KABANATA 38

1.8K 183 21
                                    

Lucio's P.O.V.

"Kung may gusto kang sabihin, sabihin mo na."

Isa sa mga pinaka ayoko sa lahat kapag nais kong mapag-isa sa aking silid aklatan ay 'yung may nakabantay sa akin na tila baga pinagmamasdan nito ang bawat pagkilos ko.

Tumikhim muna si David, "a-ah, wala naman po Panginoon."

Sinulyapan ko ito saglit, "wala?" bago ko ibinalik ang aking atensyon sa aking pagbabasa. "Oh, eh ano pang ginagawa mo rito? Kung wala ka naman palang sasabihin, makakaalis ka na!"

Hindi ito sumagot ngunit hindi rin naman ito umaalis kaya tiningnan ko na ito nang masama.

Muli itong tumikhim. "E-eh," kakamot-kamot ito sa sariling ulo. "M-may gusto nga po akong sabihin sa inyo, Panginoon."

Tinaasan ko na ito nang dalawang kilay.

"G-gusto ko lang pong sabihin na halos tapos na po ng mga kasamahan natin ang panunulungan sa San Joaquin kahapon."

Tumango ko, "oh, 'di mabuti. 'Yun lang ba ang sasabihin mo?"

"Eh, naro'n din po si Senda."

Napahinto ako sa pagbabasa at kunot-noong tiningnan si David. "Anong ginagawa ni Senda sa San Joaquin?"

"Nakasakay po siya sa Jeep ni Felix, 'yung jeepney driver sa San Gabriel. Papunta po yata sa bayan para mamaraka. Ang kaso may kaunti pong nangyaring aberya."

Unti-unti nang umiinit ang ulo ko dahil alam na alam naman ng Tikbalang na ito na ayokong-ayoko sa mga salitang paligoy-ligoy. "Sasabihin mo ba nang dire-diretso 'yang gusto mong sabihin o tatamaan ka sa 'kin? Anong aberya ang sinasabi mo riyan?"

Halatang balais si David. Hindi mapakali, at hindi malaman kung paano uumpisahan ang gustong sabihin."Marami po kasi sa mga Aswang na isinama namin sa San Joaquin ang medyo pasaway po. Ayaw sumunod. Tatamad-tamad. Kaya naisipan po ni Julian at Uro na..."

"Na?"

"Magpanggap na ikaw at ako po."

"Ano?!" Biglang tumaas ang boses ko.

"'Y-yun lang po kasi raw ang naisip nilang paraan para bumilis sa pagtatrabaho ng mga Aswang. Kaya lang po eh..."

"Ano?!" Pabulyaw na wika ko kung kaya napaiktad ito.

"H-hindi ko po talaga alam kung paano ko ipapaliwanag dahil wala rin ako doon eh. Kung gusto niyo po, si Julian at Uro na lamang po ang kausapin niyo. Ang kaso, nakikiusap po sana ako sa inyo Panginoon, malayong kamag-anak ko po kasi ang dalawang iyon kaya huwag niyo naman po silang papata--"

"Wag mo akong pangunahan!" Tuluyan nang uminit ang ulo ko, "alam mong depende 'yan kung gaano kabigat ang kasalananin nila! Tawagin mo nga 'yung dalawa!"

***

Animo'y mga kinakatay na baka si Julian at Uro. Kapwa nakaluhod ito sa aking harapan at halos halikan na rin ng mga nito ang aking mga paa.

"Akala ko po kasi ay ayaw na ninyo kay Senda kaya pinauwi niyo na ito sa kanila." umaatungal na paliwang ni Uro, "kaya sinabi ko sa kanya na nagkaroon na kayo ng asawa at mga anak para hindi na niya ipagpilitan ang sarili niya sa inyo."

Kahit na ang totoo'y gusto ko nang bunutin ang ulo nito mula sa kanyang katawan ay mas pinili ko na lamang ang pumikit at pigilan ang sarili ko.

"Ako naman po?" nang mapansin ni Julian na nakatingin na ako sa kanya.

Tiningnan ko lamang ito nang mas matalim bilang hudyat na dapat ay sabihin na niya kung ano-ano ang sasabihin niya bago maubos ang pasensya ko.

"Panginoon, hindi ko naman po alam na si Senda 'yung nasa Jeep. Ang akala ko po medyo kamukha lang niya. Eh, dinulutan lamang naman ako ng asawa kong si Belinda kahapon dahil alam naman niya na ginaya ko lang po ang anyo niyo, hindi ko naman po alam na makikita ni Senda na nilalambing ay pinupunasan ako ng asawa ko ng pawis."

Hindi ko alam kung paano pa pipigilan ang inis at galit ko kung kaya tumalikod na lamang muna ako bago ko sinabi sa mga ito sa pinakamahinahong paraan na nakakayanan ko pa, "bibilang ako ng pito, tumakbo na kayo, kapag kayo inabot ko, hindi na kayo makakalabas dito nang buhay."

Napangibit si David sa labis na pag-aalala bagaman tahimik lamang naman ito sa isang tabi. Nagkatinginan naman muna ang dalawang Tikbalang bago halos magkasabay nila akong tiningala.

"Isa..." paunang bilang ko. Binunot ko mula sa gilid ng aking magkabilang binti ang dalawang punyal.

Napaiktad ang mga ito nang magsabay.

"Dalawa..." Mas nilaksan ko na ang boses ko. Pinaglalaruan ko ang dalawang punyal sa aking mga kamay.

'Tayo na!" pabulong na wika nila sa isa't isa, 'tumakbo na tayo!"

"Tatlo!" Sinisipat ko na ang dalawa kung paano at saan ko patatamaan ang mga ito.

Halos mapasungaba ang dalawa sa pagmamadaling makatayo at makalayo.

"Apat!" Inahahanda ko na ang pagbato sa dalawang punyal sa magkabilang kamay ko.

Nag-umpisa nang tumakbo ang mga ito. Madulas at malawak ang salón de baile kung saan kami naroroon kung kaya't ilang beses din silang napadulas at natumba sa bandang gitna. Hindi pa rin naman humihinto ang pag-atungal ng mga ito sa labis na takot.

"Lima!"

"Nanaykupu!" Sinabi nila ito sa magkaibang tiyempo. Malapit-lapit na rin naman ang mga ito sa pangunaging pinto.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Anim!"

Nakatawid na ang mga ito palabas, dahilan kung bakit itinigil ko na ang pagbibilang. Muli ko nang isinukbit ang aking mga punyal sa mga nakatagong lukbutan sa ilalim ng aking pantalon.

"M-maraming salamat po sa awa niyo, Panginoon." Nakaluhod na wika ni David. "Kahit ano pong ipag-utos niyo, gagawin ko po. Nais niyo po bang puntahan ko si Senda upang magpaliwanag?"

Napangiwi muna ako bago ko ito nginisian. "Bakit? Kaya mo bang tumawid sa bakuran niyang tadtad ng asin, bawang at abo?"

Nag-isip muna ito nang malalim. "K-kung 'yun lang po ang paraan para mapatawan niyo po si Uro at Julian, gagawin ko po para sa kanila."

Humalakhak ako, "David, David...'di kaya 'yan ang dahilan kung bakit inaabuso ka ng mga kamag-anak mong maligno? Itataya mo ang buhay at kaligtasan mo para sa kanila?"

"Posible po." Bahagyang natatawa rin ito, "pero hindi lamang naman po para sa kanila lang ang gagawin ko. Para rin po sa inyo, at kay Senda. Alam ko naman po kasing gustong-gusto niyo siya."

Sandali akong natahimik bago ko sinabing, 'wag na."

"Po?"

"'Wag ka nang mag-abala pang puntahan si Senda."

"Kayo na lamang po ang pupunta?"

Umiling ako, "hindi rin."

"Pero, pa'no na po 'yung iisipin ni Senda tungkol sa 'yo? Hindi po ba kayo nababahalang hindi ka na nito kakausapin?"

Nagbuntong-hininga muna ako bago ko sinabing, "mas mabuti nga kung gan'on. Tulad nga ng ipinaalala mo sa akin kamakailan lang. Mortal si Senda. Ang mga bagay at gawain na maaari sa akin; ay hindi maaari sa kanya. Hindi kami magkatulad. Hindi kami magkauri. Nariyan siya ngayon, tatanda at lilisan sa mundong ito. Ako lamang din ang mahihirapan pagdating ng panahon na kailangan na kaming paghiwalayin ng kamatayan niya. Ayoko."

"Ayaw niyo po ang alin po?"

"Ayoko nang mapalapit sa kanya. Ayokong pagtuunan ng panahon ang mga mortal na hindi rin naman mananatiling kasama ko sa paghabang panahon."

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon