KABANATA 48

1.8K 186 23
                                    

Senda's P.O.V.

Halakhakan at tinig ng mga babaeng nangkukuwentuhan ang una kong narining habang unti-unting bumabalik ang aking ulirat. Saglit pa'y unti-unti ko na ring naaamoy ang mabangong samyo ng pinakukuluang kape na may halong manamisnamis na amoy ng mga kakanin. Sa marahang pag-angat ng talukap ng aking mga mata ay unti-unti ko na ring naaaninag ang mga babaeng ito na may kani-kaniyang umpukan. May grupong nagtatawanan, nagkukuwentuhan, nag-aasaran; at mayro'n din namang abala sa iba't ibang gawain tulad ng pagsusulsi, pagsusukat ng mga saya, pag-aayos ng buhok, paglalagay ng kolorete sa mukha pati na rin ang mabining pagsasayaw sa saliw ng tugtugin ng mga babaeng kumakalabit ng alpa.

Sa tuluyang pagmulat ko sa aking mga mata ay unang bumungad sa akin ang malakurtinang habong na nakapalibot sa katreng aking kinahihigaan. Sa marahan kong pagbangon ay unti-unti ko na ring nailibot ang aking paningin nang tagusan sa habong ng aking kinahihigaan.

"Anong?--" nang mapansin kong nasa loob pala kami ng isang napakalaki at magarbong silid na may napakatayog na kesame.

"Mga kasama! Gising na siya!" Malakas na tinig iyon ng isang babae na nagmumula sa kung saan. Agad ko rin namang napagtanto na nagmula ito sa isa sa mga babaeng tumutugtog ng alpa dahil ito ang nakitang kong nakatingin at nakaturo sa kinaroroonan ko.

Nakaramdam naman ako ng kaba nang animo'y mga bibeng pinalibutan ako ng mga ito, bagaman walang sino man sa kanila ang nagtatangkang bulatlating ang kurtinang habong na nakapalibot sa kamang hinahihigaan ko.

"S-sino kayo?! A-anong ginagawa ko rito?" habang pilit kong isinisiksik ang sarili ko sa bandang ulunan ng katre. "Anong kailangan niyo sa 'kin? N-nasa'n si Inay Maria?"

"Huwag kang mag-alala, hindi ka namin sasaktan." Nakangiting sagot ng isa sa mga babaeng nakapalibot. "Kung si Nana Maria ang hinahanap mo, naroon siya sa kabilang silid. Kausap pa niya si Kapitana. Teka..." may tinawag itong pangalan ng isang babae, "pakisabi nga kay Kapitana na gising na ang ating panauhin!"

"Pasensiya na kung natakot ka sa amin kanina." Mahinang wika ng hindi ko maaninag na babae sa aking bandang kanan. "Bawal kasi talagang mag-ingay sa banda ro'n eh, lalo na kapag galing sa mundo ng mga tao. Nagagalit ang mga taga-bantay. Kapag nagagalit sila, sinasarahan nila ang lagusan ng nagdurugsong sa mundo ng mga tao sa mundo namin. At kapag sinarhan nila 'yun, may kamahalan ang kapalit bago nila ito muling bubuksan."

"Oo nga," sabi naman ng ibang tinig na nagmumula naman sa aking bandang kaliwa. "Hindi puwedeng masarhan 'yun, lalo pa ngayon na kailangan naming tumawid doon dahil sa hinahanap naming nilalang."

"T-teka," pagsingit ko, "a-ano bang ibig niyong sabihin? N-nasaan ba ako? Hindi ba ito ang baryo ng San Antonio?"

May narinig akong hagikhikan sa bandang likuran bago muling may nagsalita sa aking bandang harapan, "puwede mo nang tawaging kagubatan ng San Antonio ito sa mundo ng mga tao, pero sa dimension namin, sa makalampas ng lagusan, narito na tayo sa napakalawak na territoryo ng kaharian ng Elysio.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Bahagya kong inalog ang ulo ko dahil wala akong maintindihan sa kanilang mga tinuran.

"Kailangan ko ng bumalik sa San Gabriel. Paano ako makakabalik sa San Gabriel?" akmang bababa na ako ng ako sa katre.

"Sandali!" Bulalas ng isa sa mga babae. Kasabay naman nito ang biglang paghawi ng mga babae sa aking bandang kanan. Sa dulo ng hawing iyon ay unti-unti ko na ring naaninag si Inay Maria. May kasama itong isang matangkad na babaeng may magarbong kasootan. Magkasabay silang naglalakad sa direksyon ng aking kinaroroonan at ito lamang ang naglakas-loob na hawiin ang malakurtinang habong.

My Guardian DevilWhere stories live. Discover now