KABANATA 8

6.7K 417 75
                                    


Lucio's P.O.V.

"Panginoon, sigurado po ba kayong si Marietta 'y--?" walang pasakaleng tanong sa akin ni Baltazar sa loob ng aking sasakyan habang nakaparke pa kami kung saan namin ito ipinarada pansamantala. Tinakpan naman agad ni David ang bibig nito. Mas alam kasi ni David na pinakaayaw ko sa lahat 'yung kinikuwistiyon ang kakayahan ko sa anumang bagay. Halos tatlong-daang taon ko na kasing nakakasama si David kung saan man ako magpunta, samantalang si Baltazar ay magsasampung taon pa lamang, simula nang ipasa rito ng kanyang ama ang pagiging isang Aswang.

"Manahimik ka nga..." naulinigan kong bulong ni David sa katabi nito sa unahan. "Tatandaan mo, kapag hindi niya hinihingi ang opinyon mo, huwag kang magsasalita. Lalo na kapag nakikita mo nang may iniisip siya. Ok?"

"Pero--"

"Shhh! Tahimik sabi!"

"David." Pagtawag ko.

"Po?"

"Tayo na."

"Saan po tayo?"

"Dalhin mo ako kina Alberto."

"Sino pong Alberto?" biglang pagsabat ni Baltazar, "si Albertong Busaw, Albertong Mambabarang o si Albertong Sarangay?"

Binatukan ito ni David bago nito ito binulungan ng, "magbibigay ka na rin lang ng multiple choice, mali pa lahat!" Saka ito muling bumaling sa akin at, "sige po." Agad namang pinaandar nito ang sasakyan.

"Bakit?" bulong ni Baltazar kay David habang umaandar na ang sasakyan, "kung mali lahat 'yun, paano mo nalaman kung sinong Alberto ang tinutukoy niya?"

"Malapit na talaga akong sumuko sa katangahan mo. Eh lahat naman ng Albertong tinukoy mo, kung hindi patay na eh kakampi no'ng si Marietta."

"Eh sino ngang Alberto?  'Yung mga 'yun lang naman ang kilala ko."

"Si Albertong Matruculan."

"Sino 'yun?"

"Basta, Aswang din 'yun. Isa sa mga pinuno ng konseho."

"Aswang din? Anong klaseng Aswang?"

"Tsk, di ba kasasabi ko lang? Matruculan nga!"

"Ah, uri ba ng Aswang 'yun, ang akala ko kasi, apelyido niya."

"Tsk. Ewan ko sa 'yo. Ang alam ko, de Asis ang apelyido no'n eh!"

***

"Pasensya na po Panginoong Lucio kung hindi na ako nakakadalo sa mga pagpupulong." Pagpapaliwanag ni Alberto, "eh, kapapanganak lang po nitong asawa ko kaya hindi ko maiwan. Pero huwag kayong mag-alala. May maibabalita naman po ako sa inyo tungkol sa mga iniuutos niyo sa akin."

Habang nagsasalita si Alberto ay hindi ko maiwasan ang mapatingin sa kanyang asawa. Bitbit nito ang kanyang sanggol na nakabalot sa asul na lampin. "Ano bang batain ng anak mo?" 

"Lalake po."

"Uy lalake, ano pong pangalan niya?!" Biglang pagsabat ni Baltazar kaya nabatukan na naman ito ni David.

"Manuel." Sagot dito ni Alberto.

"Manuel?" wari'y giliw na giliw na pilit tinatanaw ni Baltazar ang sanggol mula sa malayo, "de Asis din po ba ang apelyido niy--?" muli'y tinakpan ni David ang bibig nito bagaman natanggal din naman nito ito agad.

"Siyempre." Natatawa si Alberto. "Anak ko siya kaya kung anong apelyido ko, 'yun din ang apelyido niya."

"Kapapanganak lang po sa kanya?" muling pagsabat ni Baltazar. "Kung gayun po, ilang taon na po ba siya?"

Napapapikit ako matapos kong matanaw na siniko na ito ni David sa tagiliran.  Wala akong masabi.  Sadyang napaka-tanga talaga ng anak na ito ng namayapa kong tauhan.  Madalas na sadyang hindi ko na ito pinapansin dahil kahit tatanga-tanga ito ay naaasahan ko rin naman sa ibang bagay na hindi niya kakailanganing mag-isip.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Bakit? Para nagtatanong lang eh." Pabulong napagmamaktol nito kay David.

"Manahimik ka na nga lang kasi." Pagsuway rito ni David, "kita mo nang nag-uusap sila eh istorbo ka naman diyan. Do'n na nga lang tayo sa labas. Puro ka kabuwisitan." Itinulak muna nito si Baltazar bago ito sumenyas sa akin. 

"Anong balita?" tanong ko kay Alberto.

"Nakausap ko ang kumadronang nagpaanak kay Marietta. Babae ang naging anak niya. Tulad ng nakasaad na nangyayari sa inyong angkan, na kapag ang unang anak ng isang Tudlaan ay isang babae, tatanggapin ng ina ang sumpa na para sa kanyang anak...tulad ng nangyari sa ina ng inyong ina. Ang sabi noong kumadrona, lumalabas pa lamang daw ang ulo ng bata mula sa kanya ay nag-iiba na ang aniyo ni Marietta, kaya pagkaputol na pagkaputol pa lamang ng pusod ng bata ay bigla na lamang daw itong tumalilis palayo."

"Ang bata? Nakanino ang bata?"

"Naiwan sa ama. Naiwan kay Arnulfo Ramirez. Ang kaso, hindi ko alam kung paano aalgaan ni Arnulfo ang batang 'yun. Sakitin po kasi ang taong 'yun simula ng mapangasawa 'yung demonya niyong apo."

"Bakit? Wala man lang ba itong kamag-anak o kapamilya?"

"Ang alam ko, may nakababata itong kapatid na babae. Ang kaso, humiwalay na raw ito simula nang asawahin niya si Marietta. Ang nasagap ko sa dating mga katulong doon, ayaw raw ni Marietta na may ibang kasama sa bahay nila bukod sa kanila kaya hayun, pinaalis lahat ang mga katulong, pati na 'yung kapatid na babae."

Napailing ako dahil alam na alam ko na kung bakit. Siguradong ayaw nitong may makaalam ng mga sikreto niya; ang pagiging mambabarang niya, ang kadiliman ng kanyang tunay na pag-uugali at ang pagiging isang tulad ko na isang Nephilim. Dahil kung ano man ang dugong nananalaytay sa kanya'y ganoon din ang nananalaytay sa akin. Sapagkat nag-iisa lamang ang aming mga ninuno mula sa angkan ng anghel na si Arakiel, at sa haba ng mga daan-daang taong namamagitan sa aming edad, ay sa kanya lamang nabasag ang pagiging isang Villaluz.

"Matiyagan mong mabuti ang mag-ama. Kung kinakailangan niyong lumipat ng tirahan malapit sa kanila, gawin niyo. Balitaan mo na lang ako sa kung anumang masasagap mo."

"Opo, panginoon. Maasahan niyo po ako."

Tumayo na ako at dinukot ang isang puting sobreng may lamang tatlong-daang libong piso. Iniabot ko ito kay Alberto.

"Para saan po ito?" ayaw pa nitong tanggapin ang ibinibigay ko.

"Para sa anak mo at panggastos sa paglipat niyo."

Kinuha na nito ang sobre, pero nagulat ito nang sinilip nito ang dami ng laman, "naku panginoon, masyado naman yatang malaki ito eh mangungupahan lamang naman kami ng bahay." Ibinabalik nito sa akin ang sobre pero hindi ko ito tinanggap.

"Kulang pa nga 'yan eh.  Dadagdagan ko pa 'yan sa susunod nating pagkikita.  Gusto kong siguraduhin mo na magiging maayos ang kalagayan ng mag-ama. Kung kinakailangang mag-utos ka ng mga taong tutulong sa kanila, gawin mo. Kailangan mong sundan ang mag-amang 'yun kahit saan man sila mapadpad. Magpapadala ako ng tutulong sa 'yo para makasiguro na hindi sila basta-basta malalapitan ni Marietta. Higpitan niyo ang pagbabantay, lalo na sa batang babae...kung anuman ang pangalan niya. Bast--"

"Helga."

"Helga? Anong Helga?"

"Helga po 'yung pangalan ng anak ni Arnulfo at Marietta."

[ITUTULOY]



My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon