KABANATA 87

823 73 14
                                    

Senda's P.O.V.

"Sasagutin mo ba o hindi?" sa padabog na pagbalik nito sa tabi ko.

"Bahala ka nga diyan." Bulong nito. Ramdam ko na tumagilid na ito patalikod sa akin.

Bumangon ako nang paupo sa inis, "bakit ba kasi ayaw mong sagutin?!" buyaw ko rito.

Nagulat ako nan bumangon din ito para harapin ako, "ano bang gusto mong marinig?!" mataas ang boses nito, "'yun na lang ang sasabihin ko para matapos na ang argumentong ito!"

Ganito pala ang pakiramdam ng nagseselos. Hindi mo na gaanong alintana kung nasa katwiran ka o hindi. Masama ang pakiramdam mo pero hindi mo alam kung saan nanggagaling ang sakit; hindi mo rin alam kung paano mo gagamutin ang iyong hindi mawaring nararamdaman. Hindi ka mapakali; hindi mo rin maintindihan ang iyong sarili kung bakit ka nagkakaganito kaya kahit na ikaw pa mismo ang magtanong sa sarili mo kung ano ba ang probema mo, hindi mo rin ito masasagot; tapos aasa ka na masasagot ito ng iyong kapareha?

Narinig ko naman ang bahagi ng kuwento na pinaligawan lamang sa kanya iyon para ilayo sa nobyong hindi nila tanggap, pero hindi ko alam kung bakit gusto ko pa siyang pigain? Bakit nga ba ako naghahanap ng pag-aawayan namin?

Diyaske ka Senda, napaghahalata tuloy na hindi ka pa talaga hinog sa pakikipagrelasyon. Wala kang karanasan kaya hindi mo ngayon alam kung paano mo pamamahalaan ang damdamin mo. O 'di sagutin mo ngayon ang tanong sa 'yo ni Luis...ano ba ang gusto mong marinig? Ano pa ba ang gusto mo na hihigit sa katotohanang hindi 'yun ang pinakasalan niya kundi ikaw.

Wala akong maisasagot sa katanungan niya na hindi ko maipapahiya ang aking sarili kaya hindi na lamang ako kumibo. Humiga na lamang muli ako nang patalikod sa kanya upang itago ang nagbabadyang pagpatak ng mga luha ng aking kagagahan.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Sandali pa'y naramdaman kong humiga na rin si Luis nang patalikod sa akin. Ako na nga itong nagsimula ng hindi namin pagkakaunawaan, ako rin itong may ganang malungkot na hindi man lamang niya ako inalo.

Gaga ka talaga Senda, ikaw itong may kasalanan tapos siya pa ang inaasahan mong humingi ng tawad sa 'yo? Sira na ba ang tuktok mo? Dahil lang sa selos nag-iinarte ka riyan? Ano ka ngayon? Gusto mo na siyang yakapin pero naiilang  at naihihiya ka na, eh kasi, alam mong ikaw ang may kasalanan! Kung bakit nga ba mas mahirap humingi ng tawad kapag alam mong ikaw talaga ang may kasalanan?

Pangalawang araw pa lang ng aming pagsasama bilang mag-asawa, nag-away na agad kami. Dapat ko na bang ihanda ang sarili ko sa mas malalala pa naming mapagtatalunan sa hinaharap?

****

"Mahal na Reyna, may problema po ba kayo ni—" inginuso ni Marikit si Luis na tahimik na nagbabasa ng peryodiko sa kabilang lamesa. Nasa restaurant kami para kumain ng agahan, at napansin siguro nito na hindi kami nag-uusap ni Luis, at mas pinili naming umupo sa magkaibang lamesa.

Nagkibit balikat lang ako dahil hindi naman masyadong malayo ang lamesa nina David at Luis para hindi nila marinig ang pinag-uusapan namin. Anuman ang sabihin ako, alam kong maririnig at maririnig pa rin nila.

"'Yung tungkol po ba sa kahapon?" bulong ni Marikit sa akin.

Nakiramdam muna ako bago ako tumango.

"Tapos na naman tayong kumain," muling bulong nito sa akin, "gusto mo bang magpahangin sa labas?"

Muli akong tumango.

****

"Ganyan lang daw talaga tayong mga babae," natatawang wika ni Marikit matapos kong ikuwento sa kanya ang kagagahan ko kagabi, "nagkaganyan na rin ako dati sa mga dating nobya ni David. Selosa rin kasi ako dati."

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon