabihin." Sabi ng ikaapat.

"Sabi ng tiya ko, malakas daw ang kutob niya na mangkukulam 'yan." Sagot ng ikatlo. "Hindi niyo ba nabalitaan 'yung ginamot ni Mang Temyong na albularyo? May kinulam daw na taga-kanluran dito mismo sa nayon natin, at nung tinanong daw ni Mang Temyong 'yung kinulam, nagpakilala raw 'yung mangkukulam sa pangalang Rosenda."

"Grabe naman kayo," pagsingit ng ika-lima, "hindi lang naman 'yan ang Rosenda rito sa atin. Si Rosing na anak ni Aling Tasya na may-ari ng tindahan diyan sa kanto, 'di ba Rosenda rin ang tunay na pangalan no'n. Si Inday na anak ni aling Milagros na kumadrona, at si Aling Inday na mag-tutuba, di ba Rosenda rin daw ang tunay na pangalan ng mga 'yon. Di pa kasama ro'n 'yung dayong bisita nina Nanang Luisa na si Rosie, 'di ba Rosenda rin daw 'yon?"

"Hindi nga 'yan lang ang Rosenda rito," sagot ng ikatlo, "pero 'yan lang ang kahinahinala ang ikinikilos at nakabukod sa mga tao."

"Hmp. Ewan ko sa inyo." Muling turan ng ikalima, "ang sa akin lang naman, masamang mambitang kung hindi naman tayo sigurado."

Nag-uusap pa rin sila habang palayo na ng palayo ang kanilang mga tinig, magpahanggang sa hindi ko na ito marinig.

"Mabuti naman," bulong ko sa sarili ko habang ikinakalat ko sa nakalatag na luna ang mga butil ng kape, "hindi naman pala lahat ng taga-rito'y makikitid ang pag-iisip. Ano bang alam ko sa kulam-kulam na 'yan? Porke ba medyo nakalayo ang bahay ko sa kanila isa na akong--" may natungtungan ako sa aking pag-atras, "ayyy bikangkang na sirena!"

Agad naman akong napalingon nang maramdaman kong may humawak sa magkabilang siko ko sa aking bandang likuran.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"A-ah..." agad akong lumayo ng ilang hakbang nang mamukhaan ko kung sino ito. Bagaman hindi ito tulad ng dati na napusturang pampormal dahil nakasoot lang ito ng maong na pang-ibaba, hapit na kulay puting kamiseta na pinaiibabawan ng kulay madilim na asul na polong hindi nakabutones sa harapan. "i-ikaw pala. P-pasensiya ka na, naapakan ko ang paa mo. Hindi ko naman kasi alam na nariyan ka." Nakatitig lang ito sa akin pero wala namang anumang ekspresyon ang nakaguhit sa mukha nito. "A-anong ginagawa mo rito?" nang maramdaman kong tila wala itong balak magsalita.

"Hi Senda!" Nagmumula ang pagbating 'yun mula sa labas ng tarangkahan ko.  Ito 'yung drayber at kasama nito. Kapwa itong kumakaway sa akin. "Nandito kami para i-deliver ito." Itinuro nito ang mahigit sa limang kaban ng bigas na nakapatas sa loob ng kariton. May napansin din akong apat na malalaking kaing na punong-puno ng lansones, rambutan, sintunis at saging na saba.

"O ano pang ginagawa mo?" nakangising kantyaw ng drayber sa kasama nito, "dalhin mo na mga 'to ro'n sa loob, " bahangyang itinulak nito ito.

"Ah, eh..." kakamot-kamot ito na tila natatakot itong tumawid sa bakuran ko. "Ikaw na lang kaya." Hinatak nito ang drayber bago nito ito itinulak rin nang bahagya. Naghahagikhikang nagpambuno na naman ang dalawa na tila ba pareho silang hindi makatawid sa tarangkahan ko.

Habang pinanonood ko ang pambubuno ng dalawa'y naramdaman ko naman ang pagkilos ng kanilang amo. Napanganga ako nang ito na mismo ang nagtungo sa kariton upang mag-isang hakutin ang lahat ng naroroon. Wala akong masabi nang isa-isa nitong ipinasok ang mga sako ng bigas sa loob ng may bubungang silong na walang haligi. Sadyang nakahiwalay ito sa aking kubo dahil ito ang kinalalagyan ng talyasi o kawang pinagsasangagan ko ng pinatuyong kape at kakaw na inirarasyon ko sa maliliit na tindahan sa kabilang nayon.

"T-teka muna Ginoo," habang abala ito sa pagbubuhat ng mga kaing. "Para saan ba ang mga ito? Bakit mo ako dinalhan ng mga ito. I-ibinebenta mo ba ang mga ito sa akin?" hindi ako nito pinapansin, kahit na nang matapos na nito ang paghahakot, "naku, Ginoo, kung ibinebenta mo ang mga ito, siguradong mahal ang mga ito.  Hindi ko pa naibebenta itong mga kakaw at kape ko kaya pasensya ka na pero wala akong ibabayad sa mga 'yan.  Kahit nga maibenta ko man lahat itong ibinibilad ko, alam kong hindi pa rin sasapat ang pinagbentahan ko rito para pambayad dito sa mga inirasyon m--!"

"David!" Pagputol nito sa pagsasalita ko, "Baltazar!" Pagtawag nito sa dalawang tauhan nitong patuloy pa rin naman ang pagtutulakan. Agad namang huminto ang mga ito.

"Yes, boss!" Magkasabay na wika ng dalawa.

"Isauli niyo na 'yang kalabaw at kariton sa pinaghiraman niyo. Bayaran niyo na rin! Hintayin niyo na lang ako sa sasakyan."

Bagaman malinaw ang utos ay hindi pa rin kumikibo ang dalawa; animo'y nagpapakiramdaman pa ang mga ito.

"O, ano pang hinihintay niyo?" nang mapansin nitong hindi kumikibo ang kanyang mga inutusan.

"E-eh, boss..." kakamot-kamot si Baltazar. "Nasaan po ang pambayad?"

Kumunot ang noo ang amo ng mga ito, "nasa sasakyan!"

"E-eh..." nagpatuloy ang pagkakamot nito, "sa'n po ba ro'n."

Bakas sa mukha ng amo ng mga ito ang pagkabugnot, "itanong mo kay David!"

"A-ako po?" si David naman, "hindi ko rin po ala--!"

"Tsk!" Mabilis na lumapit ang amo ng mga ito sa may bakod. May dinudukot ito sa bulsa nito. "o heto na lang ang ibayad niyo!" Nagulat ako nang matanaw ko kung ano ang binunot nito mula sa bulsa, na siya namang iniaabot nito sa kanyang mga tauhan.

Maging ang mga tauhan nito ay tila nagulat sa iniaabot sa kanila ng kanilang amo, "a-ano po ito panginoon?" tanong ni David.

"Bulag ka ba?!" Masungit na singhal nito sa dalawa. Napalunok naman ako habang pinagmamasdan ang kumikinang na butil ng diyamanteng hindi lang yata sampung karat ang laki. "Pambayad sa nirentahan niyong kariton!"

"Eh panginoon," sagot ni Baltzar, "limang daang piso lang po ang singil noong nagparenta."

"O, tapos?" nakasimangot na sabat ng amo nila.

"Eh hindi lang po yata anim na milyong piso ang halaga ng gusto niyong ibayad sa mag-amang magsasakang hiniraman namin."

"O, tapos?"

"Baka po hindi tanggapin 'yan sa sobrang lak--" putol na sagot ni Baltazar dahil tinakpan na ni David ang bibig nito.

"Sige na po, panginoon." Kinuha na ni David ang diyamante. "Kami na lang po ang magpapaliwanag sa mag-ama na ito talaga ang gusto niyong ibayad sa kanila."

"Sige na, umalis na kayo." Mas malumay na ang pagsasalita nito.

"K-kami po bang dalawa?" ani Baltazar na tila wala itong balak sumama kay David.

Lalong nagusot ang mukha ng kanilang amo. Napansin naman agad ito ni David kaya ito na mismo ang humatak kay Baltazar upang sumama ito sa kanya. 

"Pasensya na panginoon," wika ni David habang humahakbang na sila palayo, "bobo lang po talaga 'to kaya medyo mahina ang pick-up." Itinulak nito si Baltazar nang paabante, "bilisan mo na nga!" Bulong nito sa kasama. "'Yan ang napapala mo sa kakakain ng utak ng bangkay, pati utak mo, utak bangkay na rin!"

[ITUTULOY]









My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon