KABANATA 115

762 79 24
                                    

Lucio's P.O.V.

"Putang ina, sino 'yon?!" nang matanaw kong hinawakan ng di ko kilalang lalaki ang mukha ni Senda habang nakasakay ang mga ito sa bangka.  Animo'y baliw na nagwawala ako sa kubyerta ng aking Yate habang nakatanaw ako sa malayo.

Ito na ang nakagawian kong gawin nang mag-isa araw-araw; ang abangan si Senda sa aplaya upang kahit paano'y masilayan ko ito kahit sa malayo. Ngunit hindi ito ang nais kong makita. Hindi ko halos mapigilan ang galit ko bagaman pinag-iingatan kong hindi mapagdiskitahang wasakin ang sinasakyan ko kahit na isa ito sa naiisip kong pagbuntunan ng aking galit.

"Tsk. Tsk..." nagmumula ito sa aking likuran.

Nagulat ako nang makita ko roon ang isa sa mga nilalang na kinaiinisan ko sa lahat. Ang totoo'y ito talaga ang pinakainaasaran ko sa lahat ng kanyang mga kauri dahil pinakanakakainis itong kausap. Kung ang ibang mga anghel ay pormal, banal, at magalang, ang isang ito ay maihahalintulad mo sa lasenggong sabog; sala sa hulog,  kaya nanatiling malaking misteryo sa akin kung bakit hindi pa ito nasisipa sa langit.

Napapikit ako sa inis sa pagkakitang-pagkakita ko pa lamang dito, dahil tiyak na pipikunin na naman ako nito, tulad nang lagi nitong ginagawa sa tuwing magpapakita ito sa akin.

"Puwede ba, Raziel?!" nakatalikod na singhal ko rito, "lubayan mo ako!" nasa anyo ito ng maitim na babaeng kulot ang buhok. Paiba-iba kasi ito ng hitsura tuwing nagpapakita at nalalaman ko lamang na siya ang nasa malapit dahil sa kakaiba nitong aroma. Ito ay may samyo ng pinaghalong amoy ng hangin sa tag-ulan, pluma at lumang pergamino o aklat na naninilaw na sa kalumaan. 

"Hindi." 

Nilingon ko ito at nakitang nakabungisngis ito sa nakakainis na paraan.

"Anong hindi?!"

"Ang tanong mo kasi eh puwede ba kitang lubayan? Ang sagot ko ay hindi!" Sabay higa sa sahig ng kubyerta at saka nagpagulong-gulong doon na parang tanga. "Hooop....hoooppp," sa bawat paggulong nito nang pakanan at pakaliwa.

"Tumayo ka nga riyan kundi'y sisipain kita!" pagbabanta ko rito.

Biglang bumangon ito nang paupo at nginisian ako, "sige sipain mo ako, laksan mo, ha?" muli itong humiga at nagpagulong-gulong na animo'y sinto-sinto.

Akmang sisipain ko nga ito nang bigla nitong pinayanig ang yate. Napalupagi ako sa sahig ng kubyerta. Muli sana akong tatayo nang muling pinagalaw nito ang yate upang kumiling nang pakanan at pakalawa. Ang resulta, dalawa na kami ngayong nagpapagulong-gulong nang pabalik-balik. Yamot na yamot ako ngunit wala akong magawa dahil sa tuwing tumatayo ako ay natutumba rin akong muli.

"Utang na loob, tumigil ka na! Aaahhh." Hindi ko alam kung ilang beses na akong napauntog sa magkabilang barandilya. Ngunit sa halip na pakinggan ako'y humahalkhak pa ito na tila nahihibang na. 

Tanginang siraulo talaga!

"Lalala...lalala..." pakanta-kanta pa ang baliw.

Huminto lamang ito nang hindi na ako nagrereklamo. Tumayo ito at iniabot ang kanyang kamay upang tulungan akong makatayo. Ngunit nang hindi ko ito tinanggap ay hinawakan ako nito sa kuwelyo at saka ako nito itinapon nang malayo sa dagat.

"Aaaahhhhhh!" sa lakas nito ay mahigit kalahating milya ang pinatakan ko. Lumubog ako saglit sa tubig, at sa paglutang ko'y natanaw ko itong ihit na sa katatawa habang pigil-pigil nito ang kanyang tiyan. Wala akong magawa kundi ang lumangoy ng pabalik sa yate.  Nang nasa gilid na ako ay pinagmamasdan muna ako nito sa mula sa itaas ngunit hindi pa man din ako nakakaakyat ay mabilis na pumunta ito sa timon at pinaandar ang yate papalayo sa baybayin ng Santa Fe. "Putang ina!" hinataw ko ang tubig sa sobrang inis, ngunit napilitan din naman akong lumangoy upang habulin ito hanggang sa huminto ito sa gitna ng Santa Fe at Isla ng Semirara.

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon