KABANATA 129

681 81 8
                                    

Senda's P.O.V.

"Tsk. Ibang klase rin itong si Marietta,"  bulong sa akin ni Dumenika, habang nakipipagbuno kami upang makaraan sa nagkakagulong mga nilalang sa paligid. Hinahanap ko si kuya Popoy ngunit hindi ko ito makita, "pinabayaan na lamang niya ang kanyang apo na sumalingit nang hindi siya kasama sa ganitong kalaking digmaan? Ano kayang tumatakbo sa isipan ng babaeng 'yun?! "

Maya-maya pa'y nakarinig kami ng mga iyakan at usap-usapang nagpakamatay raw si Jasper, kaya mas nagpursigi kaming makalusot upang tumungo sa kinaroroonan nito. Ang plano ko sana'y ngayon na ako lalantad, upang tumawid na sa kampo ng aking asawa, ngunit mukhang hindi pa ito ang tamang panahon dahil wala rito si ate Marietta. Taliwas man sa orihinal na plano ko'y kailangan kong ipagpatuloy ang aking pagpapanggap na kakampi niya upang magkaroon pa rin ako ng kakayahang malaman ang mga susunod na hakbang nito laban kay Luis, ngayong wala na ang apo niya.

"Patay na nga..." bulong sa akin ni Dumenika. Abot tanaw na namin ang nakahandusay na si Jasper.  Kalong-kalong ito ng anak ni Alfredo de Asis na si Manuel habang binubunot naman ng isa sa mga kakampi ng mga ito ang espadang nakatarak sa dibdib ng apo ni ate Marietta. Maya-maya pa'y natanaw ko na si Jordanna. Lumuhod ito upang humalili kay Manuel sa pagkalong sa ulo ng kanyang asawa. Umiiyak ito kaya hindi ko na rin naiwasang makaramdam ng matinding habag para rito.

Tama.  Hindi ito ang  tamang panahon upang bumaligtad ako ng kampo, dahil kahit papaano'y napamahal na rin sa akin si Jasper na palagay ko'y naging biktima rin lamang ng matayog na ambisyon ng kanyang mapagpanggap na lola.

Ilang saglit pa'y natanaw ko na si Luis. Nakatulala ito habang nakatingin sa nakahandusay na katunggali, habang ang mga nilalang at mga demonyong nakapalibot sa kanya ay panay pa ang kantyaw sa kampo nina Jasper na kesyo dadalhin na raw nila ang nagaping pinuno papunta sa impiyerno ngayon mismo. Napakunot-noo ako dahil parang wala man lamang reaksyon si Luis sa pagbabanta ng mga demonyong kasama niya.  Hindi ko naman mapapayagan na hindi man amang maiuuwi ni Jordanna ang katawan ng kanyang asawa kaya kahit nagbago na ang plano ko ukol sa aking paglantad ay napilitan na akong umapit sa kinaroroonan nina Luis.

Dinudukwang na ng mga demonyo ang katawan ni Jasper ay tila hindi pa rin ito alintana ni Luis, "Masaya ka na ba ngayon?" malakas na wika ko kay Luis upang kuhanin ang atensyon nito at upang hadlangan na rin ang panghahamit ng mga demonyong kasama nito.

"Sino ka?" nang tila matauhan na ito sa pagkakatulala. 

Sa halip na sumagot ay tinanggal ko ang takip sa kalahati ng mukha ko. Agad na gumuhit ang pagkagimbal sa kanyang mukha. "S-Senda?!" Mahinang sambit nito.

"Ako nga." Matigas na sambit ko rito.

"B-buhay ka?"

"Binabati kita." Dahil kailangan kong ipagpatuloy ang pagpapanggap bilang kakampi ni ate Marietta, "hindi natupad ang propesiya. Iyong-iyo na ang buhay na walang hanggan at walang katapusang paghahari." Nilakasan ko ito upang marinig din ng lahat ng mga alipores ni ate Marietta, lalo na para sa mga nilalang na nagdududa sa aking katapatan sa kanilang amo, "Tutal, wala na rin namang silbi na ipagpatuloy pa ang digmaang ito. Nanalo ka na." Kahit na labag sa aking kalooban ang aking mga pinagsasabi, "natalo sila. Bakit hindi mo na lamang sila hayaang mailibing nang maayos ang kanilang pinuno?"  Sinamaan ako ng tingin ng mga demonyong kasama nito na tila nagalit ang mga ito sa tinuran ko. Nagsisi-angil ang mga ito sa akin. Medyo nainis ako nang hindi man lamang sinasaway ni Luis ang mga ito kaya wala sa sarili kong nasabi na, "ituring mo itong, kahuli-hulihan kong kahilingan sa 'yo."  Pagkasambit ko nito'y tila noon lamang ito natauhan.

"O-oo, s-siyempre." Nauutal na sagot sa akin ni Luis, "puwede nilang iuwi si—"

Tinalikuran ko na ito bago pa man nito nakumpleto ang sasabihin.  Sinundan naman ako ng mga kababaihang kasama ko sa aking pag-alis.

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon