KABANATA 137

740 90 17
                                    

Senda's P.O.V.

Napakaagap ng anak ko, dahil sa mismong araw rin daw ng paglabas ko sa Edenus ay ipinagbawal na rin nito ang pagpapasok sa akin sa mga karaniwang lagusan.  Hindi rin makapasok doon si kuya Popoy dahil mukhang kasama rin ito sa mga listahan ng mga nilalang na hindi pinahihintulutang makapasok sa loob.

"Alfonso, m-mahal na Reyna. A-anong ginagawa nito rito?" Tinig iyon ni Patruska. Kalalabas lamang nito sa pinakahuling lagusan na tinangka naming pasukan ni kuya Popoy. May bitbit itong itong lukbutan ng damit kaya pihadong pauwi ito ngayon sa Mashuria.

"Kailangan naming makapasok sa loob," sabi ko rito, "maaari mo ba kaming matulungan?"

"N-naku...h-hindi ko alam. M-may malaking pagdiriwang kasing magaganap mamaya sa palasyo kaya ipasasara na ang lahat ng mga lagusan anumang oras ngayon. Kaya nga heto't ngayon na ako lumabas bago ako abutin ng pagsasara. May kumpurmiso kasi ako sa mga kaibigan ko sa atin sa Mashuria."

"Anong pagdiriwang ba ang magaganap diyan?" tanong dito ni kuya Popoy, "At bakit uuwi ka kaysa ang makisaya?"

Sumimangot ito, "sa totoo niyan, ako na ang kahulihulihang lumabas sa mga kalahi natin.  Nauna nang umalis ang iba dahil hindi nila nais makisaya sa loob. Nayayamot kasi sila sa pagdayo ng mga taga Greteria rito na kay tataas nang ilong.  Hindi namamansin na akala mo'y kung mga sino. Para kasi sa amin, ikaw ang Reyna namin dito," sumulyap ito sa akin, "at hindi si Asherah. Ikakasal na sila ng Panginoong Lucio sa makalawa, at wala kaming balak dumalo. Mukhang wala naman siyang pakialam dahil hindi na nga niya alintana na wala nang natitirang mga lambana sa loob ng kanyang kaharian. Lahat kami ay nag-alsa balutan na dahil sa mga Greterian."

Nagkatinginan kami ni kuya Alfonso. Mukhang wala na talagang makapipigil sa kasalang magaganap, pero hindi naman iyon ang mas inaalala ko ngayon, kundi si Katrina.

"Reyna Senda?" Napatingin kaming tatlo sa bagong nilalang na lumabas sa lagusan. Si David ito. "Reyna Senda, ikaw nga!" Lumapit ito sa akin. "Ano pong ginagawa ninyo rito sa labas? Halina kayo sa loob!" 

Akmang papasok na kami nang biglang bumulaga sa lagusan si Katrina. Biglang sumimangot ito sa pagkakitang-pagkakita  pa lamang nito sa amin. "Anong karapatan mong papasukin ang kung sino-sino rito?" Masungit na wika nito kay David. "At ikaw?" pagbaling nito kay Patruska, "saan ka pupunta? Bakit nagsisialisan kayo? Dahil ba sa babaeng 'to?" itinuro ako nito, "hinihikayat ba niya kayo na talikuran ang aking ama?! At ikaw naman!" Dinuro ako nito, "hindi pa hilom ang mga putok mo sa mukha ang lakas ng loob mong makabalik-balik dito! Ganyan ba talaga kakapal ang mukha m—"

Nagulat ako nang sinampal ito ni kuya Popoy. "Wala kang karapatang pagsalitaan ng ganyan ang iyong ina dahil hindi mo alam ang lahat ng pagsasakripisyong ginawa niya para sa 'yo!"

"Para sa 'kin?" Sagot nito kay Alfonso, "at kailan pa siya may isinakripisyo para sa akin? Hindi nga man lamang niyan ako nadalaw ni miminsan. Sakripisyo...sakripisyo! Kami lamang ni Ama ang nagsasakripisyo sa lahat ng kamalasang dala ng babaeng 'yan!"

"Hindi totoo 'yan mahal na Prinsesa." Pagsabat ni Patruska. "Parati kang dinadalaw ng iyong ina simula pa sa iyong pagkabata. Itinataon lamang talaga niya na natutulog ka—"

"Wala akong pakialam!" Bulyaw nito kay Patrusta, "at wala akong pakialam sa 'yo!" Muli ako nitong dinuro kaya tinampal ni kuya Popoy ang kamay nito.

"Talaga palang napakabastos mo." Kalmadong wika rito ni kuya Popoy. Ako nama'y nagpipigil ng aking emosyon. "Narito ang iyong ina upang iligtas ka sa tiyak na kapahamakan ngunit ito lamang pala ang mapapala niya? Wala kang modo. Manang-mana ka sa—ito ba ang pagpapasahan niyo ng korona?" pagbaling ni kuya Popoy sa akin, "mas mainam pa nga yatang makuha na lamang ni Marietta ang lahat dahil sa sang-sang ng pag-uugali nitong anak mo. Halika na nga!" Hinatak na ako nito, "hayaan mong mamatay kung nais niyang magpakamatay sa kamay ni Asherah!"

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon