KABANATA 45

1.8K 183 16
                                    

Lucio's P.O.V.

Bakit ko nga ba laging sinusundan si Senda?

Wala naman talagang masama sa itinanong ni David dahil maging ako ay gayun din ang paulit-ulit kong itinatanong sa aking sarili.

Bakit ko nga ba siya binabantayan simula nang unang araw na makita ko ito?

Marami namang magagandang babae ang nakapaligid sa akin; ang naninikluhod sa akin para lang mapansin ko, ngunit bakit nga ba sa isang napakasimpleng babae lamang nakapako ang aking paningin? Batid ko naman na hindi ito dahil sa kanyang pagiging kalahating lambana, dahil mas mukha naman siyang normal na babaeng mortal na ni walang bahid ng hitsura ng isang engkanto.

Hindi naman nito ako inaakit. Hindi rin naman ito unang lumalapit at nagpapapansin. Hindi rin ito mukhang mahilig mag-ayos ng sarili na sapat upang masabi kong naaakit lamang ako sa kanyang kagandahan at postura.

Ano nga bang mayroon ang babaeng ito na nakukuha kong gugulin ang oras ko upang pagmasdan lamang ito kahit na sa malayo? Kung pagnanasa lamang ito, hindi ba't dapat ay mas matagal ko nang pinursigi na maangkin ito, lalo't higit dahil wala naman akong ginustong babae na hindi ko nakuha.

"Hay naku, ano ba 'yan umulan na naman! Tsk!" Wika ni Senda sa sarili habang namumulot ito ng mga uyo sa isang niyugan. Habang ako naman ay nakakubli sa isa sa mga puno ng niyog "Pahirapan na naman sa panggatong. Bakit kasi ang agang umulan ngayon inang kalikasan! Alangan namang mamulot ako kaninang madaling araw, eh kadilim-dilim pa!" May pinulot itong sako at isa-isang isinisilid doon ang lahat ng kanyang pinupulot, "Hay naku, pati mga bunot at bao, basa lahat! Haring araw, pakiusap, sumikat ka ng matindi-tindi ngayong araw para matuyo ko ang mga ito, pati na rin ang mga sinampay ko! Utang na loob haring araw! Maawa ka sa kabuhayan ko dahil kailangan kita para maibilad ko ang mga kape ko! Tsk!"

Wala naman siyang ginagawang kakaiba, pero bakit nga ba napapangiti ako kapag nakikita ko siya? Palihim na natatawa at naaaliw ako sa mga pananalita, kilos at galaw niya. Ano nga ba ang mayroon siya na wala ang ibang mga babae?

Tumikhim ako nang malakas matapos kong tahimik na tumingkayad patungo sa bandang likuran niya upang sadyaing gulatin ito. Hindi naman ako nabigo. Napasigaw ito nang pagkalakas-lakas nang makita ako nito. Daig pa nito ang nakakita ng multo sa tindi ng sindak na gumuhit sa kanyang mukha.

"Ano ka ba naman Luis!" Hinahaplos-haplos nito ang kanyang dibdib, "papatayin mo naman ako sa gulat? Ipinaglihi ka ba sa kabute? Basta-basta ka na lang sumusulpot! Tsk!"

Wala namang nakakatawa sa sinabi niya kaya hindi ko alam kung bakit tuwang-tuwa ako sa naging reaksiyon niya.

"Tatawa-tawa ka pa riyan! Makakapatay ka na ng tao, tuwang-tuwa ka pa? Kung inatake ako rito sa puso, anong gagawin mo, ha?!"

"Eh 'di ipalilibing kita...ah sandali, ba't pa nga ba ako mag-aaksaya ng pagod at panahon kung maaari naman kitang iwanan na lang dito para maging pataba sa niyugang ito."

Pinaghahataw ako nito sa braso. Nagpanggap naman ako na nasasaktan, "aray! Ba't ka ba nagagalit? Kung tutuusin, ako dapat ang magalit sa 'yo ah!"

Kumunot ang noo nito at namayawang, "at bakit naman, aber? Inaano ba kita? Ikaw itong lumalapit-lapit sa akin ng alanganin tapos ikaw pa ang may ganang magalit ngayon?"

Tinaasan ko ito ng isang kilay, "bakit, kaninong niyugan ba 'tong pinasok mo? Akin 'to ah! Bakit ka rito namumulot?"

Bumakas naman agad sa mukha nito ang pagkagulat, "h-ha? I-ikaw ang may-ari nito?"

Nginisian ko ito, "ano? Nagulat ka? Ngayong alam mo na, ano pang ginagawa mo rito?"

"Sorry naman po! Malay ko ba na sa 'yo ang niyugan na 'to, eh isang taon na akong namumulot dito, wala namang sumusita sa akin."

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Aha! Dapat pala singilin din kita! Siguro ikaw rin ang kumukuha ng buko at niyog ko rito 'no?"

"Hoy, grabe kang makabintang! Halos puro uyong panggatong lang ang kinukuha ko rito 'no, kung may buko o niyog man, 'yung mga paisa-isa lang na nalalaglag. Malay ko ba namang umakyat ng puno ng niyog 'no!"

"Kaya nga, dapat bayaran mo kahit paisa-isa lang. Ano-ano na ba ang nakuha mo rito?"

Ngumuso ito, "mabibilang ko pa ba naman 'yon?"

"Dapat lang. At saka 'yang nasa sako mo, ano ba 'yang mga nariyan? Dapat may bayad din 'yan!"

"Grabe ka naman, pati ba naman basang uyo na hindi mo naman kailangan! Ang yaman-yaman mo eh, para panggatong lang may bayad din?"

"Kahit hindi ko kailangan, ang akin ay akin. Kung ayaw mong isauli, eh 'di bayaran mo!"

Bumakas sa mukha nito ang panlulumo habang unti-unti nitong sinisilip ang loob kanyang sako, "O heto, " mangiyak-ngiyak na iniabot nito sa akin ang hawak niyang sako, "tingnan mo kung magkano ang halaga. "Kung kaya kong bayaran, babayaran ko na lang. Kung hindi..." nagbuntong-hininga ito, "iiwanan ko na lang dito."

Kinuha ko naman agad ang sako at kunwari'y sinilip ang laman nito sa loob, "tsk, oh!" Iniabot ko pabalik sa kanya ang sako, "iyo na nga lang 'yan! Libre na. Kawawa ka naman. Pangit ka na nga, humahaba pa 'yang nguso mo!" Pinipigilan kong 'wag matawa.

"Anong pangit?" pahablot na binawi nito ang sakong iniaabot ko, "ang yabang mo ha? Kung makatingin ka naman sa akin eh tila gandang-ganda ka naman sa akin! Tapos lagi mo pa akong sinusundan, aminin mo 'yan!"

Nagulat ako sa kanyang huling pangungusap. Hindi ko kasi inaasahan na nahahalata na nito ito. "Ikaw? Maganda?" tiningnan ko si ito mula ulo hanggang paa. "Hindi ka ba kinikilabutan?"

"Eh bakit mo nga ako sinusundan?" Dinuro ako nito ng hawak nitong uyo.

"Ipagpaumanhin mo babae! Akala ko kasi ikaw 'yung nawawala at layas kong kasambahay na mukhang manananggal! Magkaparehas kasi kayo ng buhok. Parang alambre."

"Ah, gano'n ha?" Sinugod ako nito at pinaghahataw ng hawak nitong uyo. Tinawanan ko lang naman ito habang sinasalag ko ang kanyang bawat paghataw.

Ayaw nito akong tigilan kaya lumayo na ako nang ilang dipa. "Sige na nga. Aaminin ko na." Sabi ko. "Sinsundan nga kita."

"Eh bakit mo nga ako sinusundan? Maniyak ka 'no? May asawa kang tao pero may pagnanasa ka sa 'kin! Gusto mo siguro akong pagsamantalahan!"

"Di ah."

"Eh bakit nga?!" Bulyaw niya.

"Eh, gusto sana kitang hikayating maging katulong ko sa bahay. Kailangan ko kasi ng mga alilang mukhang aswang para hindi looban ng mga impakto ang bahay ko."

Nanggigigil na ibinato nito ang hawak niyang uyo sa aking direksiyon. Nakailag naman ako kaagad. "Walanghiya ka!" Sunod nitong dinampot ang isang malaking bato bago nito iniakmang ibabato sa akin.

Kumaripas na ako ng takbo, bagaman kumaway-kaway pa rin ako upang inisin ito habang tumatakbong ako papalayo.

Senda, Senda. Bakit nga ba naaaliw ako sa 'yo? Sana'y dumating ang panahon na maipapaliwanag ko rin ito sa aking sarili, upang hindi naman dumating ang panahon na magsisisi akong sinayang ko lamang ang oras ko sa 'yo.

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon