KABANATA 44

1.8K 180 18
                                    

Lucio's P.O.V.

"Isa kang demonyo! Malupit na pinuno!" Paulit-ulit ang pag-angil ni Donato. Isa ito sa mga miyembro ng konseho mula sa lahi ng mga Amalanhig. Ako mismo ang nagbitbit at nagkulong dito sa nakakubli kong selda na tanging ako lamang ang nakaaalam kung saan naroro'n. Nadakip ko ito habang sinusundan ko si Senda sa San Gabriel kagabi. "Humanda ka na sa unti-unti mong pagbagsak dahil walang maniniwala sa 'yo na hindi ikaw ang nag-utos sa akin na patayin ang albularyong si Temyong!"

Bangas-bangas na ang mukha nito dahil sa panlalaban nito sa akin simula ng nahuli ko ito. Ibinitin ko na rin ito nang patiwarik, ngunit wala pa rin itong hinto sa pagbabanta sa akin ng kung ano-ano na tila wala na ito sa tamang huwisyo. At dahil batid kong mas lalo itong nayayamot sa aking pagiging tahimik at mahinahon sa kabila ng kanyang pagwawala ay mas minabuti ko na lamang ang manatiling gayon.

"Humingi ka na ng tulong sa diyos mong si Satanas, Lucio!" Duguan na ang mukha nito ay nakuha pa rin nitong humalakhak. "Dahil darating ang panahon ng kapanganakan ng sugong tatapos sa buhay na walang-hanggang ibinigay niya sa 'yo! Mapatay mo man ako, wala nang makakapagpabago pa sa nakatakdang ayon sa propesiya! Ipinanganak na ni Marietta ang bagong Tudlaan at ang anak nito ay siya mismong papatay sa 'yo!" Ako ang tinawag nitong demonyo ngunit kung makahalakhak ito ay tila ba siya na mismo ang diyablo.

Palihim kong iginuhit ang ngiti sa aking labi. Gustuhin ko mang ipamukha rito ang kanyang kamangmangan ay mas minabuti ko na lamang ang magpatuloy sa pananahimik. Ito ang napapala ng mga nilalang na basta na lamang naniniwala sa sinasabi at dikta ng iba. Hindi na nag-iisip para sa kanilang mga sarili kaya mas madali silang nalalansi, lalo na ng isang reyna ng katusuhan na tulad ni Marietta.

"Ano pang ginagawa mo, Lucio?! Patayin mo na ako! Dahil oras na pinakawalan mo ako, mas lalo ko lamang guguluhin ang buhay mo! Papatay ako ng maraming tao. Kukunin ko ang mga bata sa kanilang mga magulang at ipakakain ko silang lahat sa aking mga kalahi. Mandurukot ako ng mga babae upang paramihin ang aming lahi, at saka ko sasabihin sa iyong mga kasapi na ikaw mismo ang nag-utos nito sa akin. Ano, ha, Lucio?! Hinahamon kita!"

Hindi naman ako tanga upang hindi malamang hindi lamang siya ang gumagawa noon. Kasama na rito ang mga Tikbalang at mga Engkantong nagpapaggap na ako sa mata ng iba pang mga nilalang upang lansihin ang mga ito na gawin ang mga bagay-bagay na hindi ko naman kailanman ipinag-uutos sa kanila.

"Si Lucio...si Lucio ang may pakana ng lahat." 'Yun ang tinig ni Marietta na tila umaalingawngaw nang paulit-ulit sa mga tenga at isipan ng mga nilalang na mas pinili nang maging tapat dito.

"Ipinag-uutos ng Panginoong Lucio na dukutin ninyo ang mga babaeng tao upang maging palahian sa rukerium." 'Yung naman ang kabi-kabilang mensahe ng mga pinunong taksil, na pikit-mata namang sinusunod lamang ng iba ng dahil na rin sa matinding takot sa mga Tikbalang at Engkantong nagpapanggap na ako.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Marami-rami na silang tuluyan nang kumakampi kay Marietta, at hindi naman lingid sa aking kaalaman na mas dumarami pa sila sa paglipas ng panahon.

"Anong pang hinihintay mo, hari ng mga mangmang!" Hiyaw nito, "patayin mo na ako!"

Ang gunggong. Tinawag pa akong hari kung uutusan at pangungunahan rin lamang naman pala ako. At ano siya, sinusuwerte? Bakit namang gagawin kong parusa ang isang bagay na pinakaaasam ko?

Ang Kamatayan.

Isang gantipala ang kamatayan sa isang tulad kong nais na makamit ito kung kaya't bakit ko naman bibigyan ng gantimpala ang isang tulad niya? Mabuti sana kung ang pagpatay lamang sa isang maglalasing at huwad na albularyong si Temyong ang naging kasalanan niya. Hindi naman lingid sa akin na isa rin itong si Donato sa may pakana ng pagkawala ng mga bata at kababaihan sa San Joaquin at iba pang karatig barangay. Isa rin ito sa mga dumaragit ng mga sanggol–sa loob at labas ng sinapupunan ng mga ina nito, upang gawing lamang-tiyan. Ang sumisipsip sa dugo ng mga taong kalalakihan, gayun din ang pagdukot sa mga kababaihang tao mula edad beinte-singko pababa, upang ilagak sa mga itinatag nilang mga rukerium sa iba't-ibang lugar, kung saan ginagawa nilang bilango ang mga ito, upang paulit-ulit na pagsamantalahan, gawing palahian at sa kalauna'y maging pagkain na rin nila.

"Hoy! Demonyo! Pinagsisihan kong minsan kitang tinawag na Panginoon!"

Ako ang tinatawag nilang demonyo. Ang masama. Ang hari ng kadiliman at kasamaan dito sa lupa, gayung sila naman ang gumagawa ng lahat ng uri ng nakaririmarim na gawain na maging si Lucifer ay magmumukhang mas higit na mabuti pa kumpara sa kanila.

"Bingi ka ba?!"

Hindi.

"Naririnig mo ba ako?!"

Oo.

"Ano bang plano mo sa 'kin, ha?!"

Hulaan mo.

***

Nabibingi, kahit ang mga tunay na demonyo sa walang hintong pag-igik na tila isang biik na kinakatay si Donato. Hindi raw diumano siya natatakot mamatay, ngunit takot na takot naman ito nang inihulog ko ito sa balon kung saan naghihintay na sa kanya ang tatlong demonyong naghahasa na ng kanilang mga patalim upang unti-unti itong balatan nang buhay sa ilalim ng lupa.

Sa kinatagal-tagal ko nang nabubuhay sa mundo. Hindi na bago sa akin ang mga tulad ni Donatong hindi raw natatakot mamatay, ngunit natatakot naman palang masaktan. Nagtatapang-tapangan bagaman wala naman talagang nalalaman sa tunay na kahulugan nito.

"Panginoon..." mahinahong salubong sa akin ni David sa pagpasok ko pa lamang ng bulwagan. Nababanaag sa ekspresyon ng mukha nito ang pag-aalala. "Kagabi pa po namin kayo hinahanap."

Hindi ko ito pinansin hanggang sa makarating at makaupo na ako sa aking trono. "Anong kailangan mo?" habang binubuksan ko ang isang kalatas na hinugot ko mula sa lukbutan ng mga balumbong nasa tabihan mismo ng aking trono. Sinimulan ko na rin naman agad ang pagbabasa ng mga mensahe sa loob.

"Ah, eh, wala naman po. Nag-aalala lamang po kami sa inyo. Baka po kasi kung ano na ang nangyari sa inyo!"

Tiningnan ko ito nag matalim, "bakit? Anong tingin niyo sa 'kin, lampa? Isang batang uhugin na kailangan ng may mag-aalaga? At teka nga muna..." muli kong inirolyo ang balumbon upang muli itong isaksak sa lukbutan, "bakit ba lagi kayong nakabuntot sa akin? Bakit lagi niyo akong sinusundan kahit saan ako magpunta? Sa huling pagkakaalam ko, wala naman akong inatasan sa kahit sinuman sa inyo na maging personal na alalay ko. Bakit kailangan niyong mag-alala sa akin? Ano bang puwedng mangyari sa 'kin nang wala akong pahintulot?"

Kakamot-kamot ito at walang maisagot.

Nginisian ko ito, "nag-aalala nga ba kayo sa akin o gusto niyo lang makiusyoso na naman sa amin ni Senda?"

Inipit nito ang labi at pilit na umiiwas ng tingin sa akin.

"Tssss...O 'di tama ako, 'di ba?" muli akong dumukot ng isang nakabilot na kalatas at muling binasa ang nakasulat doon, "mga usisero kayo!" pagpaparinig ko rito sa mas mababang tono. "Mga pakialamero!"

"Patawad Panginoon," ngingiti-ngiti ito nang sinulyapan ko ito, "eh, natutuwa lamang po kami sa inyo dahil sa napakahaba ng panahon na pinagsisilbihan namin kayo, ngayon lang namin nakikitang nagliliwanag ang inyong mukha ng dahil sa isang babae."

"Ano?!" Nakakunot-noo ako.

"Pasensya na, Panginoon. Pero tama nga po kayo. Usisero nga po kami, ngunit wala naman kaming masamang intensiyon. Natutuwa lamang kami sa inyo dahil sa kabila ng mga suliranin sa inyong hukbo, mas madalas na namin kayong nakikitang maaliwalas ang mukha."

"Tigilan mo nga ako, David." Muli kong ipinagpatuloy ang pagbabasa ko, "kung si Senda 'yang tinutukoy mo, kalimutan mo na. Wala akong panahong pag-aksayahan ng oras ang isang mortal."

"Ah...kaya naman po pala."

Nakabungisngis ito nang sinulyapan ko kung kaya't hindi na rin ako nakapagpigil, "kaya pala ano?"

"Kaya naman po pala palihim niyo pa rin itong sinusunda–"

Hindi na nito natapos ang sinasabi nang agad itong kumaripas ng takbo matapos kong batuhin ng hawak kong balumbon.

Letseng Tikbalang. Kalalaking Maligno, tsismoso!

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon