KABANATA 86

784 67 9
                                    

Senda's P.O.V.

"Mahal..." hindi ko na mabilang kung ilang beses na niya akong kinalabit habang nakahiga ako nang patalikod sa kinahihigaan niya. "'Wag ka nang magalit." Yumakap ito at hinalik-halikan ang batok ko; nakikiliti ako pero tiniis ko. "Hindi ko naman instensiyon na hindi sagutin ng diretso ang katanungan mo, medyo kumplikado lang kasi ang sitwasyon namin noon na mahirap sagutin lamang ng oo o hindi lang, bukod sa, hindi ko rin maipagmamalaki ang naging takbo ng utak ko noong mga panahon na 'yun kaya hangga't maaari ay ayaw ko nang balikan pa. " Sa wakas, nakahanap ako ng butas para masilip ko ang totoong kuwento.

"Gaano kakumplikado?" nakalikod pa rin ako sa kanya.

"Sanga-sanga. Mahaba. Masalimuot. Masakit sa ulo."

"May balak ka bang ipaliwanag, o gusto mo lang akong desmayahin sa pasikot-sikot para lang mapagtakpan ang totoo? Hindi naman ako humihingi ng masalimuot na detalye. Ang gusto ko lang malaman eh kung bakit hanggang ngayon, galit pa rin sa 'yo si Lupin. Ano ang nangyari sa inyo na Derena para magalit si Lupin sa 'yo nang gan'on? Gaano ba katindi ang kasalanan mo? Wag kang mag-aalala, buod lang ang kailangan kohindi ang buong nobela."

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Kumalas ito ng yakap sa akin upang ilapat ang kanyang likod sa kama. "Hindi ko kaibigan si Lupin, kaya kung galit man ito sa akin, dumagdag lang 'yung kay Derena pero magkagalit na kami sapul pa sa simula.  Lalo siyang nagalit sa akin no'ng tinangka kong hadlangan ang relasyon nila dahil sa pakiusap na rin ng mga nilalang sa ilalalim ng dagat. Ayaw nila kay Lupin dahil bukod sa tao ito ay isa itong Albularyo at mangigisdang gumagamit ng dinamita, at noong mga panahon na 'yun ay hindi nito alam na isang sirena si Derena dahil nasa katawang-tao ito noong nagkakilala sila sa laot. Nag-alala sila nang mapansin nilang nagkakamabutihan na ang dalawa kaya dahil sa desperasyon, nagmakaawa sila sa akin na ligawan ko raw ito dahil sa akin daw may gusto ito bago nito nakilala si Lupin. Nagkataon namang pangalan pa lang ni Lupin eh kumukulo na ang dugo ko dahil sa perwisyong dulot nito sa mga nilalang, hindi lang dito sa Edenus, kundi pati na rin sa Mashuria, Biringan at iba't iba pang teritoryo ng iba't ibang elemento. Pati nga ama mo kagalit no'n hanggang ngayon, lalo na si Marietta. Kaya sa inis ko, niligawan ko nga si Derena at nagpursiging maagaw ito sa kanya. Nagtanggumpay naman ako dahil naging nobya ko ito. Nagkahiwalay sila, ang kaso mo napilitan akong ipagtapat kay Derena ang totoo nang humihingi na ito ng kasal. Nagalit ito sa akin, at sa mga kasamahan niyang lamang-dagat. Nagkahiwalay kami, nagkabalikan sila ni Lupin, pero nadiskubre ni Lupin na isa siyang sirena. Nakagalit sila at nagkahiwalay ulit. Akala ni Lupin bumalik sa akin kaya ako ang pinirwisyo nito nang katakot-takot. Marami siyang ginambalang nilalang sa Edenus. Humalo pa sa gulo itong si Marietta dahil sa paghahasik ng lagim ng mga tagasunod nitong Aswang, pero 'yung mga tagasunod kong walang kamuwang-muwang ang napagbintangan at pinagpapatay ni Lupin. Nagalit din ako siyempre kaya binalikan ko siya at pinawasak ko ang bahay niya, pati na rin ang kanyang bangka. Ako rin mismo ang naghulog sa kanya sa dagat, ang kaso mo, iniligtas siya ni Derena. Samo't sari at napakaraming sanga-sangang kaguluhan pa ang sumunod doon hanggang sa napilitan silang pumunta na lamang sa Maynila, kasabay 'yun ng pagtiwalag sa konseho ko ng mga sirena upang kumampi sa iyong Ama. Kaya nga sa Edenus ngayon, wala ni isang sirena, puro siyokoy lang na hindi sumama sa pag-aaklas laban sa akin."

"Bakit kasi hindi mo pinakasalan? Kung pinakasalan mo na lang, eh  hindi na sana nagkagulo-gulo ang sitwasyon.'

Hindi ito sumagot.

"O, ba't di ka makasagot?"

Naramdaman ko ang pagbangon nito ng paupo. "Anong gusto mong isagot ko sa 'yo," tila naiinis na ang tono ng tinig nito, "kung sa pagkahaba-haba ng pinakuwento mo sa 'kin, hindi ka naman pala nakikinig." naramdaman ko ang pagbaba nito ng kama at padabog na pagtungo sa banyo.

[ITUTULOY]


My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon