KABANATA 122

656 76 12
                                    

Lucio's P.O.V.

"Lucio, anong nangyari? Ano itong ginawa mo sa San Isidro?" bungad sa akin ni Impong Delfin sa pagkabalik na pagkabalik pa lamang nito mula sa Santa Fe.

Ngunit nakatulala lamang ako sa aking trono, ngayon at higit kailanma'y nagbabakasakali akong mamatay na lamang sa aking kinauupuan.

"Tumahimik ka kung ayaw mong ipasunod kita...tao!" ni hindi ko ito tiningnan.

"Lucio, hindi ikaw ito. Huwag mong gawin ito!"

"Ito na ako simula ngayon." Nanatili akong nakatingin sa malayo, "tapos na ang pakikibagay ko sa lahing tao, kaya mag-iingat ka sa sasabihin mo sa akin tanda, dahil hindi na ako magdadalawang-isip na ipasakmal ka sa aking mga bantay." Itinuro ko ang mga Aswang na umaangil na sa kanya.

"Lucio." Hinawakan ako nito sa braso.

"Huwag mo akong hahawakan kung gusto mong makalabas pa rito ng buhay."

Agad naman nitong binawi ang kanyang kamay.

"Umalis ka na rito! Bumalik ka na sa lupa. Wala na akong pakialam kaninuman lalong-lalo na sa mga kalahi mo!" Saka ako tumayo upang iwanan itong nakatulala.

***

"Ama. Kumain na tayo. Tatlumpung araw ka nang hindi kumakain. Baka—"

"Baka ano?!" Kunot-noong singhal ko rito, "magkasakit ako? Baka mamatay ako sa gutom? Mabuti sana kung posible 'yon! Lubayan mo na muna ako!"

"Pero Ama!"

"Sinabi nang umalis ka na!" Bulyaw ko sa bata. "Bakit ba ang kulit mo? Kung wala lang para sa 'yo ang pagkawala ng Ina mo, bahala ka sa buhay mo!"

Nagsimula na itong umiyak, "Ama naman...nalulungkot din ako sa—"

"Nalulungkot?" pinandilatan ko ito ng mga mata, "'wag mo akong patawanin, Katrina, dahil alam kong wala ka namang pakialam sa ina mo! Kailanma'y hindi ako natuwa sa 'yo. Karagdagang sakit ka lang sa sa ulo ko! Walang kasintigas ang ulo mo! Puro kalandian ang alam mo! Puro laro, puro kalokohan! Wala kang awa at amor sa iyong ina! Ano pa ba? Ha?— Umalis ka na sabi!" Humagulhol na ito sa aking harapan. Lalo ako nainis kaya ako na lamang ang umalis at iniwanan ito sa harapan ng trono.

"Mahal na Prinsesa," dinig kong sabi ni Patruska sa paghangos nito sa kinaroroonan ni Katrina. "Pabayaan mo na lamang munang magdalamhati ang iyong ama. Bigyan mo muna siya ng espasyong kailangan niya. Halika, kumain na tayo."

***

"Kasalanan mo ang lahat ng ito, Alfonso." Nanggigil na wika ko kay Alfonso matapos ang ilang linggong papupursiging makausap ito. "Kung hindi dahil sa 'yo at sa kung ano man 'yang ipinagawa mo sa asawa ko, buhay pa sana si Senda. O ano ngayon ang masasabi mo? Ano na ngayon kung siya pala ang totoong Rosalia, ha? Anong napala mo sa pagpapahirap sa kanya? Ano na ngayon ang pagkakaiba niya sa Rosaliang kinitil noon ni Lambino? Putang ina moooooooo!" Kinuwelyuhan ko ito bago ko dinibdiban. Nakayuko lamang naman ito at hindi makatingin sa akin ng diretso. "Ginulo mo lamang ang pamilya ko! Tinanggalan mo ng ina ang anak ko at sinira mo ang buhay ko! Para saan? Para sa pagkahumaling niyo sa muling pagtatayo ng putang inang bagong Elysiong 'yan! Ano bang pakialam ko kung mabuo pa 'yan o hindi?!" Bulyaw ko sa mukha nito. "Ilang beses ko bang sasabahin sa inyong lahat na wala akong pakialam sa ibang kaharian at karagdagang kapangyarihan! Ang inyo ay inyo, ang akin ay akin! Gano'n lang dapat 'yun kasimple."

Hindi ko na naman mapigilan ang pagbugso ng damdamin ko. Naluluha na naman ako kaya tumalikod muna ako sandali bago ko ito muling hinarap.

"Pakatandaan mo ang araw na ito, Alfonso." Sa mas kalmado kong tinig, "dahil ito na ang huling araw ng ating pagkakaibigan. Sa paglubog ng araw mamaya, at sa muling pagsikat nito bukas ng umaga. Wala ka nang ipinagkaiba kay Marietta at Lambino sa aking paningin. Isa ka na lamang ngayon sa aking mga kaaway kaya mag-iingat ka, dahil sa susunod na magkita tayo, hindi na ako mag-aatubiling pilipitin ang leeg mo hanggang sa mapigtas ko sa katawan mo ang putang inang ulo mo!"

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon