KABANATA 138

760 95 17
                                    

[Editor's Note: This chapter is synchronized with Jasper, the Demon Slayer - Epilogo, and the subsequent events immediately after that.]

Lucio's P.O.V.

"I-ina, aalis ka na naman po ba pagkatapos nito?" halatang-halata na sabik na sabik si Katrina sa kanyang ina dahil halos ayaw na nitong lubayan ito.  Lagi itong nakayakap, nakapulupot, nakahawak, o nakasunod, habang tinutulungan kami ng kanyang mga kabalyero sa pagtatambak ng mga bangkay sa malaking libingan, at sa pagsasaayos ng lahat na ginulo at winasak ng mga Greterian.

"Kailangan kong bumalik sa Mashuria, anak, dahil may mga naghihintay sa akin doon pero..."

Ngumuso at humihikbi-hikbi si Katrina na tila nagbalik ito sa pagiging batang paslit. "...Pero?"

"Pero gusto kitang isama para makilala ka nila." Napapanganga si Katrina habang sinasabi ni Senda iyon, "Ayos lang ba sa 'yo 'yun?"

Tila isang batang binigyan ng lobo si Katrina, "Siyempre naman po!" Niyakap nito nang mahigpit ang ina.

"Pa'no naman ako?" Para kasing nakalimutan na nila na nando'n ako.

"Sa susunod ka na lang sumama," sabi ni Senda sa akin, "marami ka pang aayusin dito oh!" Inilahad nito ang kanyang magkabilang kamay upang ipakita ang napakaraming kalat sa paligid. "Saglit lang naman kami, babalik din kami agad."

Sumimangot ako, "gaano katagal ang saglit?" tanong ko. Lalo akong napipikon dahil dumidila sa akin si Katrina habang naka-angkla ito sa braso ng kanyang ina upang inggitin ako.

"Sampung taon, ama!" Wika ni Katrina sabay halakhak.

Natatawa naman si Senda sa anak niya, "huwag kang mag-alala. Mga tatlong araw lang. Para naman makilala at makasalo siya ng mga taga-roon."

***

Hindi naman akong mainiping tao pero isang araw pa lang ang lumipas ay tila inip na inip ako.  Mabilis rin naman kasi naming natapos ang pagsasaayos ng lahat kaya natutukso akong sundan ang aking mag-ina sa Mashuria. Ngunit kung kailan napagdesisyunan ko nang umalis ay sinalubong naman ako ng hindi mabilang na mga engkanto at malignong nagsisibalikan sa Edenus. Tuwang-tuwa ang mga ito nang makasalubong ako ng mga ito sa lagusan, at hindi ako nakapalag nang binuhat ako ng mga ito upang dalhin pabalik sa palasyo. Inis na inis ako bagaman hindi ko na lamang ito ipinahalata dahil may kasalanan din naman ako sa mga ito kung bakit sila nagsilayas sa aking teritoryo.

"Nabalitaan niyo na po ba ang nangyari kay Jasper?" bulong sa akin ni Ador.

"Bakit? Anong nangyari?"

"Nagtagumpay raw si Marietta na makuha ang panganay nitong anak."

Napatayo ako sa kinauupuan kong trono, "Ano?!"

"Ipinatatanong po ni Manuel kung maaari mo raw ba silang tulungang mabawi ito dahil matagal nang nalansag ang hukbo ni Jasper. Ang mga aswang sa dati nitong hukbo ay nagsipagkampihan na kay Marietta, habang ang ilan sa mga engkanto at maligno ay pumanig naman sa atin, bagaman 'yung iba ay nagkanya-kanya nang umuwi sa pinagsilangan nilang mga kaharian."

Umiling ako, "ayoko nang idawit ang aking lehiyon sa digmaan ng iba."

Bumakas sa mukha ni Ador ang lungkot, dahil malapit nitong kaibigan si Manuel de Asis, "a-ah gano'n po ba? S-sige, sasabihin ko po kay Manuel." Nanlulumo itong tumalikod sa akin.

"Sinabi ko bang makakaalis ka na?"

Napaiktad si Ador at nagmadaling bumalik sa aking harapan. Yumukod ito sa aking harapan, "ipagpaumanhin niyo po ang aking kawalang-pitagan, Panginoon. Nag-aalala lamang po ako para sa aking kaibigan."

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon