KABANATA 106

757 78 15
                                    

Senda's P.O.V.

Hindi na nagpakita pa sa Edenus si Marikit. Sa dami nang kawal na ipinadala ni Luis upang hanapin ito ay hindi na ito muling nakita pa. Nagsisi si David dahil nang maglaon ay hinahanap na rin nito ito, ngunit maging sa kanya ay hindi na rin nagparamdam ito, kahit na sa iba pa nitong naging kasamahan sa pangkat nina Patruska. Lalo tuloy lumakas ang aking palagay na wala na ito sa Edenus, at maaaring nakalabas na ito bago pa man sinarhan ang mga lagusan.

Habang nagtatagal ako sa Edenus, parami nang parami rin ang masasalimuot na bagay ang aking natututunan at nasasaksihan.  Sa kung papa'nong sa kabila ng pamamayagpag ng kasaganaan nang dahil sa mabuting pamamahala ni Luis, ay hindi naman makasumpong ng tunay na kapayapaan ang loob at labas nito, dahil sa patuloy na pagsulpot ng mga traydor sa loob na siyang nagsisilbing mga mata at galamay ng mga kalaban sa labas. 

Ilang buwan na ang lumipas, habang patuloy ang paglaki ng aking sinapupunan, patuloy na naging selyado ang bawat lagusan ng Edenus dahil sa walang patlang na pagbabantay roon ng mga kawal ni Lambino. Hindi man kami pisikal na nalulusob sa loob ng mga kalaban ay wala ring gaanong ipinagkaiba ito sapagkat napapasok pa rin naman ng kanilang mga bantang kaguluhan at karahasan ang kamalayan ng bawat isang nasa loob.

Preso. Daig pa namin ang mga preso sa sarili naming teritoryo, at marami pa ring taga loob ang hindi mapakali nang dahil sa mga kanilang mga kamag-anak at mahal sa buhay na hindi man lamang nila makumusta sa labas. Dito ko napatunayan na hindi sapat ang pagnanais naming umiwas sa kaguluhan. Hindi sapat na hindi namin nais ang digmaan, sapagkat kung hindi naman sa amin nagmumula ang pagnanasang makapanakop ng iba, hindi pa rin namin makakamit ang katahimikan gaano man kahigpit ang kapit namin dito.

"Paunti na nang paunti ang ating mga ka-alyado sa lupa, Panginoon." Pag-uulat ng isa sa mga kinatawan ng iba't ibang uri ng Maligno sa konseho kay Luis. "Dahil walang hinto ang ating mga kalaban sa pagyurak sa inyong imahe. Nanlulusob at naninira sila ng mga tahanan. Nanggugulo sa mga nananahimik sa mga liblib na pook. Binibitay ang mga hinidi umaayon, kinakatay ang mga nanlalaban, at nanggagahasa ng mga kababihan, gamit ang inyong mukha at katauhan."

"Tahimik tayo rito, oo," pagsabat naman ng isa sa mga kinatawan ng iba't ibang uri ng mga Aswang. "Ngunit sa labas ay padami na nang padami ang ating mga kaaway. Iniisa-isa nilang puntahan ang inyong mga kakampi upang maghatid ng mga mensaheng hindi niyo ipinadala, at upang magpatupad ng mga batas na hindi mo naman ipinag-uutos." 

"Hanggang kailan po ba natin sasarhan ang mga lagusan?" Tanong ng isa sa kinatawan ng iba't-ibang uri ng mga Engkanto, "nagtatanong na po kasi ang natitira nating mga kakampi sa lupa at sa ibang kaharian kung kailan niyo raw po sila muling bibisitahin upang saklolohan sa pagmamaltrado sa kanila ng kabilang panig?"

"Panginoon," paguulat naman ng punong kawal na si Ramiro. "Karamihan po ng ating mga bantay sa bawat pultahan ay nadadakip nila bilang mga bihag dahil sa patuloy po nilang pananambang sa bawat lagusan dahil ang karamihan po sa kanila ay nagkampo na at wari'y doon na nakatira sa palibot."

Iilan pa lamang ang nakapagsasalita ay mababakas na sa mukha ni Luis ang unti-unting pagkarindi sa pakikinig pa lamang sa mga ito. Bagaman nanatili itong kalmado at nakikinig ay hindi na nito maitago pa ang labis na pagkadisgusto at pagka-inis.

"Panginoon," sabi naman ng isa sa mga pinuno mula sa iba't ibang hukbo ng mga mandirigma, "Kung hindi niyo mamasamain ang aming kapangahasan sa aming sasabihin, ngunit hindi na po talaga uubra ang ating pananahimik.  Marami na po sa ating mga kaibigan ang napapaslang ng walang kalaban-laban, at marami-rami na rin po mula sa lahing tao ang kanilang napagdidiskitahang dukutin partikular na an mga babaeng tao, hindi lamang upang kainin, kundi upang gawing palahian ng mga Aswang sa Rukerium. At mukha mo rin ang kanilang ibinabalandra sa mga tao at kinauukulan sa lupa. Alam niyo na po bang kumalat na rin sa telebisyon at mga peryodiko ang malinaw na imahe ng inyong mukha, bilang salarin sa panggagahasa at pagpatay sa anak ng isa sa mga matataas na tao sa Maynila? Nasa most wanted list na po sa lupa ang inyong mukha, Panginoon at halatang sinadya ito ni Marietta dahil wala ring kagatol-gatol nitong binigyan ng pangalan ang inyong mukha.  Sa palagay ko'y ginagawa niya ito upang tanggalan rin kayo nga kalayaang magliwaliw sa mundo ng mga tao."

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon