KABANATA 67

1K 82 18
                                    

Senda's P.O.V.

"Ano ba 'yan, Senda..." bulong ko sa sarili ko, "pa'no mo ngayon paalisin 'yan?"

Sinisilip ko si Luis sa bakuran habang nagluluto ako ng hahapunanin namin sa kusina. Inutusan ko kasi itong magsibak ng kahoy, magtabas ng mga damo sa palibot, magbilad ng mga mga kape at buto ng kakaw na siya rin mismo ang pinagpitas at pinaghimay ko. Siya na rin ang pinag-igib ng tubig sa poso na kailangan pa niyang lakarin sa kabilang kalye, lahat na ng maisipan kong mabibigat at nakakapagod na trabaho, iniutos ko na sa kanya, paranang sa gayu'y siya na ang kusang sa magreklamo at umuwi dahil sa sobrang pagod. Ang kaso mo'y napakatibay ng resistensiya nito, napakalakas ng pangangatawan at ang bilis magtrabaho. Ni hindi ito nagrereklamo, sa halip, ay siya pa mismo ang nagtatanong ng mga susunod na gusto kong ipagawa sa kanya.

"Pambihira..." bulto-bultong binuhat nito ang mga sinibak niyang kahoy, at maayos na ipinatas nito ang mga iyon sa kubol. "Wala yatang kapaguran ang taong 'to. Teka nga–" binawasan ko ang panggatong sa niluluto kong sinaing na tulingan sa palayok, hanggang sa tanging maliliit na siga na lamang ang natitira. Nang masiguro kong sapat na ang natitirang siga para manatiling mainit ang uulamin namin nang hindi nasusunog, saka lamang ako lumabas para kumustahin ito. "Malapit nang dumilim, hindi ka pa ba pagod?" Hindi ko maiwasan mapatingin sa nangingintab sa pawis niyang katawan. Hinubad kasi nito ang suot na kamiseta at polo bago ito nag-umpisang magtrabaho.

"Mas gutom ako kaysa pagod." Nakabungisngis na wika nito, "ang bango ng niluluto mo ah, ano ba 'yun?"

"Sinaing na tulingan kaulam ng mainit na sinaing at kamatis."

"Naku, paborito ka 'yan! Anong oras ba tayo maghahapunan?"

"Ha? Ano kamo? Hapunan? Bakit? Kasama ba sa usapan natin ang hapunan?" biro ko.

Humalakhak ito, "Gano'n ba? Tsk. Sayang naman, akala ko makakalibre na ako. Eh ang makiligo, puwede bang makiligo sa batalan?"

"Makiligo? Aanhin kong pinuno mo nga ang mga drum ko tapos ikaw rin naman pala ang uubos?"

"Eh 'di iigiban ko na lang ulit."

"O tapos pagpapawisan ka rin ulit dahil sa pag-igib, tapos makikiligo ka ulit?" Humalakhak na ako para malaman nito na nagbibiro lang ako.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Ikaw talaga." Anito, "akala ko pauuwiin mo akong gutom at naglilimahid. Buti kahit uuwi akong gutom, presko naman."

"Sira. Hindi ka na mabiro. Siyempre pakakainin din kita para ikaw na rin ang maghuhugas lahat ng pinagkainan."

"Ah teka muna. Lilinawin ko na ang kasunduan natin kung ganyan na ang usapan. Kapag pinaghugas mo pa ako ng pinggan, kailangan dito mo na rin ako patutulugin."

"At saan ka naman tutulog dito eh pang-isahan lang ang papag ko."

"May banig ka naman siguro, 'di ba? Eh 'di sa sahig."

"Sa sahig ba kamo? Magtitiis ka sa sahig ko eh kalambot-lambot at kalaki-laki ng kama mo doon sa bahay mo? Umuwi ka na lang, hindi ka naman takot maglakad sa dilim 'di ba?"

Kumamot ito, "eh ang totoo niyan kunwari lang akong hindi takot sa dilim, pero takot talaga ako sa dilim."

"'Yan naman ang kagaguhan, Luis. Taga Edenus ka, tirahan ng mga Aswang, Engkanto, Maligno pati na ng mga Demonyo at sari-saring halimaw, tapos takot ka sa dilim?"

"Takot ako sa multo. Walang multo sa Edenus." Nakabungisngis ito kaya alam kong hindi ito seryoso.

Tinampal ko ito sa braso, "Sinong niloko mo. Baliw ka talaga. Maligo ka na nga para makakain na tayo! Kunin mo na lang 'yung natuyong tuwalya ko sa sampayan."

My Guardian DevilWhere stories live. Discover now