KABANATA 80

901 78 13
                                    

Lucio's P.O.V.

Tumila na ang ulan kaya animo'y naging piesta sa harapan ng palasyo nang isa-isa na nilang inilabas ang mga lamesa, mga silya, mga samo't saring mga handa. Pumwesto na rin ang orkestra na walang hinto sa pagpapatugtog ng iba't ibang instrumento sa saliw ng malulumanay na ritmong maaliwalas pakinggan.

Habang pinagmamasdan namin ni Senda ang masayang pagsasalo at pagdiriwang ng lahat ay nananatili itong tahimik bagaman napapasulyap ito sa akin sa tuwing may bumabati at tumatawag sa akin na Panginoong Lucio. Hindi ko siya masisisi, dahil kung ako ang nasa kanyang kalagayan ay tiyak na kung ano-ano na ang pumapasok sa aking isipan na siya mismong pag-uugatan ng samo't saring katanungang hindi naman agad mahanapan ng kasagutan. Ngunit hindi katulad sa isa sa mga kinatatakutan ko'y hindi naman nagpapadala si Senda sa bugso ng kanyang damdamin. Hindi niya ako sinampal, sinumbatan at ipinahiya.  Naging kalmado ito at magalang sa bawat isang lumalapit sa amin upang magpahayag ng pagbati, at gumingiti naman ito kapag may pumupuri sa kanyang kagandahan, at kapag mayroong tumatawag sa kanya mahal na Reyna.

"Maligayang pagbati, sa mga hindi man lamang nang-iimbita!" Iyon ang pagbating bumasag sa matiwasay na pagdiriwang. Bigla akong napatayo; gayun din si Senda—na agad ko namang itinago sa aking likuran nang matanaw ko kung sino ang papalapit na sa amin. May kabuntot itong higit sa limampung alalay.  Natahimik ang lahat at tumingil na rin ang pagpapatugtog ng orkestra.

"Anong ginagawa mo rito?" mariing tanong ko kay Lambino. "Paano ka nakapasok rito?"

Humalakhak ito at nilingon ang kanyang mga kasama, "paano raw ako nakapasok rito? Nagpapatawa ang anak ni Lucifer." Nagsitawanan ang mga alalay nito, bukod kay Higelbertong nakatayo sa kanyang kanan, "eh ano bang ginagawa sa mga pahara-hara sa mga lagusan niyo, e 'di pinagpapatay ko lahat!"  bulyaw nito sa aking mukha. "Makinig ka sa akin, hari ng kadiliman.  Akala mo ba'y hindi ko malalaman kung sino ang nagpatakas sa iyo?!" Bigla nitong binunot ang kanyang punyal at walang pag-aatubiling  sinaksak si Higeberto sa lalamunan nito. Agad naman itong bumagsak sa lupa nang wala nang buhay.

Nagsigawan ang mga kanina lamang ay nagdiriwang, at ang iba naman'y nagsitakbuhan, habang natatanaw kong paparating naman ang aking mga kawal at mandirigma sa hindi kalayuan.  Tuluyan nahawi ang pagtitipon. Ngunit bumakas rin naman sa mga kasama ni Lambino ang panganib na parating. Sa kabilang dako naman naroro'n ang pangkat nina Patruska na tila nais magmiron sa mga nangyayari.

"Tayo na po, kamahalan."  Bulong dito ng isa sa kanyang mga kasama, "naitakas na raw po ni Indo so Marietta." Si Indo ay ang kinatawan ng mga engkantong itim sa aking kaharian.  Bakit nga ba hindi na ako nagtataka na isa ito sa mga magtatraydor sa akin. Ang hindi ko lamang mawari pa sa ngayon ay kung papa'no nito nalaman kung saan ko ikinulong si Marietta.  "Nakalabas na raw po sila sa lagusan!"

"Hindi pa tayo tapos, Demonyo, anak ni Satanas!" Pagbabanta sa akin ni Lambino habang sumusulyap-sulyap ito kay Senda na nasa aking likuran. "At ikaw." Tuluyan na nitong ibinaling ang atensyon kay Senda, "pinatay na kita noong sanggol ka pa, paano ka nabuhay ulit, ha? Gusto kong malaman mo na isa kang pagkakamali. Hindi kita anak at hindi aariing anak kaylanman! Walang silbi ang pagpapakasal mo sa babaeng ito dahil hindi ko naman ito inaangking kadugo ko!" Sa muling pagbaling nito sa akin, "hinding-hindi mo makukuha ang Mashuria. Akin lang ang kaharian ng liwanag! Mamatay muna ang bastardang 'yan bago mo maagaw sa akin ang lahat! Ako mismo ang papatay sa 'yo!"Dinuro nito si Senda na hindi na ngayon maawat ang pagtulo ng mga luha.  Hindi ko na matiis ang pagsasalita nito ng masasakit kay Senda kaya kinwelyuhan ko na ito at sinuntok sa bibig nito nang makailang ulit.  Hindi naman naging sapat ang pagdurugo ng bunganga at ng pagtalsik ng dalawa sa harapang ngipin nito upang tumigil ito sa panduduro kay Senda "hindi kita anak. Hindi mo maaaring angkinin ang kaharian na para lamang sa aking mga tunay na anak! Hinding-hindi mo makukuha ang simpatiya ng mga Lambana sapagkat mas mataas pa ang uri nila sa 'yo na isa lamang hamak na taga-lupang mula sa lusak. Alam kong hindi ko mapapatay ang demonyong na ito." Dinuro ako nito bagaman si Senda pa rin ang kinakausap nito, "pero ikaw? Papatayin kita ulit, at sisiguraduhin ko nang hindi ka na muling makakabangon pa sa hukay!"

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon