KABANATA 63

3.2K 191 99
                                    

Lucio's P.O.V.

"Hindi man lang ba ipagtatanggol ng Panginoon ang sarili niya?" bulong ni Melchor kay David. Tinatanaw nilang apat ang hindi pa rin mabasag na pagtitipon ng mga Lambana sa labas ng palasyo, "parang habang tumatagal, padami na sila nang padami sa labas, at padagdag din ng padagdag ang mga bagay na inaakusa nila laban sa Panginoon."

"Oo nga," pagsabat naman ni Baltazar, "dinig na dinig namin ni Gaspar kanina, pati pagkamkam ng mga lupain at ani, nakawan ng ari-arian at panggagahasa sa mga kababaihan sa lupa at sa kabilang ibayo, ibinibintang na rin nila sa Panginoon."

"Di lang 'yun," sabi naman ni Gaspar, "Ulti mong pagdukot daw kay Senda, may nagpapakalat din na siya ang may gawa. Aba, sa pagkakaalam ko, ang pangkat mismo ni Patruska ang nagdala kay Senda rito, 'di ba? Teka nga," lumingon itong saglit sa kinauupuan kong trono, "nasaan na nga ba si Senda? 'Wag n'yong sabihin na isa na rin ito sa mga kababaihang nagpo-protesta sa labas?"

Sandaling natahimik ang apat; tila pilit nilang sinisipat si Senda sa ibaba.

"Wala na rito si Senda." Sabi ko. Agad namang lumingon ang apat sa akin. "Narito si Marietta, kaya mas ligtas si Senda sa lupa sa ngayon."

"Nang mag-isa?" tanong ni Gaspar sa akin, "pero paano kung balikaan ito roon ni Marietta?"

"Pansamantalang ipinasara na ng Panginoon ang lahat ng mga lagusan palabas ng Edenus," wika ni David sa mga ito, "kaya kung naririto nga si Marietta na siyang tunay na may pasimuno sa kaguluhang ito, tiyak na hindi ito makakalabas para puntahan si Senda. Maaari pa ring pumasok ang mga nilalang mula sa labas, ngunit ang sinumang pumasok dito sa panahong ito ay hindi muna makakalabas nang walang permiso ng Panginoon."

"Ano ba talaga ang gustong mangyari ng Marietta na 'yan?" tanong ni Melchor kay David, "anong pakay niya kay Senda? At bakit ito ginugulo at sinisiraan ang Panginoon? Nais ba nitong angkinin ang trono ng Panginoon? May karapatan ba siya?"

Tumingin muna sa akin si David upang humingi ng permisong sabihin ang katotoohan. Tinanguan ko naman ito bilang pagsang-ayon.

"Kung mayro'n mang may karapatang pumalit sa trono ng Panginoon sa ngayon," pagsasalaysay ni David sa tatlo,"hindi si Marietta 'yun, kundi ang anak nitong babae, dahil ang batang babaeng iyon ang may pinagsanib na salinlahi ng mga dugong bughaw mula sa hari ng Edenus, at hari ng Mashuria."

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Kung ang trono ng Panginoon ang pakay niya," ani Melchor, "eh ano naman ang pakay nito kay Senda? Bakit tila desperado ito na mahanap si Senda?"

Muling sumulyap sa akin si David. Ngumiti rin ito nang bahagya nang may kulay nang panunukso. "Dahil nalaman na nito na ito ang napupusuan ng Panginoon. At oras na magtanggumpay ang Panginoon sa panunuyo nito kay Senda, at pumayag ito na maging Reyna ng kahariang ito, ang kanilang supling, kung magiging isang babae, ang siya mismong gigiba sa ambisyon ni Marietta na mapunta sa anak niya ang pinagsanib na kaharian ni Edenus at Mashuria."

Sandaling natulala ang tatlo. Bakas pa rin sa mukha ng mga ito ang pagkalito.

"Hindi ko maintindihan," pagbasag ni Baltazar sa katahimikan.

Napailing ako. Ano na naman kaya ang ibabanat nito?

"Kailan ka ba may naintindihan?" pabirong panunuya rito ni David.

Kumamot ito sa sariling ulo, "hindi ba kailangang anak ng isang Lambanang dugong-bughaw at isang Nephilim na dugong-bughaw rin ang dapat na maluklok na kahalili ng Panginoon?"

Natatawa si David, "oo nga. Eh ano bang ipinaglalaban mo?"

"Eh bakit si Senda?"

Napabuntong-hininga si David. Natatawa naman si Melchor at Gaspar dahil mukhang naunawaan na ng mga ito ang paliwanag ni David.

"Anong bakit si Senda?" may bakas ng pagkainis ang mukha ni David, "bakit mo tinatanong kung bakit si Senda? Hindi mo ba kilala si Senda?"

"Oo naman, kilala ko si Senda, alam ko rin nga ang buo niyang pangalan, Rosenda Ramirez, isang dalagang bukid mula sa Baryo San Gab—" binatukan na ito ni Gaspar.

"Ang ibig sabihin ni David," anito sa binatukan, "kung hindi mo raw ba kilala si Senda at kung kanino itong anak? Bakit mo kinukuwestiyon kung bakit kailangang siya ang maging ina ng tagapagmana ng trono?"

Sandaling nag-isip si Baltazar.

"Utang na loob, 'wag ka nang mag-isip," humahalakhak na wika ni Melchor, "wala ka rin naman no'n. Di mo ba alam na ang tunay na ama ni Senda at ng kapatid nito na ama naman ng anak ni Marietta ay ang mismong hari ng Mashuria?"

Muling nag-isip si Baltazar, "Hari ng Mashur...." bulong nito sa sarili, "eh sino ba 'yun?" tanong nito sa lahat.

Iyon na yata ang pinakanakakatawang narinig ko mula kay Baltazar kaya hindi ko na napigilan ang paghalakhak; dahil wala nang mas nakakatawa pa na malamang mayro'n pa palang mga nilalang na hindi nakakakilala sa mortal kong kaaway.

****

"Natagpuan na po namin ang pangkat nina Marietta." Pag-uulat sa akin ni Ramiro, "tulad ng sinabi niyo sa amin, nahuli namin silang naghahanap ng lagusan palabas. Ngunit natakasan po kami ni Marietta kaya tanging mga tauhan lamang nito ang nadala namin sa piitan. Patuloy pa rin naman po naming sinusuyod ang buong nasasakupan dahil batid naming hindi rin naman ito makakalabas ng Edenus. Mayro'n pa po ba kayong ipag-uutos bukod doon?"

Tumango ako, "meron," ako na mismo ang lumapit dito upang iabot dito ang isang mapa, "nais kong bumuo kang muli ng isang pangkat na magdadala sa grupo nina Patruska sa lupaing ipinahanda ko para sa kanila. Siguradong pagod na pagod na ang mga iyan sa kasisigaw riyan sa labas simula pa kahapon, kaya ibigay niyo na rin ang kanya-kanya nilang susi sa bago nilang tahanan. Nagpahanda na ako ng malaking piging doon para makakain silang kahat, nagpadala na rin ako ng ilang kaban ng bigas, iba't ibang uri ani, mga lamang-dagat at iba't ibang mga alagaing hayup, upang hindi na nila aalalahanin ang kanilang kakanin habang naghahanap sila ng mas marangal na kabuhayan."

Napansin ko ang pagtitinginan ng mga kawal sa palibot. Bakas sa mukha ng mga ito ang pinaghalong pagkagulat, tuwa at pagkamangha.

"Masusunod po, Panginoon. Mayroon pa po ba kayong ipagbibilin bukod doon?"

Tumango ako, "oo," lumapit ako rito at tinapik ito sa kanang balikat, "kahit anong mangyari. Kahit pa marinig niyo ang matinding galit nila sa akin. Kahit ano pa ang sabihin nilang kasinungalingan laban sa akin. Kahit murahin nila ako at sabihin na ako na ang pinakamasamang nilalang bukod sa Diyablo," sinuyod ko ng tingin ang lahat ng kawal na naroroon, "pabayaan niyo lang silang magsalita. Pabayaan niyo lang silang umiyak at magdalamhati. Bigyan niyo sila ng karapatang magluksa at sumigaw ng hustisya. Magkamali na kayo sa lahat ng iba kong ipinag-utos sa iyo, pero isa lang ang pinakamahigpit kong bilin sa inyo na hindi niyo maaaring suwayin."

"A-ano po 'yun, Panginoon?"

" Kahit na anong mangyari, huwag na huwag niyo silang sasaktan."

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon