KABANATA 43

1.9K 172 7
                                    

Senda's P.O.V.

Hindi pa man ganap na sumisikat ang araw ay naririnig ko na ang pagtawag ni Mylene sa labas ng tarangkahan ko. Bagaman ako'y gising na ay hindi naman ako nakatugon kaagad dito dahil nagsasalang pa ako ng kape at tubig sa takure, at abala sa paghihip sa sinindihang bunot ng niyog upang pakagatin ang siga at apoy nito sa mga tuyong uyo at kahoy na panggatong.

"Hoy Senda!" Pumasok ito matapos ko itong pagbuksan ng pinto, "Bakit mo naman kami iniwanan sa sayawan kagabi? Hinahanap ka rin ng mga kabarkada ko dahil akala rin nila hahanap ka lang ng mauupuan." Kusa na itong umupo sa isa sa magkaharap na bangko sa aking munting parisukat na hapag-kainan.

"Pasensya ka na," umupo na rin ako sa tapat nito, "hindi ko na kasi matagalan ang ingay. Masyadong malakas ang mga tugtugin para sa akin. Hindi na ako nagpaalam sa 'yo dahil ayoko namang maabala ko ang pagsasayaw mo kasama ng mga kaibigan mo dahil mukhang minsanan lamang naman nangyayari 'yun sa baryong ito."

"Naku naman, Senda. Hindi naman abala 'yung sabihan mo man lang ako na aalis ka na. Pinag-alala mo ako masyado dahil ako ang nagsama sa 'yo ro'n. Alam mo bang nang dahil sa hindi ko alam na umuwi ka na pala kagabi, hindi ko malaman kung uuwi na ba ako o kung hahanapin muna kita habang nagkakagulo sa sayawan kagabi?"

Napakunot-noo ako sa narinig ko, "nagkagulo? Bakit? Anong nangyari?"

"Hay naku, 'yun na nga, habang nag-aalala at natataranta ako kung saan kita hahanapin, bigla na lang may dumating na tatlong kabababaihan na nagmula pa sa kabilang baranggay. Nagsisisigaw sila at halos mapasubsob na sa pagmamadaling makapasok sa kubol para ianunsiyo lamang sa lahat ng naroro'n na may nakasalubong daw silang isang Manananggal! Isa raw itong napakagadang babae na may mahabang buhok at dinig na dinig daw nila na pinagbabantaan nito ang isang lalaki na wawakwakin daw nito ang tiyan para kunin ang atay nito at pagkatapos ay hihilahin ang bituka, mula roon hanggang sa bahay raw noong manananggal. Aba'y siyempre, natakot ang mga tao, kasama na ako at ng mga kabarkada ko."

Saglit akong natigilan dahil nasisiguro kong iyon na nga ang mga babaeng naka-engkuwentro namin ni Luis kagabi. "At naniwala naman agad kayo?"

Panay ang pagbubuntong-hininga nito, "alam mo naman ang mga tao rito, 'di ba? Sa mga pinagpapasa-pasahang tsismis nga naniniwala na ang mga tao, doon pa kaya sa mga babaeng sila mismo ang nakasaksi. Kaya pasensya ka na, Senda, huwag ka sanang magagalit sa akin ha?"

"Bakit naman ako magagalit sa 'yo?" tumayo ako upang maghanda ng dalawang tasa para sa aming dalawa. Narinig ko na kasi ang pagkulo ng kape sa takure.

"Pasensya ka na dahil napag-isipan kita ng hindi maganda kagabi. Kasabay kasi 'yun ng biglang pagkawala mo sa sayawan. Kaya nung bigla akong sinisi ni Melba...'yung isa sa mga kabarkada ko na hindi ka masyadong pinapansin kagabi? Parang medyo kinabahan ako at natakot na baka totoo nga 'yung haka-haka niya."

"Bakit? Ano ba ang sinabi niya sa 'yo?" kinuha ko na ang takure at halinhinan kong sinalinan ang dalawang tasa bago ako muling umupo sa bango.

"Na baka raw ikaw ang nakita noong mga babae. At baka totoo ngang isa kang Manananggal kung hindi isang uri ng Aswang."

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Natawa ako dahil bagaman alam ko na ako nga ang nakita ng tatlong kababaihang iyon kagabi, ay hindi ako makapaniwala na nang dahilan lamang sa mga salita, na hindi naman nila alam ang puno't dulo kung bakit ako gano'n magsalita kay Luis, ay naging basehan na agad ito na isa nga akong Manananggal.

"O, eh ano ngayon ang ginagawa mo rito?" sabi ko rito habang hinihipan ko ang aking kape, "hindi ka ba natatakot na dukutin ko 'yang mata mo at hilahin 'yang bituka mo mula rito hanggang sa bahay niyo?"

Tumawa na rin ito, "sorry na nga kasi, Senda. Saglit na saglit lang naman ako nakapag-isip ng gano'n kagabi, pero bago kami naghiwa-hiwalay eh sinabi ko naman sa kanila na kung isa ka ngang Manananggal o Aswang, eh bakit kako tadtad ng kuwintas na bawang, asin at abo ang palibot at bawat poste bahay mo."

Napangiti ako rito, "anong sagot nila sa 'yo?'

Nagkibit-balikat ito, "wala naman silang sinabi noong nasa loob pa kami ng kubol...noong bago namin nadiskubre 'yung bangkay ni Mang Temyong sa dinaraanan namin kagabi."

Biglang nagbago ang timpla ko sa labis na pagkagulat, "ha? Sino si Mang Temyong?"

"'Yung isa sa mga albularyo dito sa atin. Nakita naming lima na nakahandusay ito sa daan. Akala nga namin lasing lang dahil maglalasing naman talaga 'yun at normal na sa kanya 'yung nakakatulog kung saan-saan nang dahil sa labis na kalasingan. Pero natakot kami noong nilapitan namin na wakwak ang tiyan nito, nakalitaw ang bituka at iba pang lamang-loob. Eh ganun kasi 'yung narinig ng tatlong babae kagabi sa Manananggal na nakita nila kagabi. At mukhang si Mang Temyong nga ang lalaking pinagbantaan nito na papatayin sa gano'ng paraan.

Hindi. Hindi maari, dahil hindi naman si Mang Temyong ang kausap ko kagabi. Nababagabag man ako sa ibinalitang ito ni Mylene ay hindi ko ito ipinahalata sa kanya. "Anong ginawa niyo?"

"Hay naku, kung alam mo lang, hindi rin namin alam ang gagawin namin kagabi. Hindi namin alam kung magkakanya-kanya na kaming umuwi at magpanggap laman na wala kaming nakita, o kung pupuntahan namin ang pamilya niya."

"Eh ano ngang ginawa niyo?"

Muli itong nagbuntong-hininga, "sama-sama na lamang kaming nagtungo kay Kapitang Efren kahit na medyo malayo ang nilakad namin at nakakatakot talaga dahil kabilugan ng buwan kagabi 'di ba? Kaya hayun, matapos naming maituro sa kanya at sa mga tanod ang kinaroroonan ni Mang Temyong, inihatid na nila kami isa-isa at sinabing sila na lamang ang bahala sa lahat, pati na rin ang pagpunta sa mga kaanak nito upang ihatid ang masamang balita. Pero alam mo ba? Kahit na ligtas naman akong nakauwi kagabi, hindi ako mapakali. Hindi ako makatulog. Hinintay ko talaga na mag-umaga na para puntahan ka rito. Mukhang may Aswang nga rito sa barangay natin, Senda, at natatakot ako na umpisa lamang ito ng pambibiktima nito sa mga taga-rito."

Mukha ngang may tunay na Aswang sa San Gabriel, pero dahil ayoko namang maging ugat ng takot niya ay sinabihan ko na lamang ito ng, "magsilbing aral na lang sa 'yo 'yan, Mylene. Pumirmi ka na lang sa bahay lalo't kapag madilim na. Bawasan mo na rin ang pagpunta-punta rito sa akin, lalo na kung nag-iisa ka, dahil kahit ligtas dito sa loob ng bahay ko, hindi naman ito kaparehas sa gubatang daanan papunta rito mula sa inyo."

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon