KABANATA 25

3.5K 310 33
                                    

Senda's P.O.V.

Inis na inis ako, kaya bagaman natatakot pa rin ako sa mag-anak na Aswang--kahit nasa anyo na silang tao--ay mas nangingibabaw sa akin ang kagustuhan kong makutusan si Luis.  Sa labis na pagkainis ko sa kanya ay nagtatalo na sa aking isipan ang tungkol sa mga pinakamasasakit na pamamaraan ng pagkatay sa kanya.  'Yung tipo bang, unti-unti, upang mas maramndaman niya ang kirot.  Hindi pa ako nainis sa kahit kanino nang ganito kaya hindi  magkamayaw ang takbo ng utak ko sa pagsukat at pagsisiyasat kung ano ang eksaktong nararamdaman ko.

"Pag pasensiyahan niyo na po ang munti naming tahanan, Panginoon."  Wika ng babaeng Aswang nang makapasok na kami sa kanilang kubo. "Wala po kaming kutson dito kaya ipagpaumanhin niyo na lang po sana na itong papag lamang naming mag-asawa ang maaari naming ialok sa inyo ng inyong kasama."  Sumulyap ito saglit sa akin.

Sinuyod ko ng tingin ang kapaligiran.  Isa itong maliit na kubo na mas maliit pa sa bahay ko.  Mayro'n itong pangalawang palapag sa loob na hahanggang balikat ko lamang ang taas. At sa isang sulok ay maro'n din naman nakahilig na isang makipot na hagdanang yari sa kawayan na may limang baytang. Nasa pangalawang palapag nga ito ang nag-iisang silid na may pintuang natatakpan lamang ng isang manipis na dilaw na kurtina, kung saa'y naaaninag ko rin naman ang tinutukoy niyang papag na sa tantya ko'y kasya naman ang tatlong tao.

Ibubuka na sana ni Luis ang bibig niya upang sagutin ang tinuran ng babaeng Aswang, ngunit sinadya ko namang salubigin ito, "O!" Nakatingin ako nang matalim kay Luis. "Huwag mong sabihin na aagawan pa natin ng higaan ang mga pobreng ito?  Ang kapal naman ng mukha mo! Ikaw na nga itong nang-abala at pagkatapos ay ikaw pa ngayon ang maghahari-harian sa pamamahay nila? Mahiya ka naman!"

Bumakas ang matinding pagkabigla sa mukha ng mag-anak na tila ba bigla na lamang silang dinaluyong ng isang laksang delubyo.  Si Luis nama'y nananatiling nakatingin sa akin.  Nakanganga ito na tila maging siya ay hindi makapaniwala sa mga sinabi ko sa kanya.  Nakaramdam din naman ako ng kauning pagkailang nang masundan ang eksenang iyon ng isang matinding katahimikan.

"A-ah eh..." nag-aalangang pagbasag ng babaeng Aswang sa katahimikang dumaan. "N-naku, wala po 'yun. Masaya nga po kami kapag napapagawi rito ang Panginoon. Mayro'n naman kaming malaking banig na maaari naming higaang mag-anak dito sa silong. "

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Akmang sasagot muli si Luis, ngunit muli ko na naman itong siningitan, "anong wala lang 'yun?  Bahay niyo 'to. Kami ang mga BUWISITANG--" sinulyapan at inirapan ko si Luis, "--nang-abala sa inyo, kaya dapat lang na kami ang nasa silong. At saka, isipin niyo nga ang anak niyo, kawawa naman kung dito rin niyo patutulugin sa lupa nang dahil lamang sa amin."

Sinulyapan ko ang bata.  Nakabungisngis ito sa akin. Napahagikhik na rin ito nang kinindatan ko ito.

"Eh..." napapakamot ang lalaking Aswang. Sumusulyap-suplyap ito kay Luis, "parang nakakahiya naman po para sa amin kung kayo ang mga bisita namin, tapos kayo pa ang patutulugin namin dito sa ibaba."

Muli sana akong sasagot ngunit naunahan na ako ni Luis sa pagkakataong ito, "tama na nga 'yan."  Bakas sa mukha nito na tila siya na ngayon ang naiinis sa akin. "Kami na lang ang dito sa silong para matigil na ang usapang ito. Maiba nga tayo." Tumingin ito nang salitan sa mag-asawa, "saan ba ang kasilyas niyo rito?" tila naaatat na itong hubarin ang kasuotan niyang tadtad ng mantsa ng atsuwete.

"Naku," sagot ng lalaking Aswang, "magkahiwalay po ang kasilyas, batalan at paliguan namin dito. "Ang kasilyas po at batalan namin ay nariyan lang sa likod-bahay, ang kaso po'y wala kaming naipong tubig na pampaligo kaya kung nais niyo pong maligo ay maaari niyo pong gawin ito sa batis na hindi naman po masyadong malayo rito.  Kung nais niyo pong maligo at makapagpalit ng damit, ipahahanda ko na po kay Anita ang mga malilinis naming pantulog upang inyong maging pamalit, at pagkatapos ay pasasamahan ko na lamang po kayo sa kanya patungo sa batis habang kinakatay ko ang hahapunanin natin."

"K-katay?" biglang nanlamig ang mga paa't kamay ko. "A-anong...S-sinong..."

"Tsk! Halika na nga!" Hinahatak ako ni Luis. "Bago pa lumala ang kung ano man 'yang tumatakbo na naman sa utak mo!"

***

"Panginoon,"  wika nang babaeng Aswang nang makararing na kami sa tabi ng batis. Akay-akay pa rin nito ang anak na lalaki na parati namang nakatingin at nakabungisngis sa akin. "Sundan niyo na lang po itong makipot na daang dinaanan natin upang makabalik kayo sa bahay pagkatapos niyong maligo. Iiwanan ko na lamang po itong pamalit ninyo rito sa damuhan.  Uuwi lamang po muna ako para makapaghanda na ako ng inyong hapunan."

Tinanguan ito ni Luis, at bagaman duda ako kung makukuha kong kumain ng hayin ng mga Aswang ay wala na akong sinabi pa bago ito umalis pabalik sa kubo.

Nakatanaw pa ako sa mag-ina nang muling bumukaskas ang diwa ko sa kung ano ang naaaninag ko sa gilid ng aking mga mata. Tuluyan ko namang nailaki ang aking mga mata nang nilingon ko na ito nang tuluyan at nakita nang mas mabuti.  Hubo't hubad na nakangisi sa akin si Luis. Ngayon lamang ako nakakita ng hubad na katawan ng isang lalaki kaya daig ko pa ang binuhusan ng isang baldeng malamig na tubig. Hindi ako makagalaw. Dilat na dilat ang mga mata. Nakanganga. At ayoko mang tingnan ang kanyang nasa bandang ibaba ay tila ba sinasadya niyang ibuyangyang ito sa aking harapan.

"Huwag mong sabihing maliligo ka sa batis nang nakasaya?" pang-aasar nito sa akin bago tumalikod upang ipagpahili naman ang kagandahan ng kanyang pangangatawan sa kanyang bandang likuran.

Paano nga ba ako maliligo at saang banda? Wala naman akong natatanaw na maaari kong pagkublihang kahit man lang isang malaking bato o matatayog na damuhan.  Hindi ko pa natatapos ang aking pagmumuni-muni nang bigla akong nakarinig ng malakas na tilamsik ng tubig. Lumublob na pala si Luis sa mas malalim na bahagi.  Napaiktad naman ako nang bigla itong humiyaw bago ito tumawa nang tila nasisiraan na ng tuktok!

"Anak ng---ang lamig!" Anito, bago ito muling humalakhak.

Lalo tuloy akong nagdalawang-isip kung maliligo ba ako o hindi.

"Ano pang hinihintay mo?" anito sa akin, "pasko?  Bagong taon? Mangangamoy ka na niyan!" Muli nitong pang-aasar ngunit hindi pa rin ako kumibo. "Alam mo, kung iniisip mo na pagnanasaan ko 'yang katawan mo kung maghuhubad ka, kalimutan mo na!  Marami na akong nakitang di hamak na mas magagandang katawan ng mga babae. At sa kapayatan mong 'yan, napakaimposible naman na 'yang sa 'yo pa ang pagnanasaan ko. Maligo ka na nga, para makaalis na tayo rito! Gutom na ako eh!"

"Letse ka!"  Bulong ko. "Kung makapagsalita 'to kala mo siya lang ang nagugutom!" Unti-unti na akong humakbang patungo sa batis. Napakalamig nga ng tubig nito. Kulang na lang siguro ito iilang guhit ng pagbaba ng temparatura bago ito tuluyang magyelo. Unti-unti akong lumubog na suot-suot pa rin ang aking saya kaya naman lalo akong pinagtawanan ni Luis at paulit-ulit na kinantiyawan nito.

"Lalo kang giginawin kapag may suot kang damit!" Wala talaga itong tigil sa kadadaldal. "Bakit ba ingat na ingat ka riyan sa buto mo, puro buto ka lang naman 'di ba? Ano bang itinatago mo? Ahhhhh alam ko na." Hinintay muna nitong dumako ang mga mata ko sa kanya bago nito sinabing, "siguro, maitim ang kili-kili mo ano?" humalakhak ito, "tama! maitim ang kili-kili mo! Sige na nga! Mag-Saya ka na lang! Baka dito ka pa magkalat ng kadiliman!" Lalong lumakas pag paghalakhak nito.

Unti-unti ko nang hinuhubad ang suot ko sa ilalim ng tubig. Naging problema ko naman na napakababaw lamang nito--sa bandang itaas lamang kasi ito ng aking dibdib. Napakalinaw rin ng tubig kaya nag-alala rin ako nang bahagya ko pa ring naaaninag ang aking mga binti sa ilalim. Kahit gabi'y tila nananadya naman ang mabilog na buwan sa pagbibigay liwanag. Tuluyan akong tumalikod dito nang mahubad ko na nang tuluyan ang akin suot, ngunit laking gulat ko na sa pagharap ko sa kabilang direksyon ay naroon na si Luis sa mismong harapan ko. Akala ko nga'y magbabanggan na ang aming mga mukha sa lapit nito. Agad ko namang niyakap ang sarili ko upang ikubli ang aking dibdib na sa wari ko ba'y nakita na niya nang bahagya.  Hindi ko alam kung paano siya napagawi roon nang ganun kabilis; at nang hindi ko man lang namamalayan. 

Kapansin-pansin din ang biglang pag-iiba ng timpla nito. Hindi na ito tumatawa o nakabungisngis. Hindi na rin nakangisi. Sa halip ay  matalim itong nakatitig sa aking mga mata na tila ba may sinusuri ito roon.  Matagal-tagal na rin kaming nagkakatitigan ng tahimik nang unti-unti na namang gumihit ang ngisi sa kanyang mukha bago nito malumanay na sinabing...

"Tama nga ang hinala ko."  Sabay hagod nito ng tingin sa akin pababa, "payatin ka nga pero malulusog naman ang mga dibdib mo." Bago nito marahang kinagat ang ibaba ng kanyang labi.  

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon