KABANATA 139

780 101 65
                                    

Lucio's P.O.V.

Upang walang umabala sa akin sa pag-aaral ng mapa at ng orasyon ay hinayaan na lamang muna ako ni Sendang mapag-isa sa Sangktuwaryo. Masyado akong nakatutok sa pagtingin sa mapa nang mapapitlag ako nang may biglang umihip sa bandang batok ko.

Ihit naman sa pagtawa ang salarin kaya sinamaan ko ito ng tingin nang nilingon ko ito. "Ikaw na naman?!" Singhal ko. "Ano na naman ba ang ginagawa mo rito? Utang na loob, kailangan ko ng katahimikan!"

Nagulat ako nang bigla nitong isinaklob sa ulo ko ang isang pamilyar na bagay, "isasauli ka lang itong tabo mo!" Tinanggal ko naman agad ang tabo sa ulo ko. Akmang itatapon ko na ito nang pinigilan ako ni Raziel, "hep! kapag nabasag 'yan mawawala na ang kapangyarihan niyan!"

Pinagmasdan ko ang tabong yari lamang naman sa isang ordinaryong kahoy ng seresa (1), "at ano naman ang kapangyarihan nito?"

"Ano pa, eh 'di ang kapangyarihang sumalok ng tubig na pang-iwang, panligo, panghugas, pang-inom, at pantaboy sa masasamang elemento. Magagamit mo yan para sa kapihan ng kabiyak mo, sa ikabubuti at ikagagaling ng mga karamdman ng sankatauhang mahilig magkape."

Napakunot-noo ako, "kapihan, nino? Ni Senda?"

"Bakit may iba ka pa bang kabiyak?" pamimilosopo nito.

"Eh wala namang kapihan si Senda ah!"

"Tumpak!"

"O, eh ano palang pinagsasabi mo riyan?"

Tinapik nito ang balikat ko, "pasensya ka na, ganyan lang talaga mag-utos ang AMO ko, laging naka-angkora sa hinaharap. Isa o dalawa lamang kung mag-utos, pero bago naman makumpleto 'yun ay gumagapang na kami sa inis sa mga matitigas na kulangot na katulad mo! Kaya na lamang hindi kami makauwi ay dahil sa mga binyagang makukunat ang leeg. Magpapabinyag tapos mga pasaway naman! Mas mainam pang hindi na kayo nagpabinyag kung wala naman kayong balak sumunod sa mga utos ng DIYOS dahil karagdagang backlog lang kayo sa 'min ehLalong-lalo ka na!" Binatukan ako nito. "Dahil ikaw ang kauna-unahan sa listahan ng mga binyagang ubod ng pasaway sa balat ng Earth!"

Tiningnan ko lamang ito ng masama.

"Tsk." Muli nitong dinukot ang kanyang maliit na tomo, "heto kasi ang dalawang utos sa akin ng AMO ko. O, tingnan mo. Unang utos, kumanta ng male version ng awiting Eternal Flame ng grupong The Bangles sa kasal nina Rosalia at Miguelito."

"Miguelito? Hindi ako 'yan! Naliligaw ka lang, umalis ka na!"

Pinukpok ako nito ng tomo niya, "ikaw ito. Ito ang orihinal na pangalan mo, o basahin mo." Ipinakikita nito ang nakatala sa tomo niya. "Nakapagkit pa nga rito sa talaarawan ko ang litrato mo noong bata ka pa, o. Nakikita mo ba 'yang sipon mong tumutulo pa mula sa ilong mo? Mukhang numero onse pa nga ang uhog mo rito o?"

Naiinis ako kaya tinabig ko ang tomo niya. "O eh ano ngayon?"

"Eh noong iniutos NIYA ito sa amin eh isang daang taon bago ka pa naipanganak, kaya bago namin masunod, una, kailangan muna naming gawan ng paraan para magkagustuhan at magtalik ang mga magulang mo, pagkatapos noon, kailangan naming subaybayan ang kapanganakan mo, pagkatapos noon, kailangan naming tiisin ang mga katangahan mo sa buhay upang maging posible na makarating ka sa panahon ni Rosalia, pero bago kayo magkita, kailangan muna rin niyang maipanganak, ang pagdaanan ang kailangan niyang pagdaanan bago kayo magkakilala, ang magkagustuhan, ang iligtas kayo pareho sa kapahamakan, etsetera...etsetra...para lamang matupad ang utos sa akin ng AMO ko na kantahin ang male version ng Eternal Flame sa kasal niyo sa simbahan? Alam mo bang kailangan rin namin pakialaman ang buhay ng mga mangangatang 'yon para maisulat ang liriko, malapatan ng musika at maawit nila ang orihinal na kanta? Kaya utang na inside, magbalik-loob ka na't pakasalan ang kabiyak mo sa simbahan para makakanta na ako!" Bigla itong humikbi at naka-ambang umatungal, "utang na inside, diyablito! Gusto ko nang umuweeee masyado nang matagal ang misyon namin sa 'yo. Ano bang mahirap sa pagpapakasal sa simbahan eh mahal mo naman ang pakakasalan mo?" Bigla nito akong pinandilatan ng mata. "Kailangan bang kaladhakarin pa kita?"

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon