KABANATA 78

820 79 12
                                    

Senda's P.O.V.

"Mahabaging langit, Luis!" Sinalubong ko si David at Baltazar sa sikretong lagusan ng Edenus.  Magkausong ang dalawang sa pagbubuhat sa walang-malay na si Luis at saka nila ito marahang inihiga sa damuhan ng pribadong hardin sa labas ng palasyo.  Halos hindi na namin ito makilala sa dami ng sugat nito mula ulo hanggang paa.  Nagkulay na pinaghalong itim at pula ang balat nito dahil sa natuyo at sariwang dugong nagmumula sa malalalim nitong mga pinsala sa buong katawan. 

Akala ko mahihimatay ako nang makita at mahawakan ko na ito sa malapitan, dahil kahit hindi ko personal na nakita ang ginawa ng aking ama rito'y mababanaag ko naman sa buong katawan nito ang walang kaparis na pagpapahirap na dinanas nito. "Luis, anong nangyari sa 'yo?" wala na halos akong mailuha dahil halos apat na araw na rin akong umiiyak sa labis na pag-aalala sa kanya.

"Hindi siya maaaring makita ninuman sa kaharian sa ganitong kalagayan," mahinang wika sa amin na David na tila ingat na ingat ito na may makakarinig sa kaniya sa paligid-ligid. "Kailangan natin siyang dahin sa nakakubling silid sa loob ng palasyo hanggang sa maghilom ang mga sugat niya."

Nanginig ako at hindi makahinga nang mapansin kong nakatikwas ang mga daliri sa kaliwang kamay nito na wari'y may isa-isang bumakli sa mga iyon. "DIYOS ko...L-luis! A-anong ginawa nila sa 'yo..." wala akong mahagilap na iba pang salita upang isalarawan sa pamamagitan ng pangungusap kung ano ang naramdaman ni Luis nang naganap ang bawat isang pagpapahirap sa kanya.

Napansin kong umiiyak na rin si Marikit, "parang ganito rin ang ginawa nila sa aking mga magulang noong naunang tangka ng pag-aaklas sa pamunuan ng Haring Lambino noong kaluluklok pa lamang nito." Anito habang tinutulungan akong balutin ng kumot ang katawan ni Luis. "Pinahirapan at pinaglaruan kaya sa halos hindi na namin makilala ang kanilang mga bangkay." 

Ngayon ko na lamang unti-unting napapagtanto kung gaano kasama ang aking Ama, at kung gaano kalalim ang hidwaan ng Edenus at Mashuria.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Mamaya na tayo mag-usap."  Wika ni David sa aming lahat, "kailangan muna natin siyang maikubli sa tago ngunit kumportableng silid sa loob ng palasyo upang makapagpagaling.  Dahil oras na matunugan ng mga traydor dito sa loob ang tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng Panginoon, maaari nila itong samantalahin upang makapag-umpisa ng kaguluhan dito sa loob ng Edenus."

***

"Magpahinga ka na mahal na Prinsesa, ilang oras na po kayong nagbabantay," ani Marikit sa akin, "ako na po muna ang hahalili sa pagbabantay sa kanya."

"Ikaw na lamang ang magpahinga dahil kanina ka pang nagsisilbi sa akin." Habang sinisipat ko ang unti-unti ngunit nakamamanghang paghilom ng mga sugat ni Luis. Hawak-hawak ko ang kaliwang kamay nito na unti-unti na ring tumutuwid at bumabalik sa dati. "Dito na lamang muna ako."

"Hindi pa naman po ako pagod mahal na Prinsesa.  Pero ayos lamang po ba inyo kung makipagkuwentuhan muna ako kay David diyan sa labas?" tila nahihiya ito.

"Oo naman." Sabi ko, "bakit naman hindi?"

Yumukod ito sa akin, "maraming salamat po." Saka ito nagmamadaling umalis.

"Luis..." bulong ko sa malapit sa kaliwang tenga nito. "naririnig mo kaya ako?" hindi ko naman inaasahan na magigising ito upang sagutin ang katanungan ko. "Nalulungkot ako sa nangyari sa 'yo pero masaya ako na ligtas ka. Ang akala ko kasi..."hindi ko na naman napigilan ang pag-iyak, "hindi na tayo magkikita ulit. Kung nagkataon, hindi ko mapapatawad ang sarili ko dahil habang buhay kong papasanin sa aking puso, isipan, at kunsensya na ako ang dahilan ng kapahamakan mo. Luis..."sumubsob ako sa likod ng kaliwang kamay nito at hinalikan 'yun, "sobra-sobra na ang naging sakripisyo mo ng dahil sa akin at hindi ko alam kung paano ko susuklian ang mga ito. Luis..." pigil na pigil ako upang hindi umabot sa paghagulhol ang aking pag-iyak, "sana, magising ka na agad. Sana, magkausap muna tayo bago maganap ang pagpapakasal ko kay Lucio. Gusto kong malaman mo na ikaw ang mahal ko. Mahal na mahal kita at hindi ko alam kung may mamahalin pa akong iba na hihigit pa sa pagmamahal ko sa 'yo. Ikaw lang ang gusto kong makasama habang-buhay, kahit na gaano kasimple at kahirap ito. Ayokong magpakasal kay Lucio, pero ayokong mapapahamak ka na naman ng dahil sa akin. Ayokong bukod sa aking malupit na ama ay pati si Lucio ay kakabanggain mo na rin nang dahil sa akin. Kaya kahit labag sa kalooban ko ang gusto mong mangyari ay gagawin ko ito para sa 'yo. Handa rin akong magsakripisyo para sa 'yo. Kung ito lamang ang paraan upang hindi ka mapahamak sa kamay ni Lucio, hindi na kita bibigyan ng pa ng panibagong suliranin. Kahit ano, gagawin ko para sa 'yo. Kahit buong buhay at kalayaan ko ay ibibigay ko para sa kaligtasan mo...mahal ko."

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon