KABANATA 27

4.7K 308 68
                                    

Huling araw ng buwan ng Octubre, taong 1968.

"Aswang!"  Isang grupo ng mga taong bayan ang sumusugod papasok sa loob ng simbahan.  "Nariyan na ang mga Aswang!" Ang ilan sa kanila ay may bitbit pang mga sulo at lampara. Agad namang isinara nang mga ito ang pintuan ng kapilya matapos nilang makapasok lahat.

"Mahabaging langit! Nariyan na ang mga kampon ng kadiliman!"  Ito ang nilalaman ng bulungan ng mga tao sa loob ng kapilya. Halos sabay-sabay na nag-aantanda at nananalangin ang mga ito. Pawang mga nakatingin sa itaas na tila naroroon ang kanilang mga kinatatakutan. "DIYOS naming mahabagin, tulungan niyo po kami!"

"Sinasabi ko na nga ba, totoo ang sinabi sa akin ng bago nating kababaryo!"  Wika ng isa sa mga babaeng nagro-rosaryo. "Ang demonyong si Lucio na naman siguro ang may pakana ng mga ito. Napakarami nang namamatay sa ating baryo, dahil sa kagagawan ng anak ng diyablong 'yon!"

"Sinong bagong kababaryo ba ang tinutukoy mo?"  pabulong na tanong ng kausap nito.

"Siya."  Inginuso nito ang isang dalagang nakabelong puti sa hindi kalayuan.  Mas suot itong iskapular at tila taimptim na nanalangin din. "Si Marietta. Ang bago kong kapitbahay mula sa siyudad."

"Ha? Eh paano naman niya nalaman 'yon?"

"Dahil si Lucio raw mismo ang dahilan kung bakit siya naririto. Upang bigyan tayo ng babala at upang mailigtas tayo sa kapahamakan sa walang kasing lupit na hari ng kadiliman!"

"Pero...ano naman ang magagawa ng Marietta na 'yan sa makapangyarihang hari ng mga impakto?"

"Siya raw..." saglit na sumulyap ito sa dalagang tinuran, "siya raw kasi ang sugo ng langit...ng panginoon nating DIYOS!"

***

Senda's P.O.V.

Pawang mga nakanganga sa pagkabigla ang mag-asawang Aswang nang makita nilang hila-hila ko si Luis sa tenga nito. Mababakas sa kanilang mukha ang tipo ng pagkagulat na mababanaag sa mga taong nakakita ng hindi kapanipaniwalang bagay tulad siguro ng...pagputi ng uwak o ng paghuhugis parisukat ng buwan. Sadyang hindi ko binitawan ang tenga ni Luis hanggang sa makarating kami sa loob ng kubo, at hindi naman nakaligtas sa akin ang halos magkasabay na paglunok ng mag-asawa sa kanilang nasaksihan. 

"Ahh...ehh..." kakamot-kamot ang lalaki, "m-malapit na pong maluto ang kanin at ang tinola. Sandali na lang at maihahanda na po namin ang inyong hapunan."

"Salamat Benjamin." Habang nakangibit na hinahaplos-haplos ni Luis ang namumula nitong tenga. "Eh, ito nga palang maruruming damit nami--"

"O!"  Pagsingit ko kasabay sa pandidilat ng mga mata ko rito, "huwag mong sabihin na sila pa rin ang aabalahin mong maglaba ng marumi nating damit! Akin na nga 'yan!"  Hinablot ko ang damit niyang tadtad ng mantsa ng atsuwete. "Kundahangan ka namang may lumot ka na yata sa utak, puting-puti itong polo mo tapos mamantsahan mo lang ng atsuwete para makapambuwisit ka lang sa akin? Hay naku..." inihaya ko ang kamao ko rito, "kung ako ang nanay mo, kukutusan talaga kita araw-araw o 'di kaya nama'y iiwanan na lang kita sa kanal o ibebenta sa palengke! Puro ka kabuwisitan!"

Hindi ko alam kung ako lang ang nakapansin, ngunit tila ba nagbago ang ekspresyon ng kanyang mukha matapos kong mabanggit ang pinakahuli kong pangungusap.  Mula sa pagngibit nang dahil sa pagsakit ng napingkot kong tenga niya, ay animong bigla itong nawalan ng pakiramdam na tila ba may nasabi akong isang bagay na nakakapagpamanhid sa kanya.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Ah, eh, doon din po ako naglalaba sa batis." Wika ng babaeng Aswang na si Anita sa akin, "kung gusto niyo po, ibabad na lamang po muna natin 'yang mga damit niyo ngayong gabi, at pagkatapos ay bukas ng umaga ko na lamang po kayo sasamahang maglaba sa batis."

***

"Wala ba kayong sabon?" tanong ko kay Anita.

"Meron po, pero iisang bareta na lang po dahil hindi pa kami nakakapamiling muli sa kabilang isla." Iniabot nito sa akin ang kahuli-hulihang sabong panlaba mula sa kanyang batya. Kinuha ko naman agad iyon upang ikadkad sa puting polo ni Luis.

Abala ako sa pagkusot sa hindi ko matanggal-tanggal na mantsa nang biglang tumikhim si Anita na tila may nais itong sabihin sa akin.

"Bakit?" tanong ko.

"Hindi niyo po ba alam ang tungkol sa ina ng Panginoong Lu--" halatang nag-isip muna ito sandali, "Lu-Luis?"

Umiling ako, "bakit? Ano ba ang tungkol sa kanyang ina?"

"Namatay daw po ito sa panganganak sa kanya."

Natigilan ako. Inisip ko na marahil 'yun ang dahilan ng pagbabago ng timpla ni Luis kagabi.

"Wala siyang kinilalang ina?" tanong ko.

"Meron. 'Yung ina raw po ng kanyang ama, pero noong ipinamigay raw po siya nito noong siya'y walong taon sa malayong kaanak, wala na raw pong nag-aruga sa kanya."

"Ipinamigay?" napakunot-noo ako, "pero bakit naman siya ipinamigay?"

Luminga-linga muna ito bago nito pabulong na sinabing, "hindi raw po siya tanggap ng kanyang tunay na ama, at hindi rin po siya tinanggap noong paryentes ng kanyang tunay na ina dahil sa sumpang idinulot daw po sa ina ng kanyang ina nang dahil sa kanyang kapanganakan. Kaya noong nagkasakit ang ina ng kanyang ama ay napilitan silang ipamigay na lamang siya sa mga kaanak upang maging alipin."

"A-alipin?"

"Opo. Alipin ng malulupit at mapanakit na kamag-anak."

***

"O hayan, kainin mo! Pagpasalamat ka at pinapakain pa kita."

Kaning baboy. May mga tinik at may sariwang hasang pa na dapat ay nasa basurahan. Hindi alam ng siyam na taong gulang na batang lalaki kung paano niya lulunukin ang pinaghalo-halong mumo. Ngunit gutom na gutom na ito sa buong araw na pagkukudkod ng sahig, bukod sa, noong kabilang araw pa ito huling pinakain.  Naubos na raw kasi ng mga aso ang tira-tira, at kulang pa sa mga alagang baboy ang iba pa.

Nangininig at umaagos ang mga luha.  Marahan niyang dinampot ang maaari niyang kainin sa kaning baboy. Pinaghalong lansa at nabubulok, kaya naman hindi pa man din niya naisusubo ito ay bumabaligtad na ang kanyang sikmura.

Hindi na niya kaya.

Alam niyang hindi na niya kaya kapag naiisip niyang...

Mas mainam pang magpabugbog na lamang siya sa kanyang sariling ama, kaysa ang manatili pa sa isang lugar na hindi isang tao ang turing sa kanya.

Kailangan na niyang umalis. Kahit gaano kalayo. Kahit gaano kahirap ang kanyang paglalakbay pabalik sa kanilang bahay, na libo-libong ang milya ang layo mula sa kanyang kinaroroonan ay kakayanin niya. Kailangang kayanin niya.

[ITUTULOY] 

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon