KABANATA 84

797 68 6
                                    

Senda's P.O.V.

Maaga kaming nakarating ng Maynila at tulad ng gustong mangyari ni Luis, kumain muna kami sa isang mamahaling restaurant, bago kami namili sa grocery para sa mga De Asis. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin mapigilan ang hindi obserbahan si Luis. Ganito pala talaga ang pagkatao niya. Sa kabila ng masamang imahe niya bilang si Lucio ay natural pala siyang maaalalahanin at sadhyang mapagbigay.

"Boss, 'di na kakasya sa sasakyan natin kapag magdadagdag ka pa ng ikatlong malaking cart." Natatawang wika ni David sa amo niya. 

Naaaliw kami kung paano mamili si Luis, dampot lang ito ng dampot, at tambak din lang ng tambak sa cart na itinutulak ni David at Marikit. Ni hindi nito tinitingnan man lang ang presyo.

"Sige," anito bagaman linga pa rin ito ng linga na tila naghahanap pa ng maidadagdag. "tama na siguro 'to!"

***

Mag-iisang oras na kaming nasa labas ng gate ng mga De Asis, at ilang beses na rin kaming nag-doorbell, pero walang sumasagot.

"Mukhang walang tao, Boss." Ani David.

Kakamot-kamot sa kanang sintido nito si Luis na tila naiinis na, at nahintay pa muna ng ilang minuto bago nito sinabing, "Sige, mag-check in na lang muna tayo sa hotel para makapagpahinga muna ang mga kasama natin." Sumulyap ito sa amin ni Marikit. 

"Saan po tayo, Boss?"

"Malate tayo sa  M. Adriatico."

"Sa Sheraton po ulit tayo, Boss?"

"Oo."

****

"Mas maganda siguro, puntahan na lang natin ang kuya mo." Ibinaba na nito ang telepono sa side table.  Ilang beses na rin nitong tinawagan ang numero ni Alfredo, pero mukhang wala pa ring sumasagot. "Hindi na naman ako kilala no'n, patutuluyin naman siguro tayo kung ipakikilala mo ako na asawa mo."

Napatawa ako, "'Paano kung tanungin niya kung saan ako nagpakasal?  Nagtatrabaho pa naman sa PSA 'yun. Kasal tayo sa Edenus, pero hindi dito sa lupa."

Ngumisi ito sa akin, "O 'di papakasalan din kita rito ngayon mismo."

"Sira, hindi gano'n kadali ang pagpapakasal dito sa lupa. Alam mo naman siguro 'yun, 'di ba? Pero kung gusto mo talagang pakasalan din ako dito, ang gusto ko sa simbahan."

Sumimangot ito, "puwede naman tayong magpakasal dito nang sa huwes lang ah."

"Eh sa gusto ko sa simbahan eh, para maipakilala kita kay LORD. At makapagpasalamat na rin sa KANYA na ibinigay ka NIYA sa akin."

Tila nasamid ito sa sarili nitong laway, "ako? Ibinigay NIYA sa 'yo? Hindi totoo 'yan Senda.  Ako ang nagbigay sa 'yo sa sarili ko at sinisiguro ko sa 'yo na wala SIYANG kinalaman sa relasyon nating dalawa."

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Anong walang kinalaman? Palagi akong nagdadasal sa KANYA dati 'no, at ibinibigay naman NIYA madalas ang aking mga kahilingan. Kaya nga nang mapanaginipan ko ang patron ng aming baryo na si San Gabriel noong mga panahong dinukot ka ng aking ama, nasiguro ko na ikaw nga ang ibinigay ng DIYOS para sa akin."

Tila nilamukos na papel ang mukha nito, "A-ano kamo, San Gabriel? Anong sinabi niya sa 'yo, ha?"

"O, bakit naman nakasimangot ka d'yan. Wag ka namang magalit agad. Wala naman siyang sinabing masama. Ang sabi lang n'ya sa akin, na huwag akong mag-aalala dahil makakaligtas ka sa kamay ng aking ama, at ikaw ang ibinigay sa akin ng PANGINOON, upang maging katuwang." Unti-unti nang humuhupa ang pagsimangot niya, "pero siyempre noong mga panahon na 'yun eh nakatakda akong magpakasal kay Lucio, e hindi ko naman alam na ikaw rin si Lucio kaya para nagduda rin ako sa sinabi ni San Gabriel. Kasi pa'no naman kita magiging katuwang kung ikakalasal na ako sa ibang lalake."

Matagal nito akong tinitigan na tila nagmumuni-muni. Bakas sa mukha nito ang pinaghalong pagdududa at pag-aalala. "Imposible." Umiiling-iling na wika nito sa kanyang sarili.

"Parang napaka-imposible talaga noong mga panahon na 'yun, pero heto tayo't naging magkatuwang nga, katulad ng sinabi niya. Ang PANGINOONG DIYOS lamang ang may kakayahang gumawa ng mga ganitong bagay, Luis, kaya dapat lang na lumapit tayo at magpasalamat sa KAN—"

"Hinding-hindi ako lalapit sa diyan sa DIYOS mo!" Nagulat ako dahil tila nanlilisik ang mga mata nito; nanginginig sa galit. "Paniwalaan mo kung ano ang gusto mong paniwalaan. Sumamba ka d'yan kung 'yan ang gusto mo. Pero ilabas mo ako r'yan. Ayokong mag-away tayo, Senda. Kaya pakiusap, ito na sana ang una at huli nating pag-uusapan ang tungkol d'yan sa dini-DIYOS mo. Handa kitang pakasalan sa lahat ng Huwes sa mundo, sa mga templo ni Zeus, sa mga mosque ni Allah, o kahit sa templo ng Thirumanancheri ni Shiva huwag lamang sa mga sinagoga at simbahan ng DIYOS mo. Hinding-hindi ako lalapit d'yan sa DIYOS mo, kahit na sa hanggang magunaw na ang mundong ito!"

Iyak ako nga iyak matapos lumabas ng Suite si Luis upang magpalamig ng ulo.  Hindi ko maintindihan kung bakit bigla na lamang itong nagalit nang gano'n katindi at natakot talaga ako sa kanya sa kauna-unahang pagkakataon.  Ano kaya ang nagyari sa kanya, at bakit ganoon na lamang ang poot niya sa PANGINOONG DIYOS?

"PANGINOON ko," habang nakaluhod ako sa tabing-kami, "tulungan NIYO po sana ako. Ayoko pong mag-away kami ng asawa lalo na po kung KAYO ang dahilan.  Hindi ko pa alam ang gagawin ko.  Tulungan NIYO po sana akong maintindihan ang nagyayari sa kanya.  Sa ngalan ni HESUS na aking tagapagligtas, Amen."

****

Pumasok muna ako sa banyo, at sa pagbalik ko, naro'n na si Luis.  Tahimik itong nakatanaw sa bintana na tila may malalim na iniisip.  Nang-aalinlangan man ay marahan kong tinungo ang likuran niya at niyakap ito. Sandaling nakaramdam akong takot na baka galit pa rin ito sa akin, pero nawala rin naman agad ang pag-aalala ko nang malambing na hinawakan niya ang aking mga kamay na nakalingkis sa kanyang may bandang tiyan.

"Handa ka na bang puntahan ang kuya mo?"  Malumanay na ang tinig nito.

Tumango ako. "Galit ka pa ba sa 'kin?"

Naramdaman ko ang paghugot nito ng hininga, "hindi para sa 'yo ang galit ko at hindi ko nakikita ang sarili kong nagagalit sa 'yo kahit kailanman, Senda. Pagpapasensyan mo na lamang muna sana ako dahil hindi pa ako handang pag-usapan ang tungkol sa PANG—"Sandali itong napahinto, "kung gusto mo," humarap na ito sa akin at itinaas ang baba ko upang mailapit niya ang aking mukha sa kanyang mukha, "kumuha na tayo ng Kasamiyento pakatapos nitong nilalakad natin.  Sa ngayon, asikasuhin muna natin itong pakay natin alang-alang sa pamangkin mo. Ayos lang ba 'yon sa 'yo?"

Tumango ako, "oo naman.  Ang totoo, wala rin namang kaso sa 'kin kahit hindi na lang muna dahil hindi naman tayo dito nakatira. Ang inaalala ko lang ay baka kailanganin ng regulasyon dito sa lupa ang sertipiko ng ating kasal kung aampunin natin si Helga bilang mag-asawa, pero naisip ko na, pwede ko rin naman siyang ampunin bilang solong magulang kung mapapatunayan ko na kaya ko siyang buhayin nang mag-isa. Pinapahintulutan naman ng batas iyon dito sa Pilipinas."

"Mas mainam siguro na puntahan muna natin ang aking mga abugado upang makahingi tayo ng payo kung alin ang mas maganda nating gawin. Ang pinakamahalaga sa lahat, makuha natin si Helga,  bago tayo masalisihan ni Marietta."

[ITUTULOY]


FOOTNOTE:

(1) Kasamiyento - Marriage Certificate

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon