KABANATA 94

768 69 4
                                    

Senda P.O.V.

"Hala, bakit ang tagal ng Panginoong Lucio?" Lilinga-linga si Marikit.  Magdadalawang-oras na kaming naghihintay, at medyo nga nahihilo na rin ako sa katitingin sa paligid. "Dumidilim na, huwag mong sabihing dito tayo sa sasakyan magpapalipas ng gabi."

"David," pagsingit ko, "may alam ka bang malapit na hotel dito?"

"Wala rin eh, pero maaari naman po tayong maghanap. Ang tanong, may iniwan po bang pera si Boss. May pera ako rito pero baka hindi sapat pang-hotel sa ating lahat."

"Oo." Sagot ko, "medyo sumasakit na kasi likod ko at ulo ko.  Hindi ko alam kung bakit biglang sumama ang pakiramdam ko. Nahihilo ako."

"Hindi nga kaya buntis ka na, Mahal na Reyna?" tanong sa akin ni Marikit.

"Parang hindi naman yata normal na ganito ako kabilis na maglilihi kung sakali man." Sagot ko.

Natawa si David, "maaari ngang hindi normal sa tao, pero ang tanong, normal na tao ba kayo ni Boss? Kalahating anghel siya, ikaw naman eh kalahating engkanto.  Hindi nga ako magtataka kung bukas lang malaki na ang tiyan mo."

Namilog ang mga mata ko, "ano?! Seryoso ka ba?"

"Biro lang, mahal na Reyna." Agad na sagot ni David. "Ang sa akin lang naman, 'yung salitang normal eh, normal para saan po ba ang tinutukoy niyo?"

Hinilot-hilot ko na naman ang aking sentido dahil sa biglaang pag-ikot ng aking paningin. "Maghanap na siguro tayo ng matutuluyan."

"Pero pa'no po kung sa pag-alis natin ay bigla namang dumating si Boss?"

"Oo nga 'no?" Sabi ko. "Sige, maghintay pa tayo.  Pero ayos lang ba sa inyong dalawa kung hihiga muna ako rito sa likod?"

"Oo naman po," ani Marikit. "Teka, ikukuha kita ng kumot at unan sa likod."

***

Hindi ko alam kung gaano ako katagal napa-idlip, pero madilim na nang magising ako; palinga-linga pa rin ang dalawa sa palibot ng sasakyan.  Mukhang hindi naman napansin ng dalawa na mulat na ako at nakikinig na sa kanilang pinag-usapan.

"David, magpipitong oras na. Baka kung ano na ang nangyari sa Panginoong Lucio. Di kaya dinukot na ito ni Alfonso upang isuko kay Marietta? O di kaya nama'y, kakuntsaba pala ni Alfonso si haring Lambino at ibinalik na pala ang Panginoon sa kulungan sa Mashuria?"

"Huwag kang mag-isip ng kung ano-ano.  Hindi naman siguro.  Baka nagkaroon lang ng aberya, pero wala namang hindi nalulusutan si Boss. Kung minsan nga'y hinihintay ko ito nang higit pa sa labing-dalawang oras sa mga nilalakad namin dati. Bumabalik naman siya lagi."

"Hmp. Ewan ko ba kung bakit wala akong katiwa-tiwala sa Alfonso na 'yun. Eh balimbingin 'yun eh.  Noong naro'n pa ako sa Mashuria, sipsip ito kay haring Edwino, tapos nang humalili si Lambino, ganun 'din, kay Marietta naman parang ganun din, tapos ngayon kay Panginoong Lucio naman?"

"Alam mo, 'yang mag-amang Edwino at Lambino, napakadaling basahin ang takbo ng kokote. Palibhasa'y parehong hindi katalinuhan. Ang inaalala ko ay itong si Marietta. May sira yata sa ulo at mayro'ng 'yung tinatawag ng mga tao sa lupa na multiple personality kaya mahirap tantiyahin ang utak. Gayunpaman, alam ko na ang gusto talaga nitong mangyari ay maagaw muna ang Edenus mula kay Boss, bago niya tatraydurin 'yung mag-ama. Eh ito namang si Boss, ewan ko ba, pero parang hindi na siya masaya kaya parang laging walang ganang pigilan ang mga pinaggagawa ni Marietta."

"Ha? Anong hindi masaya? Kakasal nga niya at mukha namang masayang-masaya siya."

"Hindi 'yun ang ibig kong sabihin. Ang ibig kong sabihin ay parang kung mayroon siyang pagpipilian ay ayaw na niyang pamahalaan ang Edenus. Parang hindi na siya masaya na umupo sa trono. Ang nais niya ay ang makapamuhay bilang isang ordinaryong tao na walang iniintinding responsibilidad. Sa tingin ko nga kung mahusay-husay lang ang pagkatao niyong si Marietta baka nga ibinigay na lang niya ito nang kusa, ang kaso, impaktitang demonyita ito at hindi maaaring pagkatiwalaan dahil siguradong aabusuhin lamang nito ang kapangyarihan. Napakasama ng ugali, at pihadong maraming magdurusa sa kaharian kung mapapapunta sa kanya ang trono. Palagay ko ito ang dahilan kung bakit pinababantayan niya 'yung anak ni Marietta. Parang mas gusto niyang ibigay na lang do'n ang trono kaysa sa ina nito, tutal, ang batang iyon ay may dugong Lambana at Nephilim kaya maaari rin nitong matupad ang propesiya ukol sa muling pagbangon ng bagong kaharian ng Elysio."

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon