KABANATA 64

1.1K 81 18
                                    

Lucio's P.O.V.

May bahid ng pangungutya ang paghalakhak ni Marietta sa likod ng rehas na pinagdalhan ng aking mga kawal dito. Tahimik na sinipat ko ang mukha nitong nasa anyong Anghel. Alam kaya ng babaeng ito na malaki ang pagkakahawig niya sa Diyablong nagsadlak sa akin sa sumpang kinalalagyan ko? Magkawangis at magkaugali na tila ba si Marietta na mismo si Lucifer na nagkatawang-tao. Maganda, mukhang napakabait, kaakitakit ngunit tuso, mapanlinlang, maliwanag sa paningin ngunit maitim ang budhi. Nasisiyahan kapag nakapang-iisa ng kapwa, at kapag halos sambahin na siya dahil sa pagkukunwaring mabuti. Sinungaling, mapagpanggap, traydor, at makasarili, na kahit na siguro ang mismong Diyablo ay mayayamot at kakabahan dahil mayro'n pa palang ibang nilalang na maaaring umagaw sa kanyang trono sa kaharian ng kadiliman.

"Kumusta na, Lolo?" humagikhik ito. Batid kong sinasadya nitong sirain ang araw ko. "Nagustuhan mo ba ang regalo ko sa 'yo?" tinutukoy nito ang mga pugot na ulo ng mga lambanang pinaslang ng kanyang pangkat ng mga tikbalang na nagsa-anyong ako at ng ibang mga kawal ko. "Hindi ka na pinagpawisang lipulin ang mga kalahi ng mga kaaway mo. Ako na mismo ang gumawa para sa 'yo. Ano, ha? nagustuhan mo ba? Sayang, 'di nasali si Senda. Siya pa naman ang pinakagusto kong ialay sa iyo dakilang panginoon." Yumukod ito upang magkunwaring nabibigay-pugay ito sa akin.

Batid ko namang sadyang pinipikon lamang ako nito upang subukin ang aking pagtitimpi kung kaya nginisian ko lamang ito na siyang nagsilbing kasagutan ko rito.

"Kumusta ang nasasakupan mo, panginoon?" muling pang-uuyam nito, "balita ko, mahal na mahal ka nilang lahat." Pumapalakpak ito. Batid kong hinihintay n'ya ang pagsagot ko ngunit hindi ko ito ibinigay at wala akong balak na ibigay ang kasiyahan nito.

Kilalang-kilala ko na ang babaeng ito na naturingan pang kadugo ko. Kung nagagalak ito kapag halos mawala ako sa sarili sa labis na poot, napipikon naman ito kapag kalmado ko lang na hinaharap ang matitinding paninira at pang-iinsultong ibinabato nito sa akin. Para sa kanya, ang pikon ang laging talo. Kapag inatake ka niya at nasaktan ka niya, talunan kang maituturing kapag dumaing ka o mabanaag man lamang n'ya sa iyong mukha ang pagkadisgusto sa ginawa n'ya sa 'yo. Kung nais mong matuwa siya, 'wag ka nang mag-atubiling magtiis pa habang hinahaplit ka n'ya; ipalahaw mo ang ang iyong kawalan ng ginhawa at nasisiguro ko sa 'yo na mas malakas pa ang magiging paghalakhak niya kaysa sa iyong mga sigaw.

Hinahanap-hanap ng pagkatao—o pagkahalimaw nito ang atensiyon sa kahit anong paraan at dahilan. Wala itong ipangkaiba sa mga pumapatay at sadyang nang-aagrabiyado ng ibang tao o nilalang, kadugo man o hindi, para lamang makapukaw ng pansin. Sapagkat sa gayung paraan lamang nito nararamdaman ang pag-iral niya sa mundo ng mga nabubuhay. Ikinagagalak rin niya ang gumawa ng kahit anong kasuklamsuklam at karumaldumal maski na para sa mga maligno at mga aswang, upang lingid sa kaalaman ng kanyang mga nililinlang ay mailagay niya ang kanyang sarili sa pedestal bilang nag-iisang tagapagligtas sa mga kaguluhan siya rin naman ang may pakana.

Baliw at uhaw sa kapangyarihang hindi naman nakaadya para sa kanya. Isang katangian na batid kong minana niya sa angkan ng kanyang nasirang ina; ang pamilya ng mga dorobo, manloloko, magnanakaw, mangkakamkam ng yaman at lupain ng mga maralita, tulisan, at mamatay-tao na sinadyang makipag-isang dibdib sa isang Hacienderong Villaluz ngunit ito ay sa ngalan lamang ng karagdagang kapangyarihan at pansariling interes.

Ang anak ay tulad ng kanyang ina, dahil ganito rin naman ang ginawa nito kay Arnulfo Ramirez nang mapag-alaman nitong ito ay ang isa sa mga tunay na anak ng Hari ng mga Lambana, na siyang naisip niyang maging tulay upang mailagak niya ang kanyang sarili at ang kanyang supling bilang lehitimong tagapagmana ng trono ng kaharian ng Elysio.

"Mag-aalay ka na rin lang," nakangising wika ko rito, "puro pipitsugin pa. Mas mainam sana kung birhen ang mga 'yun, o kung ang ulo mismo ng hari ng Mashuria ang inialay mo sa 'kin, pero alam ko namang hindi mo kaya 'yun kaya ano pa nga ba ang magagawa ko kundi ang pagtiisan ang mumunti mong nakayanan."

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon