KABANATA 70

994 73 20
                                    


Senda's P.O.V.

Santing na santing ang sikat ng araw kaya inilatag ko na ang pinagtagni-tagning sako upang maibilad ko ang mga sariwang kape. Nang mapansin ni Luis ang ginagawa ko ay siya na ang nagkusang kumuha ng kalaykay na kahoy upang ikalat ang mga bunga ng kapeng inihuho ko mula sa luna. At dahil siya na ang nagtuloy ng dapat sana'y gagawin ko sa mga butil ng kape ay nagawa ko agad na simulan ang paglalatag ng pinagdugtong-dugtong na tolda upang maibilad at maikalat ko naman ang pinaasim (1) na mga buto ng kakaw na plano kong isangag ngayong hapon.

"Mapapagod ka lang lagi kapag nagtagal ka pa sa pagtambay mo rito sa bahay ko," nakangiting wika ko kay Luis matapos naming makaupo sa mahabang bangkong nasa malilong na bahagi ng ilalalim ng punong mangga. Parehas kaming nakatanaw sa aming mga ibinilad.

"Eh ikaw," matapos nitong inumin ang isang basong tubig na kinuha ko para sa kanya, "kung wala ako rito, papagurin mo na naman ang sarili mo para magawa mo ang lahat ng ito nang mag-isa."

"Mas maganda nga 'yung medyo napapagod ako eh, para pagdating ng oras ng pahinga, mas madali akong nakakatulog. Eh ikaw, dapat umuwi ka na. Hanggang kailan mo ba planong tumigil dito?"

"Bakit, ayaw mo bang naririto ako? Tinutulungan naman kita ah."

"Tsk. Ano ka ba? Hindi 'yun ang ibig kong sabihin. Siyempre, malaking bagay sa akin na naririto ka, at nagpapasalamat ako sa dami ng naitutulong mo sa 'kin, pero kasi nahihiya na ako sa 'yo eh. Wala ka namang obligasyon sa 'kin para pagmalasakitan mo ako ng ganito. Hindi naman tayo magkamag-anak, hindi tayo magkaano-ano. Sabihin mo nga sa 'kin? Ano bang tunay na dahilan kung bakit biglang-bigla na lang eh nagdesisyon ka na dito maglagi?"

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Sumubo muna ito ng nilagang saging na saba na siyang minimeryenda namin habang namamahinga, "sabihin na lang natin na simula ng mangyari 'yung ginawa ni David, hindi na ak— eheste, si Lucio pala, na mapakaling pabantayan ka sa iba. Hindi kasi ito matiwalaing tao, pero kung meron mang nilalang na kahit paano'y nabibigyan niya ng maliit na bahagi ng kanyang mailap na pagtitiwala ay ako at si David lang 'yun. Pero sa ginawa ni David, kahit na sabihin pang hindi naman talaga niya binalak na ipahamak ka sa kunwaring pakikipagkasundo niya kay Marietta. Hindi na makuhang ibalik ni Lucio ang dating pagtitiwala rito lalo na pagdating sa'yo. Dahil doon hindi ka na niya maaaring ipagkatiwala pa sa iba bukod sa 'kin. Mas matatahimik siya kung ako na mismo ang sisiguro sa kaligtasan mo."

"Pero Luis, 'di ba nakakulong na si Ate Marietta? At saka, marami kang obliasyon sa Edenus. Paano na ang mga responsibilidad mo bilang kanang kamay ni Lucio? Hindi man lang ba siya nagagalit sa 'yo dahil mas iginugugol mo ang panahon mo sa akin kaysa sa paglilingkod sa kanya?"

"H-ha? Ah eh..." tumayo ito na tila naghahanap ng paraan upang makaiwas sa itinatanong ko, "'w-wag kang mag-alala kay Lucio. Katulad nga ng sinabi ko, s-siya talaga ang nag-utos sa akin na pumarito upang bantayan ka."

Hindi ko alam kung matutuwa o maiinis ako sa tinuran niya. Ang lumalabas, tama pala talaga ang sapantaha ko. Ginagawa lamang niya ang lahat ng ito hindi dahil gusto niya ako o may tunay na pagmamalasakit s'ya sa akin kundi dahil lamang sa pagsunod sa ipinag-uutos ng kanyang amo.

Hindi ko makuhang magpanggap na wala akong nararamdamang sama ng loob, kaya para makaiwas na makapagsalita ako ng kahit anong bagay na magbubunyag ng lihim kong pagtingin sa kanya ay tahimik na iniligpit ko na lamang ang pinagkainan namin upang dalhin ang mga ito sa kusina sa loob ng bahay.

Sa pagpasok ko sa loob at nasigurong hindi na niya ako nakikita, saka ko lang nakuhang tumangis. 'Bakit nga ba nasasaktan ako ng ganito? Natatakot ako sa napakalaking posibilidad na tuluyan na ngang nahulog ang loob ko kay Luis kahit na hindi naman kami parehas ng nararamdaman.' Habang maaga pa at kaya ko pang agapan. Kailangan kong gumawa ng paraan upang sanggahan ang puso ko sa kanya. Kailangan ko nang patayin ang nararamdaman ko sa kanya dahil siguradong mas masasaktan ako kung hahayaan ko na lang na mas mapalapit ang kalooban ko sa kanya. Pero dahil nagsasakripisyo siya ng panahon para makasunod sa utos ni Lucio na protektahan ako, kailangan ko pa ring maging mas mabait sa kanya dahil hindi naman madali ang ginagawa niyang pag-aalaga at paggugugol ng oras at lakas para sa isang taong wala naman siyang personal na pakialam.

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon