KABANATA 105

681 64 4
                                    

Lucio's P.O.V.

Nakabalik na kami sa Palasyo. Kapansin-pansin naman ang pagkabalisa ni Senda habang hinihintay ang nga espesyal na putaheng inihanda ng mga maharlikang taga luto. Ilang ulit niyang nabanggit sa akin na natatakot na siyang kumain sa palasyo, hindi para sa kanya, kundi sa kanyang dinadala.  Ngunit ayaw rin naman niyang gumamit ng taga-tikim dahil hindi raw kaya ng kanyang kunsensyang may mapapahamak nang dahil lamang sa pagtikim ng pagkaing para sa kanya.

Ilang beses kong sinabi sa kanya na huwag mag-aalala, ngunit lalo itong nagagalit sa akin dahil lalo raw siyang nag-aalala sa tuwing sinasabi ko iyon.  Ayaw raw niyang may malalason, at ayaw raw niyang may mamamatay sa kanyang harapan, lalo na kung gumaganap lamang ang mga ito sa kanilang tungkulin.

Maya-maya pa ay isa-isa nang inihayin sa amin ng mga maharlikang tagaluto ang hindi lamang yata sampung putaheng kanilang inihanda, at nang sila'y nakahilera na sa aming harapan ay saka lamang ako nagsalita. Palihim ko pa rin namang sinusulyapan si Reodica na sa wari ko ay mas umaliwalas ang mukha, bagaman hindi nito maikukubli sa akin ang palihim na pagngisi.

"Maraming salamat sa inyong inihanda para sa mahal na Reyna." Pagbati ko sa mga  ito. Nilingon ko rin naman saglit si Senda na tila hindi makagalaw sa tronong nasa aking kaliwa; hindi nito maitago ang labis na pag-aalala.

Bumaba ako sa trono upang lapitan ang hayin. Hinagod ko ito ng tingin at namangha ako sa kahusayan at sining ng pagkakahanda sa bawat isang putahe.

"Batid kong kayong lahat ang nagtutulog-tulong na lutin ang lahat ng ito," sabi ko sa mga ito. "Ngunit kayo rin bang lahat ang nakatoka sa paglalagay ng ganitong kagagarbong disenyo?"

"Panginoon, tama po kayo na kaming lahat ang nagtulong-tulong upang ihanda ang lahat ng ito," magalang na sagot sa akin ni Belen, "ngunit ang paglalagay ng palamuti at adorno sa mga ito ay dunong na nakatoka kay Reodica dahil sa natural na husay nito sa paglalapat ng sining sa bawat putahe."

Inasahan kong iyon ang isasagot ni Belen dahil sa pansamantala kong pamamalagi ro'n ay napag-alaman ko rin na si Reodica nga ang pinakamahusay na maituturing sa larangan ng paglalagay ng kulay at buhay sa kanilang mga inihahayin.

Tumango ako bilang pagpapatay-malisya. "Magaling." Bago ako pumihit upang bumalik sa aking trono.

"Dahil diyan," matapos kong maupo nang kumportable, "Reodica, tulad ni Himena ay nais kitang bigyan ng mas mataas na antas bilang pagkilala sa iyong kakayahan at pagsisikap."

Napansin ko sa gilid ng aking kaliwang mata ang wari'y nagimbal na reaksyon ni Senda.  Gayun din naman ang reaksyon ni Reodica, bagaman ang huli ay natuwa sa parangal na kanyang natanggap. Nag-uupisa na itong magbunyi at tumanggap ng pagbati mula sa kanyang mga kasamahan.  Tulad ng dati ay pinabayaan ko lamang muna itong magdiwang pansamantala bago ko ina-anunsyo ang eksaktong posisyon na ibibigay ko sa kanya.

"Reodica," pagtawag ko rito. Nasasabik itong maglakad at yumukod sa hatapan ko. "Simula sa araw na ito ay inaatasan kita..." unti-unti nang gumuguhit ang ngiti sa kanyang mga labi, "bilang opisyal," napakagat pa ito sa labi, "na taga-tikim ng lahat ng pagkaing nakahayin at ihahayin para sa mahal na Reyna." Ako na ngayon ang unti-unting ngumingisi habang si Reodica naman ay nag-astang bangkay na sa labis na pagkagimbal at pamumutla. "Maaari ka nang mag-umpisa ngayon."

Nilingon ko si Senda dahil naramdaman kong nakatingin pa rin ito sa akin, ngunit sa pagkakataong ito ay tila nagtatalong ngiti at pagkamangha ang mababakas sa mukha nito.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Katulad nang inaasaan ko hindi magawang sundin ni Reodica ang inuutos kong tikman ang bawat putaheng kanilang inihanda. Paano ba nito susundin gayun alam niya—at saksi ako nang hinaluan niya ng mas maraming pinulbos na Payong-Ahas ang ang bawat isang putaheng nakahayin.

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon