KABANATA 11

5.8K 348 33
                                    

Lucio's P.O.V.

"Papa! Papaaaa!"

Walang patid ang pag-iyak ng tatlo ko pang nakababatang mga anak, ngunit wala akong magawa. Binusalan nila ang aking bibig, at pinuluputan ng makakapal na lubid ang aking buong katawan sa kinauupuan kong silya. Hindi ko man lang mabanggit ang kanilang mga pangalan. Hindi na rin mailakas pa ang aking mga panaghoy. Kung kaya tanging mga luha na lamang ang naging bakas ng aking paghihinagpis.

Hindi pa sila nakuntento nang sunugin nila nang buhay ang aking maybahay sa harapan ng kanilang simbahan, pinaslang din nila ang aking dalawang anak na binatilyong nagtatanggol lamang naman sa kanilang ina at nakababatang mga kapatid. Iisipin mong mga halimaw ang uri ng mga nilalang na magiging ganito kalupit. Ngunit ang mga ito'y mga purong tao lamang na nagbabanal-banalan sa pangalan ng kanilang simbahan, at ng DIYOS na kanilang pinapanginoon.

May kakaibang kapangyarihan daw si Aretha, ayon sa kanilang obserbasyon. Hindi nila mabigyan ng lohika ang kakayahan nitong nakapanggamot ng may mga karamdamang  walang sawa nitong pinagagaling nang walang kapalit. Hindi nila nagustuhan ang mahabang pila ng mga tao sa labas ng aming tahanan, kumpara sa mga nagsisidalo sa misa sa kanilang kapilya, kaya nang minsang bigla na lamang namatay ang isang alagad ng kanilang simbahan, na siya namang nangunguna sa pagbatikos sa gawain ni Aretha, naging napakadali lamang para sa kanila na sentensiyahan ang aking maybahay ng kamatayan bilang isang mangkukulam.

"Sige sunugin niyong lahat mga bakas ng kagamitan ng mangkukulam!" Sigaw ng kanilang pinuno habang pinagmamasdan nito ang isa-isang pagsindi ng apoy ng kanyang mga tauhan, sa lahat ng kurtina at iba pang mga kagamitan sa loob ng aming tahanan. "Isama niyo na ang mga ito!" Itinuro nito ako at ang aking mga anak. "Malay pa natin kung may bahid na rin ang mga ito ng karunungang itim!"

"Opo!" Kasabay ng pagsindi nito ng apoy sa laylayan ng saya ng aking anak na dalagita.

"Papaaa...." mababakas ang matinding sakit at takot sa mga mata nito at ng kanyang dalawa pang mga kapatid na nakagapos nang talikuran sa kanya.

"Tayo na bago pa kumalat ang apoy!" Bago  isa-isang nagsi-alisan ang mga ito palabas.

Halos mapatid na ang lahat ng mga ugat sa lalamunan ko sa matinding pag-iyak. Pinilit kong kumawala, ngunit lalo lamang naging mas malala ang kalagayan ko nang matumba nang pahiga ang silya kung saan ako nakagapos. Natanggal man ang busal sa aking bibig, ay naging huli na rin na marinig pa ng mga anak ko ang aking tinig. Kung kaya sa halip na ang mga pangalan nila ang aking sinambit, ay inihiyaw ko na lamang ang katagang...

"Isinusumpa ko!" Kasabay ng pag-agos ng mga luha kong humihilamos na sa kabuuan ng aking mukha, "kung kinakailangan kong isangla ang kaluluwa ko sa Diyablo, gagawin ko! Uubusin ko ang lahat mga lahing tao! Parurusagan ko ang lahat ng mga nagbabanal-banalan. Babalikan ko kayong lahat! Papatayin ko kayong lahat hanggang sa sama-sama na tayong masunog sa impiyerno!"

***

"Panginoon! Panginoon!"

Nasundan agad ng biglang pagmulat ng mga mata ko ang walang habas na pagkatok ng hindi lamang yata apat na kamao, sa labas ng pinto ng aking silid. Sa lakas ng bawat kalabog, wari ko ba'y magigiba na ito, gayung yari naman ang kaha nito sa Tungsten at ang kahoy nito'y isang napakakapal na inukitang Buloke na inangkat ko pa mula sa kontinente ng Awstralya.

May halo mang pagkayamot ay bumangon ako mula sa aking katre upang pagbuksan ang mga walang modong nagsisikatok. Sa biglang pagbukas ko ng pinto ay siya namang pagsubsob ng apat na tauhan ko sa mismong paanan ko. Sinadya ko namang simangutan ang mga ito nang tingalain nila ang aking mukha, upang maipahiwatig ko ang aking pagkadisgusto sa pang-aabala nila sa oras ng aking pamamahinga.

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon