KABANATA 107

667 72 13
                                    

Senda's P.O.V.

Alam ko naman na marami siyang iniisip, ngunit ang gusto ko lamang naman ay makatulong at magkaroon ng silbi sa kanya, kaya napakasakit marinig mula sa kanya na wala naman palang kuwenta sa kanya ang aking mga sinasabi bukod sa pagiging dagdag na pabigat lamang ako sa kanya.

Wala nang pagsidlan ang sama ng loob ko kaya hindi na ako sumagot pa. Batid kong kung kukulitin ko pa ito ay mas lalo lamang lalala ang aming pagtatalo, bukod sa hindi ko rin gaanong maunawaan ang sarili ko at kung bakit masyado akong nagiging emosyonal gayung hindi naman ako ganito dati.

Ganito ba talaga ang nagbubuntis? Masyadong iritable, iyakin, sensitibo at masyadong nagpapadala sa damdamin kahit na sumasablay na sa katwiran?

Mali ako. Nasa mali ako, alam ko. Ngunit kung meron mang benepisyo sa akin ang pagkakamali kong iyon ay ang malaman ang katoto'hanan na hanggang ngayon ay si Aretha pa rin talaga ang nasa puso niya, at kung mabubuhay man itong muli ay wala akong kalaban-laban dito. Nang dahil sa pagkakamali ko, alam ko na rin ngayon kung pa'no ako lulugar sa puso at buhay ni Luis. Hindi na dapat akong maghangad ng higit pa sa nararapat para sa pangalawang asawa, at bilang pinakabungkot at huli sa mahal sa buhay kung isasama pa ang lahat ng kanyang mga anak at magiging anak.

Matuto kang lumugar, Senda dahil hindi lamang sa 'yo si Luis. Hindi rin kayo magkapantay. Ang pagiging Reyna mo ay sa titulo lang dahil pinakasalan ka niya. Masyadong lumaki ang ulo mo dahil naging napakabuti niya sa 'yo, nakalimutan mo tuloy kung sino ka dati at kung saang lusak ka niya pinulot.

Umayos ka, Senda. Hindi mo na mababago ang nangyari ngunit mababago mo ang hinaharap. Sikapin mong huwag na siyang kokontrahin pa kahit kailan; lalo ka lamang masasaktan dahil pagbali-baligtarin man ang mundo, kakapiraso lamang naman talaga ang puwang mo sa kanya. Tanggapin mo nang hindi magiging masyadong kawalan sa kanya kung mawawala ka. Baka nga pagdating ng anak niyo ay makalimutan ka na niya. Samahan mo siya hanggang sa kaya mo, bilang ganti sa lahat ng kabutihan niya sa 'yo, pero manahimik ka, at kung may dapat ka mang gawin para sa kanya, gawin mo na lamang ito ng tahimik upang hindi pati ang pag-aalburuto mo ay poproblemahin pa niya.

Magiging masalimuot na ang lahat sa inyong hinaharap, pero kaya mo 'yan, Senda. Kayanin mo...para sa kanya.

***

Hindi na rin kami nag-usap pa kahit sa daan namin patungo sa Sangtuwaryo. Batid ko naman na labis ko itong ginalit kaya naging napakabigat sa aking dibdib nang hindi na rin nito ako niyakap o hinalikan man lang bago ito umalis. Sa sobrang sakit ng nararamdaman ko'y ilang araw din akong naging balisa at halos walang hinto sa pag-iyak. Hindi ko alam kung ang pagiging emosyonal ay kasama sa pagbubuntis, ngunit sa palagay ko naman ay ganito rin ang mararamdaman ko sakaling nangyari ito bago pa man ako nabuntis.

Hindi ko inasahang mas liliit ng ganito ang tingin ko sa aking sarili. Kahit mahirap at payak lamang noon ang pamumuhay ko ay hindi ko pa naranasan ang maging ganito kalungkot at kababa. Dahil kahit paulit-ulitin ko sa utak ko ang aming naging pagtatalo ay 'yun at 'yun pa rin ang mga mensaheng nanonoot sa aking puso, isipan at pang-unawa. Daig ko pa ang nababaliw sa aking pag-iisa at depresyon, kaya kung ano-ano na rin ang pumapasok sa aking isipan.

Hindi ka gano'n kahalaga, Senda. Wala kang papel kundi ang maging ina ng anak niya, na kayang-kaya rin namang ibigay ng ibang babae kung gugustuhin niya. Wala kang kayang gawin na hindi kayang gawin ng iba.

Maliit lang ang puwang mo sa kanya, Senda, umayos ka, huwag kang maghangad ng higit pa. Hindi ikaw ang una at posibleng hindi rin ikaw ang huli.

Hindi ka totoong Reyna, magpasalamat ka sa titulong hindi naman talaga karapat-dapat sa 'yo.  Huwag mo nang asahan na bibigyan ka niya ng responsibilidad sa kanyang kahariang nandiyan na bago ka pa man naipanganak.

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon