KABANATA 98

684 67 10
                                    

Lucio's P.O.V.

"Luis!" Napakainit at napakahigpit ng yakap sa akin ni Senda, "maraming salamat sa DIYOS at ligtas ka. Nabalitaan ko na ang mga nangyari mula kay Marikit at ipinagmamalaki kita, Mahal ko."

Hinalikan ko ito sa labi, "mayro'n ba akong matatanggap na gantimpala?" tinaniman ko na rin ng halik ang kanyang leeg.

Kinagat nito ang kanyang labi, bago nito ako hinagkan upang bahagyang kagatin din ang ibaba ng aking labi. Agad akong nakaramdam ng kakaibang kiliti sa kanyang ginawa. "Anong klaseng gantimpala ba ang nais mo?"

Hinapit ko ang baywang nito upang mas mailapit ko ito sa akin. "Tinatanong pa ba 'yun?"

****

"Maaari ko bang masilip si haring Edwino?" habang nakaunan ito sa aking dibdib matapos ang mainit naming pagtatalik.

"Huwag muna ngayon, mahal ko." hinahaplos ko ang mabango at malambot nitong buhok,"baka hindi pa kayanin ng sikmura mo ang kanyang kalagayan. Matindi ang barang na ginawa sa kanya. Hindi ko na halos ito makilala dahil wala nang paglagyan ng nagnananang sugat sa kanyang buong katawan. Nakakadiri ang mga insekto at uod na lumalabas sa kanyang balat kaya naiinis man ako rito sa dami ng atraso nito sa akin, naaawa ako. Napakawalanghiya talaga ng impakta, lalo na 'yang ama mong halimaw para hayaan niyang magkagano'n ang kanyang ama.

"Ang kuya ko kaya, kumusta na?"

"Mukhang hindi naman kasing lala ng kay Edwino ang nangyayari sa kuya mo. Pasikretong pinapuntahan ko ito kay Lupin sa bagong tinitirhan ng mag-ama sa Tondo, upang masiyasat niya kung anong uri ng kulam o barang o sumpa ang kumapit sa kuya mo. Ayon sa ulat ng mensaherong ipinadala niya kanina, sa unang tingin hindi raw niya inakalang binabarang si Arnulfo dahil wala namang mga insekto at uod na lumalabas sa balat nito, pero may nakita raw siyang tila maliliit na uod na gumagapang sa magkabilang sentindo nito. Mukha raw barang sa utak ang nangyayari sa kanya. 'Yun daw malamang ang dahilan kung bakit lagi itong nawawala sa sarili."

Wari'y naiiyak na naman si Senda, "hindi ko maintindihan kung bakit kailangang gawin ni ate 'yun sa kuya kong walang kalaban-laban sa kanya. Ano bang kailangan niya sa kuya ko? Ano bang gusto niyang mangyari? Ano bang mapapala niya sa ginagawa niya?" bumangon na ito ng paupo, sinapo ang mukha at tuluyan nangnapahagulhol. Agad din naman akong bumangon upang yakapin ito "Naiinis na ako sa kanya, Luis. Nauubusan na ako ng pasensya at pang-unawa. Gusto kong maintindihan man lang kung bakit ginaganito niya ang kuya ko. Nais ko ng malinaw na dahilan bukod sa parati nilang sinasabing kabaliwan nito na parang trip lang nitong pahirapan ang kuya ko na wala namang naging kasalanan bukod sa minahal siya nito nang tapat." Muli nitong tiningnan ang aking mukha, "may alam ka bang mas malalim na dahilan, ha, Luis?"

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Meron akong nakalap na impormasyon ngunit wala pa akong ebidensya kaya hindi ko ito sinasabi sa iyo. Ayokong isipin mo na umiimbento lang ako ng kuwento upang magalit ka kay Marietta kaya kung wala pa akong pinanghahawakang katibayan, hangga't maaari ay sinasarili ko na lamang muna ang mga ito."

"Anong impormasyon 'yun, Luis? Gusto kong malaman kahit na wala ka pang katibayan. Kahit ano, para lamang maunawaan ko ang kanyang motibo. Pakiusap, Luis. Huwag mo namang ilihim sa akin."

"Kumasundo ako ng mga pribadong imbestigador sa lupa upang magtanong-tanong at humanap ng kahit anong impormasyon tungkol sa kanila.  Doon sa dati niyong tinitirhan, mayroon silang nakapulong na malapit na kakilala ng iyong kapatid. Ayon sa mag-asawang iyon, ipinagbubuntis pa lamang daw ni Marietta ang iyong pamangkin, nang may nabanggit daw si Arnulfo sa kanila na nais na nitong makipaghiwalay sa kanyang asawa.  May nadiskubre daw kasi itong gawain ni Marietta na hindi matanggap ni Arnulfo."

"Gawain?  Pero anong gawain? Ang pagiging mambabarang?"

"H-hindi."

"Eh ano?"

"Na..." nag-aalinlangan akong sabihin dahil nandidiri ko sa impormasyon.

Tinapik na ako nito sa braso, bakas sa mukha nito ang pag-aalala, "sabihin mo na kasi."

"N-nahuli raw ng iyong kapatid na.."

Pinalo na ako nito nang mas malakas, "ano ba Luis? Bakit ba hindi mo masabi?"

"Nahuli raw ni Arnulfo na nakikipagtalik sa Marietta sa ibang lalaki, doon mismo sa bahay nila."

"Ibang lalaki? Sino naman kaya 'yun?"

"'Yun ang isa pang problema doon, Senda.  Ayon daw sa mga tambay na nakapulong ng imbestigador, mayro'n daw silang nakikitang lalaki na pumupunta sa bahay kapag umaalis ang kapatid mo.  Meron din daw isang tsismosa roon na naglakas-loob na tanungin si Marietta kung sino 'yun, at ang isinagot daw nito ay...biyenan niya."

Namilog ang mga mata ni Senda, "Biyenan? Sinong biyenan eh matagal nang patay ang kinilala naming mga magul—"natigilan ito at tinitigan ako sa aking mga mata. "S-sinong biyenan ang tinutukoy mo? 'Y-yung totoo naming ama? S-si Lambino?"

Gusto kong masuka sa harapan mismo ni Senda, pinigilan ko lamang ang sarili ko, "Oo. At hindi pa iyon ang  mas malala, Senda."

"A-ano bang mas lalala pa ro'n, Luis?"

"Dahil doon, naging malakas daw ang suspetsa ni Arnulfo na 'yung batang dinala ni Marietta ay hindi niya anak, kundi ng lalaking nahuli niyang katalik ng kanyang asawa.   Hindi naman kilala ni Arnulfo si Lambino, hindi ba? Kaya lalong hindi niya alam na ito rin ang tunay niyang ama. At kung pagtatagni-tagniin natin ang magkakahiwalay na kuwento ng mga saksi. Ang lumalabas ay may posibilidad na ang iyong pamangkin na si Helga ay hindi mo talaga pamangkin, bagkus ay iyo ring kapatid sa ama si—"

Hindi ko pa nakukumpleto ang sinasabi ko ay namutla agad si Senda. Napanganga ito na wari'y nais magsalita ngunit walang maisip na sasabihin.

"Pero tulad nga ng sinabi ko," pagbasag ko sa katahimikan, "wala akong pinanghahawakang ebidensya kaya sana ay pamanihalaan mo muna ang iyong pag-iisip at damdamin ukol sa bagay na ito. Balang araw, maaari siguro nating ipasailalim sa pagsusuri si Helga upang masagot kung sino ang tunay nitong ama. Pero sa ngayon wala tayong pinanghahawakan kundi mga haka-haka kaya hangga't maaari ay isikreto na lamang natin itong dalawa dahil ikaw pa lamang ang pinagsabihan ko nit—"

Nagulat ako nang bigla itong dumuwal kaya agad itong tumakbong hubo't hubad sa banyo upang doon sumuka sa lababo. Agad ko namang sinundan ito upang haplusin ang likod nito.

"Ayos ka lang ba?"

Hindi ito agad nakasagot dahil sa patuloy nitong pagduwal, "ang sama ng pakiramdam ko, Luis. Nahihilo ako..."

Napangiti ako, "hindi kaya buntis ka na talaga, mahal ko?"

Nagtatalo ang ngiti nito sa pagsimangot nang dahil sa patuloy nitong pagduduwal, "palagay ko nga. Mayroon ba ritong maaaring sumuri sa akin?"

Natawa ako, "sa dami ng Aswang dito, hindi na kakailanganin ng pagsusuri para malaman natin kung buntis ka o hindi. Pero oo, marami sila."

Tumango ito, "pero huwag Aswang ha? Natatakot ako baka pag-interesan nila ang anak natin."

Napahalakhak ako, "Nakikiamoy lamang naman ang mga Aswang dito sa Edenus dahil bawal sa batas dito ang kumain ng tao, lalo na kung sanggol. Ngunit huwag kang mag-alala, mahal ko. May mga doktor at nars na diwata ritong naninilbihan din bilang mga lehitimong doktor at nars sa lupa. Baka hindi mo alam na maraming mga edukadong nilalang rito sa kaharian na nakapag-aral sa pinakamahuhusay na paaralan sa ibabaw ng lupa, meron ditong mga Enhinyero, Abogado, Arkitekto, at iba pa. Mga rehistradong propesyunal din ang mga ito kaya mayro'n silang mga lisensya sa lupa. Ang pinakamahuhusay siyempre ang ipatatawag ko para sa yo, mahal ko."

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon