KABANATA 26

3.6K 302 45
                                    

Lucio's P.O.V.

"Bastos!" Bulyaw niya sa akin, sabay talikod. "Manyakis!"

Pinagtawanan ko ito dahil alam kong gustong-gusto niya akong sapakin ngunit hindi nito ito nagawa dahil hindi niya maaalis ang pagkakayakap niya sa kanyang sarili.

Upang lalo itong inisin ay pumulot ako ng isang napakalaking batong buhay na korteng habilog sa ilalim ng tubig bago ko sinabi sa kanyang, "gusto mo bang hilurin ko ang likod mo?"

Bahagya niyang ikiniling ang kanyang mukha upang tinganan ang batong hawak ko, ngunit nang mapagtanto niya na mas malaki pa sa mukha niya ang batong  hawak ko ay patalikod na sinabuyan niya ako ng tubig. Itinapon ko muna ang hawak kong bato pabalik sa tubig bago ko ginantihan ang pagsaboy ng tubig kay Senda. Sumisigaw siya. Alam kong galit na galit siya sa akin dahil hindi na halos siya makaganti dahil mas di hamak na mas marami at malakas ang isinasaboy ko sa kanya.

Habang abala siya kung paano iilag--gayong hindi niya ako gaanong nakikita'y naging abala rin naman ako sa paghagod ng paningin ko sa kanyang mga balikat at likod.

Napakaganda talaga ni Senda, at ang lalong nagpaganda sa kanya ay 'yung tila ba hindi niya alam ito, o wala siyang masyadong pakialam sa hitsura niya. May mga babaeng maganda lamang dahil palaayos at nagsusuot ng magagara at mamahaling mga damit, ngunit ang ganda ni Senda ay hindi gayon. Lumulutang ang maamo niyang mukha, maging ang kanyang maputi at makinis na balat kahit animong basahan lamang ang  suot-suot nito.  Napakaganda rin ng bagsak ng kanyang mahaba at mamula-mulang ispunghadong buhok kahit halata kong kulang na kulang ito sa alaga.

Naaalala ko pa noong una ko siyang nakita. Habang inaalam ko kung saan nakatira sa siyudad ang napangasawa ni Marietta--na siya namang nakatatandang kapatid ni Senda. Naglalaba ito ng mga damit sa pinakatuktok ng gusaling kanilang inuupahan. Nakasuot lamang ito ng kamisong puti, na bahagya pang nakalislis dahil sa kanyang pagkakaupo sa napakaliit na bangkito. Marami na akong nakitang iba't ibang klaseng babae, mapatao man o mapa-diwata. Ngunit siya pa lamang, sa kinatagal-tagal ko nang nabubuhay sa mundong ito, ang tila ba nakakapagpatigil ng mundo ko. Hindi ko maialis-alis ang aking mga mata sa kanya kapag nakikita ko siya, bagay na hindi ko naramdaman maging sa una kong naging asawa na si Aretha--na ipinagkasundo lamang naman sa akin ng ina ng aking ama sa mga magulang nito. Hindi ako sigurado kung ano ang eksaktong meron sa kanya, kumpara sa ibang mga babae na pawang mga nagsisihabol lamang naman sa akin. Iyon nga siguro ang isang bagay na pilit kong inaalam magpasahanggang sa ngayon.

Ano nga ba ang meron si Senda?

Bakit gustong-gusto ko siyang pinagmamasdan, ngunit hindi ito tulad ng ibang mga babae na nagkakagusto sa akin?

Hindi ba kaaya-aya sa kanya ang hitsura ko?

Kung sa ibang babae ito...pakialam ko ba?  Lalo na kung wala rin naman akong pakialam sa kanila. Pero sa kanya...

Hindi ko alam kung bakit sinusundan-sundan ko siya kahit alam kong wala naman itong pakialam sa akin.

Hindi ko rin alam kung bakit binabantayan ko siya kahit malayo naman siya sa panganib.

Mahalaga ang oras ko para sa akin, pero bakit nga ba simula nang makita ko siya, madalas ay nagagamit ko lamang ang oras ko sa pagtanghod sa kanya buong araw at gabi. Daig ko na nga yata minsan ang mga Aswang sa paniniktik sa kanyang bubungan, o ang mga Kapre, upang masilip ko man lang siya sa likod ng mga nakakubling dahon at sanga ng mga puno sa kanyang likod-bahay.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Tama na, ano ba?" pilit niya pa ring sinasalag nang patalikod ang mga tubig na isinasaboy ko sa kanya. "Pagod na ako, Luis...giniginaw na rin ako."

Kung hindi ko pa narinig ang kanyang pag-iyak ay hindi pa rin nga talaga ako titigil.

Inihinto ko ang pagsaboy ng tubig. Tumahimik ang paligid kaya tanging ang kanyang paghikbi at ang sabay-sabay na paghuni ng mga kulilis ang natirang naglilikha ng ingay sa paligid.

"Ano bang kasalanan ko sa  'yo?" naginginig ito. "Bakit mo ba ako ginaganito? Pagod na ako...giniginaw na ako...masakit na ang ulo ko...masama na ang pakiramdam ko." Ito'y mga pangungusap na napaggigitnaan ng kanyang pagsinghot at pagtangis. "Ba't 'di mo pa kasi ako patayin ngayon kung gusto mo na talaga akong mamatay? Bakit ba pinahihirapan mo ako? Tapos pinaglalaruan mo pa ako? Wala naman akong magagawa sa 'yo kahit manlaban pa ako 'di ba? Kung may awa ka pang natitira, parang awa mo na...tapusin mo na lang ang paghihirap ko." Tuluyan na itong humagulhol.

Hindi ako makagalaw agad. Bawat salita kasi nito'y tila matatalim na karayom na nanunuot sa aking dibdib.  Hindi ko akalain na may kakayanan pa pala akong makaramdaman ang nga bagay na gayon, dahil matagal na panahon na ring wala na akong maramdaman na kahit ano.

Nang mamatyagan kong tila mas lumalala na ang kanyang panginginig dahil sa ginaw ay nilapitan ko na ito at hinawakan sa magkabilang balikat upang kahit papaano'y mabawasan ang ginaw na nararamdaman nito. "Halika na..." mahina kong bulong sa kanya. "Umahon na tayo."

Napakaiikli lamang ng mga salitang umalpas sa aking bibig, bagaman gusto kong sabihin ang katagang, "paumanhin..." ay hindi ko ito magawa. Hindi ako marunong humingi ng tawad, 'yun ang totoo, dahil mas nakasanayan ko nang ako ang hinihingan nito.

Yapos pa rin ni Senda ang kanyang sarili habang iginigiya ko ito sa pag-ahon. Nakayuko ito at pilit itinatago sa akin ang kanyang mukha. At dahil nabatid kong hinding-hindi ito tuluyang aahon nang walang saplot ay sinabihan ko itong mauna na sa pag-ahon at sa pagbibihis, habang nakatalikod ako paharap sa direksyon ng batis.

***

"Tahan na..." hindi ko akalaing masasabi ko ito sa kanya, matapos kong makapagbihis. Natanaw ko kasing umiiyak pa rin ito habang naghihintay sa akin. Tumahan naman ito, bagaman nananatili itong nakayuko. Sumunod na nilapitan ko ito at hinawakan sa siko. "Halika na, bumalik na tayo sa kubo. Huwag ka nang umiyak...pangako, hindi na kita aasarin." Hindi ko rin inakalang makukuha kong mangako nang ganung-ganun na lang.

Pinauna ko ito sa paglalakad nang bigla itong huminto kaya napahinto rin ako sa kanyang likuran.

Gumagalaw-galaw ang likod nito kaya ang buong akala ko'y umiiyak na naman ito. Pero laking gulat ko nang humarap ito sa akin na nakabungisngis muna bago ito tuluyang humagalpak ng tawa.

"Anong--?" nakakunot-noo ako.

"Oh, nangako ka na, na hindi mo na ako aasarin 'di ba? Langya ka! Akala mo ikaw lang ang marunong mang-good time? Ikaw--" bigla nitong piningot ang tenga ko. Napangibit naman ako sa sakit at tila isang asong nakatali na naging sunod-sunuran lamang ako sa kanya.  Sa muli niyang paglalakad, "masyado kang manyakis! Ang dapat sa 'yo, nakakatikim ng sinturon o di ka nama'y dinudukit ang mga mata! Ang manyak mo, eh no? Sayang ka, napaka-guwapo mo nga pero may sira naman 'yan tuktok mo! (blah...blah...blah...)"

Wala naman akong masabi nang paulit-ulit kundi, "Ahhh A-arayyyy!" Habang kinakaladkad niya ako pabalik sa kubo.

"Aray ba?" mas lalo nitong hinila pababa ang tenga ko kaya lalo akong nahukot sa aking pagkakayuko. "Kulang pa 'yan, dahil kung ako ang masusunod, puputulin ko na lang itong tenga mo para maisahog sa sisig ng mga kaibigan mong Aswang!"

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon