KABANATA 108

651 70 15
                                    

Lucio P.O.V.

"Ano, ha?" Muli akong sinampal ni Marietta. "Ba't di ka lumaban," sinuntok naman nito ako.  Ang totoo'y hindi ko na mabilang ang sampal, suntok at tadyak nito sa akin. Ngunit batid kong nagagawa lamang nito ito dahil nakabitin ang magkabila kong kamay sa kadena; gayun din ang aking mga paa.

Dalawang buwan na rin ang nakalilipas simula nang magkasalupukan ang aming mga hukbo sa isang liblib na nayon sa dati kong teritoryo sa timog.  Limang beses na mas marami sila sa amin kaya kahit na marami rin ang nasawi sa kanilang panig ay nagapi pa rin nila kami.

Walang araw na hindi ako pinahihirapan ni Marietta at ayon dito ay pakakawalan lamang ako nito kung bubuksan ko ang Edenus at kung kusa ko na lamang isusuko ito sa kanya.  Ngunit batid naman nito na mamatay muna ko bago mangyari iyon kaya lalo itong nagngingitngit sa galit sa akin habang tumatagal.

"Ayaw mo bang makitang muli si Senda?" Dinukot nito ang kanyang punyal at walang patumanggang isinaksak ito sa aking tagiliran. Napakasakit, lalo na nang pinihit nito ito sa loob ng aking kalamnan, mas pinili kong huwag dumaing o ang ipahalata man lamang dito na nasasaktan ako dahil hindi ko nais na bigyan ito ng kasiyahan sa mga ginagawa nito sa akin. Batid ko naman na ginagawa lamang nito ito upang manatili akong sugatan dahil alam niyang kusa ring naghihilom ang aking mga tama. "Balita ko buntis na ang bastardang 'yon. Ahhh, oo nga pala, manganganak na pala ito anumang araw!" Humalakhak ito, "kawawa naman siya  'Lo! Matapos mong buntisin ay iniwanan mo na lamang basta.  Pero nasaan nga kaya siya ngayon? May mga mata ako sa Edenus, at alam mo rin naman siguro iyon, ngunit ni anino raw ni Senda ay hindi na nila nakikita? Hmmm. Buhay pa ba ang bastardang 'yon? O itinatago mo lang?"

Naaalala ko na naman si Senda at mas higit na nadudurog ang puso ko kaysa sa katawan ko  kapag naaalala ko ang huli naming pag-uusap. Mahirap man sa akin ang aminin na mas tama siyang hindi ko dapat siyang ikinulong sa Sangtuwaryo, ay kailangan kong tanggapin na meron din akong pagkakamali. Paano na nga kaya siya ngayon? Kumusta na kaya siya at kanyang pagbubuntis? Paano kung doon na siya abutin ng panganganak?  Sinong tutulong sa kanya? Batid kong ligtas nga siya ngayon sa aking mga kaaway, ngunit hindi rin naman siya totoong ligtas sa pinagtaguan ko sa kanya kung sakaling mapaanak ito nang mag-isa.

Ngunit habang kaharap ko ngayon si Marietta, na hinahanap rin pala si Senda ay nagtatalo pa rin ang dalawang bagay sa aking isipan. Tama nga bang itinago ko siya o hindi? Ang totoo?  Hindi ko na alam ang tamang kasagutan. Dahil kahit anuman sa dalawang desisyon ang ginawa ko ay pawang may kapahamakan pa ring naghihintay para sa kanya.

Tama man  o mali ang pag-iwan ko sa kanya nang mag-isa ay marami akong pinagsisisihan. Nagsisisi ako na masyado akong nagpapasakop sa  takot na muling may magtangka sa kanyang buhay habang wala ako sa palasyo. Nagsisisi ako na hindi ko siya pinagkatiwalaang gampanan ang kanyang tungkulin bilang aking Reyna—sa takot na siya ang puntiryain ng mga traydor sa loob ng palasyo. Nagsisisi ako na kinailangan ko pa siyang pagsabihan ng masasakit na salita upang mas madali ang aming pansamantalang paghihiwalay. Nagsisisi ako sa pagsisinungaling ko na mas mahal ko si Aretha kaysa sa kanya para lamang mapatahimik siya sa kakukulili sa akin sa mga panahon ng akin pagkarindi. Pinagsisisihan ko ang lahat ng naging asal ko noong huling araw kaming nagkita. Pinagsisihan ko na nagpadala ako sa init ng ulo. Pinagsisisihan ko na hindi ko man lamang ito inalo, niyakap at hinagkan bago ako umalis. Pinagsisihan ko... ngunti ano bang silbi ng pagsisisi ko kung hindi ko man lamang ito makita at makausap ngayon?

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Binibigyan na lamang kita ng bente kuwatro oras upang isuko ang Edenus sa akin, kung hindi ay papatayin ko na lahat ang natitira pa sa mga pinuno ng iyong hukbo.  Ilan nga ba sila...ah, tatatlo na lamang pala?" Humalakhak ito. "Biruin mo, mahigit sa isang daan na pala ang pinahirapan ko hanggang sa mamatay sa loob ng dalawang buwan? Tsk...tsk...mukhang ikaw na lamang talaga ang natitira kung magmamatigas ka pa."

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon