KABANATA 69

922 87 8
                                    

Senda's P.O.V.

"Wow, Senda, asensado ka na yata." Wika ng tindera sa huling tindahan na nirasyunan namin sa San Antonio. "Magrarasyon ka lang ng Kape at Tsokolate, naka-isports car ka pa." Humalakhak ito, "at sino 'yung drayber mo? Nakisamangot na oh. Sayang, ampogi pa naman, pero mukhang suplado."

Nilingon ko si Luis. Tahimik ito sa loob ng kotse niyang pula at nakatingin sa unahan ng sasakyan. Ni hindi man lang ito lumilingon sa amin sa harapan ng tindahan. Kanina pa ito nakasimangot. Ang totoo, nakasimangot na ito simula pa sa pagsakay namin sa karitong balsa niya kanina upang kunin ang sasakyan niyang nakagarahe sa bahay ng katiwala niya sa San Gabriel. Hindi rin ako nito kinakausap simula nang ibinigay ko sa kanya ang listahan ng mga tindahan na pupuntahan namin.

"Napagod ka 'no," pabalik na kami sa San Gabriel. "Sabi ko naman sa 'yo hindi ka na dapat sumama."

"Hindi ako pagod!" Pabigla ito at medyo malakas kaya medyo nagulat ako, "paano naman ako mapapagod eh hindi naman ako naglakad at nakaupo lang naman ako rito!" Pabalang ito at hindi man lang ako nililingon kahit saglit.

"Oh eh bakit parang galit na galit ka sa 'kin?" malumanay naman ang pagkakasabi ko noon, "kung susumpungan mo lang ako ng ganyan eh bakit mo pa ako sinamahan? Nakukunsensya tuloy ako na isinama pa kita. Pasensya na sa abala, kailangan ko lang talag—"

"Huwag kang makunsensya dahil hindi ka naman nakakaabala sa 'kin!" Medyo pagalit pa rin ang pagkakasabi noon.

"Eh bakit nga galit na galit ka 'kin? Ano bang kasalanan ko sa 'yo?"

"Wala kang nagawang mali!" hindi pa rin nagbabago ang pabalang na timbre ng boses nito.

"Kung ganu'n naman pala, eh bakit ka ganyan?"

Hindi na ito sumagot. Kunot-noong nagpatuloy lang ito sa pagmamaneho hanggang sa makarating ulit kami sa paradahan ng katiwala nito sa San Gabriel.

Hindi na rin lang ako nagsalita hanggang sa makarating kami ng bahay lulan ng kariton.

"Tutulungan na kitang ibaba ang mga gagamitin natin sa pagtatanim sa likod," sabi ko; hawak ko na ang tangkay ng asarol.

"Huwag na," medyo kalmado na ang boses nito at mukha, "ako na lang, mabibigat 'yan." May kinuha siyang malaking bag na itim mula sa karitong balsa at isinukbit iyon sa balikat niya, "bukas ko na lang ibaba ang mga 'yan, masyado nang mataas ang sikat ng araw para magtanim. Kailangan pati nating basain muna ang lupa kung hindi uulan."

*****

Kapansin pansin ang pananamlay nito habang tinutulungan nito akong maghanda ng tanghalian namin. Sumasagot naman ito ng mahinahon at maayos kapag may itinatanong ako, pero naging matipid ito sa pananalita, kahit hanggang sa mahimpil na namin ang aming pinagkainan.

"Galit ka ba sa 'kin?" malumanay na pagsiyasat ko nang nilapitan ko ito sa may bintana ng salas. Nakatingin ito sa labas na tila may malalim na iniisip.

Umiling lang ito sa halip na sumagot. Naninibago ako. Nasanay na kasi siguro ako sa makulit at palatawang personalidad niya nitong nakakaraan.

Hindi ako komportable sa asal niya kaya marahan akong humakbang palayo sa kanya patungo sa aking silid upang magpalit ng damit.

"Senda," bago ko pa man mabuksan ng pintuan ng aking silid. "anong ginagawa mo araw-araw pagkatapos mong magrasyon at mananghalian." Mapayapa na ang mukha nito at nakatingin na ito sa akin.

Humarap na ako rito at mas lumapit, "sa ordinaryong araw, pagkarasyon ko at sumisikat ang araw, o kapag alam kong hindi naman uulan, nagbibilad muna ako sariwang kape o naghihimay ng mga buto ng kakaw. Kapag umuulan naman, nadito lang ako sa loob at naghahanap ng ibang mapagkakaabalahan tulad ng pagsusulsi, paggagantsilyo, paglilinis ng bahay, pagbabasa at marami pang iba. Hindi ako nawawalan ng gagawin dahil mababaliw ako kung magkataon dahil mag-isa lang naman lagi."

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon