KABANATA 65

957 94 24
                                    

Senda's P.O.V.

Hatinggabi na, gising pa rin ako. Ilang beses na akong nagpabali-baliktad sa papag pero sadyang hindi ako dalawin ng antok dahil sa paulit-ulit na pagdalaw ng masasamang alaala. Hindi ko tuloy matukoy kung alin ang mas malala: ang bangungutin nang tulog, o ang bangungutin nang gising. Sa ngayon, ipikit ko man o idilat ang mga mata ko, pareho lang ang nakikita ko: Mukha ng mga Aswang, hitsura nang mga Maligno, ang kulay ng kadiliman, ang hitsura ng karahasan, at ang hugis ng kamatayan.

"Patawarin NIYO po ako PANGINOON," bulong ko habang nakatulala ako sa kesame. "Pinaparusahan NIYO po ba ako dahil sa tangka kong pagpapakamatay kamakalawa?" saglit akong nanahimik; nagbabakasakaling may sasagot, ngunit wala akong naririnig kundi ang nakabibinging tunog ng katahimikan.

"Ano ka ba naman Senda?" muling bulong ko sa aking sarili, "tanong ka ng tanong, pero natatakot ka rin naman kung sakaling may biglang sumagot. Hay naku, Senda, kinakausap mo na naman ang sarili mo, pero ninenerbiyos ka rin naman sakaling sagutin ka nga ng sarili mo na taliwas naman sa iniisip mo. Hmmm, kung sasampigahin ko ba ang sarili ko makakatulog kaya ako?"

Sa ilang minutong tanging paghuni lamang ng mga kulilis ang nauulinigan ko ay biglang nakarinig ako ng kakaibang kaluskos mula sa aking tarangkahan. Bigla akong kinabahan. Tila kasi lumalapit na ang mga yabag na ito sa bandang harapan ng aking munting tahanan.

"Senda..." isang pamilyar na tinig ang narinig kong tumatawag sa akin sa labas. Madaling araw na, sino naman kaya ang dadalaw sa akin ng ganitong oras?

Maingat kong inangat ang bintana upang masilip ko kung sino ang nasa labas. Isa itong pamilyar na taong may hawak na lampara.

"Luis?" Mas iniangat ko pa ang binatana upang makita ako nito. Nag-iisa lamang ito.

"Senda?" Lalapit na sana ito sa bintana.

"Teka sandali, bubuksan ko ang pinto." Sabi ko.

Sinindihan ko muna ang isa sa mga kandila sa aking maliit na altar, pati na rin ang gasera sa sala, bago ko pinagbuksan at pinatuloy si Luis. Bakas sa mukha nito ang lungkot at pag-aalala.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Anong ginagawa mo rito?" bungad ko rito, "Madaling araw na ah."

"Galit ka pa ba sa 'kin?"

Sandali kaming nagkatitigan dahil hindi ko inaasahan ang tanong nito; bukod sa hindi ko rin sigurado kung anong eksaktong nararamdaman ko. Sinenyasan ko itong maupo na lamang muna kami upang basagin ang sitwasyon.

Tinaasan ko ito nang isang kilay, "nagpunta ka rito ng disoras ng gabi, para lang itanong kung galit pa ako sa 'yo?"

Nguniti ito, "pasensya ka na. Tanghali kasi sa Edenus, at nawala sa isipan ko na magkabaligtad nga pala ang araw at gabi doon at dito."

Inirapan ko ito, "eh ano naman sa 'yo kung galit ako sa 'yo o hindi?"

Wala itong naisagot agad kundi ilang hugot nang malalalim na paghinga.

"Alam mo, Luis,"pagbasag ko sa pananahimik nito, "hindi naman ako galit sa 'yo. Naiinis lang ako dahil tila ipinagtatanggol mo pa 'yung amo sa mga kasamaan nito. Ikaw 'tong laging nagsasabi sa 'kin na 'wag akong maniwala sa mga haka-haka at sabi-sabi, at 'wag basta-basta manghusga kung wala naman akong personal na kaalaman o ebidensya, pero bakit parang paniwalang-paniwala ka na wala ngang kasalanan 'yung amo mo eh samantalang magkasama tayo nang mangyari ang lahat. Wala kang personal na kaalaman sa nangyari. Hindi ka saksi, 'di tulad ng mga nilalang na naroon na nakita mismo ang pag-aamok ni Lucio. At dahil hindi ka naman saksi, eh 'di wala ka ring personal na kaalaman sa tunay na nangyari. At para sabihin mo sa 'kin na sigurado kang walang kinalaman si Lucio, gayung hindi mo naman natunghayan ang mga pangyayari, eh 'di ba't tulad din 'yun ng paniniwalang nakabase lamang sa iyong opinyon at haka-haka?"

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon