KABANATA 37

1.8K 179 4
                                    

Senda's P.O.V.

"Kamusta na po si Marivic, Kapitan."  Tanong ni Mang Felix kay Kapitang Efren habang nagmamaneho.

"Hayun, tulala pa rin."  Doon ito nakaupo sa tapat namin ni Mylene.  Panay na panay ang pagbubuntong hininga nito habang nagsasalita. Nababakas sa mukha nito ang labis na pag-aalala. "Hindi na nga namin malaman ng manugang kong si Edong kung ano ang gagawin namin sa batang 'yun.  Hindi ko naman masisi dahil wala naman akong magawa para mahanap namin ang apo ko."

"Hanggang ngayon po pala, inaayos pa rin ang mga kabahayan sa San Joaquin, ano po?" tanong naman dito ni Aling Lavinia.

"Paano'y hindi rin malaman ng mga taga roon kung saan kukuha ng ipagpapatayo ng mga bahay nila. Halos lahat din kasi ng kabuhayan nila ay apektado. "Sirang-sira ang mga pananim, walang natira sa mga sintunisan, nakalbo pati ang mga niyugan at iba pang mga taniman.  Mabuti na nga lamang kamo at may mga dayuhang dumating simula pa kahapon upang manulungan nang libre. May mga dala-dala pa nga ang mga itong kari-karitong mga kahoy, kawayan, sawali, anahaw at mga gamit sa pag-aalwagi."

"Aba, ay taga saan naman po kaya ang mga dayuhang iyon?" tanong ni Mang Felix.

"Ang sabi sa akin ni Kapitanang Doray, ang grupo raw ring iyon ang mga nanulungan sa San Agustin noong isang linggo. Mga kaibigan daw ito ng asawa ni Belinda, 'yung anak-anakan niya, 'yung magandang babae na nakatira doon sa tapat ng mga anak ko--"

Patuloy lang sa pagsasalita si Kapitang Efren nang kinalabit ako ni Mylene, "siguro 'yun 'yung magandang babaeng kasama ni Mr. Makisig kanina. Mukhang mag-asawa nga sila"  Bulong sa akin nito.

Kunwari'y hindi ko narinig ang sinabi nito kaya't nagpatuloy lamang muli ito sa pakikinig sa usapan.

"May anak pala si Kapitang Doray?" wika ni Aling Lavinia, "hindi ba't wala naman asawa 'yun?"

"Hindi naman niya anak," sagot naman ni Kapitang Efren, "kundi anak-anakan lang. Ampon, gano'n."

"Ahhh, ampon pala." natatawang wika ni Aling Lavinia, "hindi nga, dahil ang pagkakaalam ko'y tomboy iyong si Kapitana at wala naman itong asawa."

"Ang usapan ng mga taga-roon, napulot lamang ito ni Kapitana sa gubat noong mga apat na taong gulang lamang ito.  Ang plano niya ay kukupkupin lamang muna nito ito pansamantala hanggang sa may maghanap at umangkin sa bata, pero lumipas na ang ilang taon, wala namang umangkin sa bata kung kaya inampon na lamang daw niya ito."

"Kita mo nga naman," pagsabat ni Mang Felix, "nang dahil sa pag-ampon niya sa batang iyon, Naambunan siya ngayon ng mga biyaya.  Hindi kaya diwata ang batang iyon?"

Natawa si Kapitang Efren, "mukha ngang diwata ang batang iyon, nakita mo naman siguro ang hitsura." Bigla itong napasulyap sa akin at tila nagulat muna ito sa akin bago ako nito nginitian. "Aba, may mga suno ka palang magagandang dalaga rito." Nakapako lamang naman ang tingin nito sa akin. "Oh, Mylene ikaw pala 'yan." Si Mylene ang nakilala at binati niya pero sa akin pa rin ito nakatitig. "Eh, ikaw ineng, taga saan ka ba, parang ngayon lang kita nakita rito."

"Taga San Gabriel din po ako."  Sabi ko.

"Aba! Eh ako ang Kapitan ng nayon na iyon pero ngayon lang yata kita nakita, kanino ka bang anak, saan ka nakatira?"

"Ah, eh, taga-rito po ang namayapa kong ina. Sa kanya ko po minana ang lupang kinatitirikan ng munting kubo ko, pero kailan lamang po ako lumipat dito, wala pa pong tatlong taon."

"Ha? Anong pangalan ng Nanay mo?"

"Rowena po."

Tila nagulat ito. "Rowena Mendoza?"

"Rowena Ramirez po, pero Mendoza nga po ang apelyido niya nung dalaga pa po siya."

"Oo nga, 'yung nakapangsawa ng taga Lucena?"

"Taga Lucena nga po ang itay at doon din po ako lumaki, pero nagmula po ako sa Maynila bago ako lumipat dito dahil doon pa ako tumira sa kapatid ko."

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Tila nalito ito sa sinabi ko dahil kumunot ang noo nito, "sana ay hindi mo mamasamain ang itatanong ko pero hindi ko natatandaan na may anak na babae si Rowena.  Ang alam ko lang na anak ay isang batang lalaki bago siya nag--" bakas sa mukha nito ang pag-aalinlangan, "--laho."

Naramdaman ko ang pagtitig sa akin ni Mylene sa aking kaliwa.  Hindi ko alam kung paano ko sasagutin ang tinuran ni Kapitan kahit na alam ko kung ano ang sagot dito. Iyon kasi ang mga panahon na sumama si Inay sa tunay kong amang lambana sa mundo ng mga engkanto, at sa San Gabriel mismo nawala noon ang Inay dahil naroon ang isa sa mga lagusan sa mundo ng mga engkanto. Doon din noon sila tumutuloy noon ni Itay sa mismong tinitirahan ko upang magbakasyon, nang maganap ang biglaang pagkawala ni Inay.

"Ah, h-hindi naman po naglaho ang Inay. Nakabukod lamang po siyang umuwi sa Lucena dahil nagkaroon po sila ng mainit na pagtatalo ni itay." Pagsisinungaling ko (Patawarin nawa ako ng Poong Maykapal).

Lalong nangunot ang noo ng matandang Kapitan, "hindi ganoon ang naalala ko, hija. Tandang-tanda ko pa na halos mabaliw noon ang iyong ama dahil hindi niya alam kung saan nagpunta ang iyong ina. Napakarami namin noon na sinuyod ang buong kagubatan, pero ni anino ni Rowena ay hindi namin nakita. Lumuwas ang ama mo noon pabalik sa Lucena, kasama si Arnulfo upang magbaka-sakaling naroon ang iyong ina, ngunit wala naman daw siya roon. Nalaman namin iyon dahil bumalik din naman ang iyong Ama rito upang balitaan kami."

Mas lalong tumindi ang kabang nararamdaman ko dahil nauubusan na ako ng dahilan kung kaya pasikreto na lamang akong nanalangin sa aking isipan.

"Sinasabi mo ba hija na nagbalik rin nang maglaon ang iyong ina sa Lucena?"

Napakalakas ko talaga sa Panginoon kahit nagsinungaling ako dahil mukhang palulusutin niya ako sa pagkakataong ito. Marahil ay alam niyang mas makakabuti kung hindi na lamang malaman ng mga taong ito ang katotoohanan sa aking pagkatao. "O-opo, ganun na nga po. U-umalis lang po muna si inay ng ilang buwan upang magpalamig ng ulo, ngunit umuwi rin naman po siya sa bahay po namin sa Lucena bago niya ako ipinanganak."

"Ahhh." Tumatangong reaksiyon ni Kapitan, "kaya naman pala hindi na bumalik dito ang 'yong itay.  Umuwi na naman pala ang iyong Ina.  Pero, nasaan na ba ang mga magulang mo?"

"Pareho na po silang wala."

****

"Grabe, Senda. Ang lungkot naman pala ng buhay mo." Ani Mylene sa akin habang magkasama kaming namimili sa palengke. "Kaya pala nag-iisa ka na lang sa mundo."

"Hindi naman ako nag-iisa sa mundo.  Buhay pa naman ang Kuya ko at mga ka--"gamuntik ko nang sabihing 'mga kapatid sa ama,' "--mag-anak sa Lucena. Mas pinili ko lang talaga ang mamuhay mag-isa dahil gusto ko ng katahimikan."

"Naku, paano ba 'yan Senda, madaldal ako eh. Nabubulabog ko ba ang katahimikan mo?"

Tinawanan ko ito, "sira, hindi naman 'yun ang ibig kong sabihin. Ang ibig ko lang sabihin ay malayo sa mga alingasngas sa buong angkan ng aking ama." 

Hindi naman kasi nila ako gusto dahil malakas ang pakiramdam nilang hindi ako tunay na anak ni itay kahit ang bagay na iyon ay isang napakahigpit na sikreto na ako, si itay, si inay at si Kuya Arnulfo lamang ang nakakaalam.

"Eh, kung taga-San Gabriel ang iyong ina, wala ka bang natitirang kamag-anak sa baranggay natin?"

"Wala, dahil hindi naman tagarito ang pamilya ng aking ina.  Tubong Roxas talaga ang aking Ina.  Napadpad lamang siya rito dahil ipinamana sa kanya ang lupang kinatitirikan ng bahay ko ng namayapang kamag-anak ni Inay. Isa itong matandang dalaga at ang inay lamang ang naging pinakamalapit dito kaya sa kanya na ito iniwan."

"Kilala mo ba kung sino ang kamag-anak niyong iyon?"

Umiling ako, "hindi eh. Namatay na kasi si Inay sa pangangak sa akin kaya hindi na ako nagkaroon ng pagkakataong makausap ito tungkol sa kahit anong bagay."

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon