KABANATA 123

690 79 11
                                    

[Editor's Note: This chapter is synchronized with the birth of Jasper in the novel Ang Pag-ibig ng Aswang.]

Senda's P.O.V.

"Ay, gising na si Prinsesa Rosalia! Reyna Hasmina!" Dinig kong wika ng mga kababaihang hindi ko pa masyadong maaninag sa aking paligid.

"Talaga?" Malabo man ang aking paningin ay naaninag ko pa rin ang siloweto ni Tiya Hasmina. Umupo ito sa kanang tabi ng malambot kong kinahihigaan.

Nakamulat man mga mata ko'y hindi ko naman maigalaw ang buo kong katawan. "Tiya?" Tumambad sa akin ang maganda ngunit malungkot niyang mukha. "Paano ako napunta rito?"

"Dinala ka rito ng isang estrangherong hindi nagpakilala bukod sa alipin daw siya ng iyong PANGINOON."

"H-ha?" Pinilit kong bumangon ngunit balot ng benda ang buo kong katawan.

"Sunog na sunog ang buong katawan at kalahati ng iyong mukha, Rosalia." Naluluhang wika ni Tiya Hasmina. "Napakalupit naman mga taong gumawa sa iyo niyan? Sa galit ko'y pinuntahan ko sila para sana turuan ng leksyon, ngunit wala na kaming nadatnan kundi luray-luray na mga bangkay at tupok na mga bahay!"

"A-ano?"

"Ang nabalitaan namin sa mga taga-Edenus ay animo'y nababaliw na nilipol raw ni Lucio ang buong baryo bago pa man kami nakarating." Pagsabat ng isa sa mga babaeng nakapalibot.

"DIYOS ko...s-si Luis. Kailangan kong puntahan si Luis!" Akmang babangon ako pero hindi ko kaya.

"Kailangan mo munang magpagaling, pamangkin ko." Ani Tiya Hasmina, "at sa palagay ko'y matatagalan dahil ayon sa manggagamot na unang tumingin sa iyo rito ay hindi raw ordinaryong apoy ang sumunog sa balat mo, kundi ang apoy ng Santelmo. Kaya nga medyo nagtataka ako dahil wala namang may kapangyarihang magpagalaw sa Santelmo bukod sa mga may lahing Engkanto, pero paanong nagamit ng mga tao ang—"

"Ang mga tao ang tumupok sa bahay ko ngunit ang aking ama ang nagpadala ng mga Santelmo upang sunugin ako tulad ni Ina."

Biglang nagsalubong ang kilay ni Tiya Hasmina, "ang walanghiyang iyon! At talagang hindi pa nakuntento sa pagsunog niya sa kapatid ko! Talagang sinasagad na niya ang pasensya ko!" Tumayo ito; nanginginig sa galit, "Dumenika!" Pagsigaw nito sa punong kawal na nasa labas ng silid, "ihanda mo na ang ating hukbo, anumang oras ay susugurin na natin ang Mashuria nang walang anunsyo!"

"Tiya!" Pagpigil ko rito, "maghunos-dili ka. Huwag...huwag muna ngayon."

"Pero bakit?"

"Ang gusto ko'y kasama ako sa pagsugod doon. Para naman maipakita ko sa aking ama ang kanyang kabiguang mapatay ako sa pangalawang pagkakataon. Ibigay niyo po sana ang Mashuria para sa akin, at para na rin kay Ina. Kailangan ko pong mabawi ng buong kaharian para sa kanya, at para na rin sa aking anak."

"Anong plano mong gawin?"

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Nais ko po munang mapaghilom ang aking mga sariwang sugat, at pagkatapos ay ang maglingkod at magpasalamat muna sa DIYOS na nagligtas sa akin. Mas mabuti nang wala munang makaalam na buhay pa ako bukod sa inyo, dahil kailangan ko ng sapat na panahon upang magpalakas nang walang nalilikhang ingay at atensiyon. Mas nais kong gulatin silang lahat sa pagsapit ng panahon ko. Ipinapangako ko, sa ngalan ng alaala at karangalan ng aking inang Reynang si Czarina, tatamuhin ko para sa kanya ang dapat ay sa kanya. Babawiin ko ang Mashuria. Kukuhanin ko ito para ala-ala ng aking ina, mga kapatid, at mga kaibigang nagbuwis ng buhay para sa akin." Bigla kong naalala ang kawawang si Marikit, na naging tapat sa akin hanggang sa huli. "Hindi ako titigil hangga't hindi ko nakakamit ang katarungan para sa kanila!"

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon