KABANATA 82

912 74 14
                                    

Senda's P.O.V.

"Itanong mo na kung anong gusto mong itanong." Sabi ko kay Marikit.  Sulyap kasi ito ng sulyap sa akin sa salamin habang sinusuklayan niya ako.

"Galit po ba kayo sa akin?"

"Pangalawang beses ko nang narinig ang kantanungang 'yan simula pa kagabi.  Bakit mo naman naitanong?  May dapat ba akong ikagalit sa 'yo?"

"Nag-aalala lamang po ako na baka nagalit kayo sa akin dahil nakisakay ako kina David na hindi sabihin sa inyo na ang Panginoong Lucio at ang nakilala niyong Luis ay iisa.  Sana po mapatawad niyo ako kung sakali man, pinakiusapan po kasi nila ako na 'wag sabihin sa inyo kahit hanggang sa araw ng inyong kasal."

Nilingon ko ito upang magkaharap kami, "gusto mong malaman ang totoong nararamdaman ko?"

Tumango ito, "Opo."

"Ang totoo, naiinis ako sa inyong lahat pero hindi naman ako galit. Naiinis ako kasi, parang nagmukha akong tanga. Pakiramdam ko, pinaikot niyo akong lahat, lalo na 'yung amo niyo."

"Pasensya ka na, Mahal na Reyna. Sumunod lamang po ako sa ipinakiusap sa akin. Tinanong ko nga po si David kung bakit 'di na lang nagpakilala ang Panginoon bilang siya. Eh ang sabi po niya sa akin, nangangamba raw po ang Panginoon na hindi mo siya matanggap kahit bilang kaibigan lang dahil sa masamang reputasyon niya.  Ang dami po kasing mahilig gumawa ng masasamang kuwento tungkol sa kanya, at marami ang mapaniwalain na naniniwala na lamang basta sa mga kuwento-kuwento lang kahit wala naman silang ebidensya. At ang isa pang problema, eh hindi naman po niya naging ugali ang ipagtanggol ang sarili niya. Wala siyang masyadong pakialam sa imahe niya o kung ano ang tingin sa kanya ng iba, kaya parang mas nangingibabaw 'yung mga tsismis lang kaysa sa katotohanan."

"Maaari ba akong magtanong sa 'yo, at ayokong magsisingaling ka. 'Yung katotohanan lang ang kailangan ko, at huwag mo sana siyang pagtatakpan dahil magagalit na talaga ako sa 'yo at hindi na pagtitiwalaan pa kahit kailan."

"Ano po 'yun?"

"Anong tingin mo sa amo mo, masama ba siya o mabuti?"

"Sino po, si Luis o si Lucio?"

Napatawa ako, "'yung totoong siya.  Sino ba sa palagay mo ang mas totoong siya, si Luis ba o si Lucio."

"Kami pong mangilan-ngilan na totoong nakakakilala sa kanya sa personal, iisa lang po ang opinion namin.  Ang totoong pagkatao niya ay si Luis, at si Lucio naman ay kanya lamang Maskara."

"Anong ibig mong sabihin sa Maskara?"

"Saglit pa lamang po kayo rito kaya hindi niyo pa po siguro mauunawaan sa ngayon.  Hindi po kasi birong pamunuan ang Edenus. Dito po kasi, halo-halo ang mga uri ng nilalang. May masama at mabuti. May mababait, may hindi. Kakaunti lamang ang tapat, mas marami po ang traydor. Marami rin pong oportunista at manggagamit. Katulad sa lupa, napakarami rin po dito ang mga pasaway at walang respeto sa batas. Sa ganitong klaseng kaharian na napakaraming halimaw at mapanganib na nilalang, hindi maaaring basta matatag lang ang isang namumuno; mahalaga rin 'yung kinatatakutan siya, dahil maraming mga nilalang dito na mapapasunod mo lang kapag may takot sila. Tungkol sa nauna mong katanungan, kung sino ang mas totoong siya.  Ang totoong siya ay si Luis. Si Lucio ay maskara lamang niya upang magawa niyang pamunuan ang masalimuot na mundo ng Edenus."

Napingiti ako, dahil 'yun mismo ang gusto kong marinig, at napakalaking bagay na 'yung gusto kong marinig ay siya ring katotohanan.

"Eh kay ate Marietta.  Anong pagkakakilala at alam mo sa kanya?"

Ngumibit ito na tila may nasabi akong hindi kaaya-aya sa kanyang pandinig. "Noong una ko siyang nakilala, nasa Mashuria pa ako kasama ng pamilya ko. Akala ko dati mabait siya dahil bukod sa maamo ang mukha niya, ang ganda-ganda pa niya at malumanay magsalita.  Marami siya natutulungan at napakabait kausap. Ang hindi ko alam maskara din lamang niya iyon. Nagpapanggap lamang siyang mabuti upang makapaghikayat siya ng mga taga-sunod na handang gawin ang kahit ano para sa kanya, kahit na ang maging resulta noon ay ang kapahamakan nila. Magkabaligtad nga sila ng maskara ng Panginoon. Ang maskara ng Panginoon, madilim at nakakatakot, habang ang maskara naman ni Marietta ay maliwanag at maganda, pero ang totoo, napakasama niya palang nilalang sa likod ng maskara. Isa siya sa mga dahilan kung bakit maraming mga Engkanto ang nawalan ng lugar sa Mashuria. Maraming engkanto rin ang nawalan ng tahanan ng kinamkam niya ang paraiso sa lupa na kung tawagin ay Paraeiah para lamang sa kanyang sarili."

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon