KABANATA 95

771 56 5
                                    

Lucio's P.O.V.

"May nakahalata ba na hindi ikaw si Boss?" tanong ni David kay Gaspar, matapos naming magtipon sa aking pribadong silid-aklatan.

"Hindi ko sigurado." Bakas sa mukha nito ang pagka-aburido. "Hindi ko naman kasi akalaing magpapatawag ng biglaang pagpupulong ang konseho.  Hinihingian nila ako ng opinyon tungkol sa iba't ibang bagay na hindi ko naman talaga masyadong maintindihan.  May mga engkanto pa nga na pinuna ang boses ko?  Bakit daw ako paos?"

"Anong sinabi mo?" si David pa rin.

"Ano pa eh di naggalit-galitan ako. Ang sabi ko, 'hindi ako paos! bingi ka lang talaga, gago!'"

"Tungkol saan daw ba ang biglaang papupulong?" tanong ko.

"Tungkol sa kaguluhang nangyayari ngayon sa Mashuria dahil daw diumano sa pagkakahuli ng ermitanyong nagbitaw ng sumpa sa haring Edwino kaya hindi ito gumagaling sa pagkakasakit."

Nagkatinginan kami ni David. "Anong sinabi nila?" Ako.

"Panginoon, huwag na po sana kayong mawawala rito ng ganoong katagal." Sagot sa akin ni Gaspar, "sumakit po ang ulo ko dahil nag-away-away ang mga kinatawan sa mismong harapan ko. May ibang naniniwala na ang ermitanyong iyon nga ang may kagagawan sa pagkakasakit ni haring Edwino, may iba namang nagsabi na hindi sila naniniwala dahil kilala raw nila ang ermitanyong iyon at ang nangyayari raw sa matandang haring Edwino ay hindi ordinaryong sumpa kundi isang matinding uri ng barang dahil nilalangaw raw ito at ginagapangan ng kung ano-anong insekto. May iba naman ang nagsasabing nilalason daw ito ni Lambino. Halo-halo ang opinyon.  Bukod sa hindi ako makahabol, hindi ko maintindihan kung bakit kailangan nating pakialaman ang problema ng ibang kaharian."

"Anong ginawa mo?" Tanong ni David dito.

"Hindi naman kasi sila magsisitigil kung hindi ako muling maggagalit-galitan dahil mas kaya kong gayahin ang boses ng Panginoong kapag sumisigaw, kaya ang sabi ko, 'magsilayas na nga kayo mga hayup kayong lahat! Iniistorbo niyo ako sa mga walang kakuwenta-kuwentang bagay!'"

"Makahayup ka naman, parang hindi naman ganyang magsalita ang Panginoon." Kumento ni Baltazar kay Gaspar.

"Melchor," pagtawag ko rito, "puntahan mo si Alejandro." Ang tinutukoy ko ay ang isa sa mga punong heneral ng aking hukbo mula sa lahi ng mga Engkanto. "Nais ko kamo siyang makausap ngayon mismo."

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Yumukod naman agad ito sa akin, "masusunod po."

****

"Hindi tayo maaaring magsayang ng oras. Kailangan nating pasukin ang Mashuria nang walang nakakahalata." Nang kami na lamang ni Alejandro ang nasa silid-aklatan. "Nais kong tahimik na ihanda mo ang limampu sa pinakamahuhusay sa ating mga mandirigmang Engkanto.  Limampu lamang upang hindi tayo mahahalata, at hindi tayo maaaring magsama ng mga nilalang na maaamoy ng mga taga ro'n bago pa man tayo makalapit. Alam naman nating pareho na bawal ang mga Aswang, Maligno at mga itim na Engkanto roon. Kailangan nating magmukhang ordinaryong mamamayan doon upang makakilos tayo nang malaya hanggang sa mahanap natin ang kinaroroonang ni Impong Delfin,"ang tinutukoy ko ay ang ermitanyong ipinadukot ni Lambino.

"Anong oras po tayo aalis."

"Dalawang oras mula ngayon. Huwag mo rin sanang ipagsasabi ang tungkol sa misyong ito bukod sa iyong mga napili.  Maraming mga mata rito ang taga-kabila. Mas mabuti na ang nag-iingat."

****

Umiiyak si Senda matapos kong sabihin sa kanya ang plano kong pagbalik sa Mashuria, kasama ang piling-piling miyembro ng hukbo ni Alejandro.  Ngunit naiintindihan naman niya ang sitwasyon kaya kahit batid kong tutol siya rito'y niyakap ako nito bilang pagsuporta sa aking desisyon.

"Mag-iingat ka, ha?" sinapo nito ang aking mukha, "huwag mong hahayaan na gawin nila ulit sa 'yo 'yung ginawa nila dati.  Parati kitang ipagdarasal. Nawa'y gabayan ka ng PANGINOON DIYOS kahit na alam kong malalim pa rin ang iyong tampo sa KANYA.  Hihintayin ko ang pagbabalik mo, mahal ko."

"Mag-iingat ako para sa 'yo.  Huwag kang masyadong mag-aalala.  Hindi naman kami paparo'n upang makidigma kung hindi naman kinakailangan.  Kailangan lamang naming saklolohan si Impong Delfin sa lalong madaling panahon. 'Yun lamang ang pakay namin doon."

"Ano ba ang tunay na pakay ng aking ama sa ermitanyo?  Bakit  niya kailangang ipadakip ito?"

"Ayon kay Alfonso, ito raw ang itinuturo ni Lambino na may pakana sa pagkakasakit ng kanyang ama, ngunit ito ay upang mapagtakpan lamang ang malaking posibilidad na siya mismo ang dahilan ng pagkakasakit ng kanyang ama upang makuha niya ang trono kahit buhay pa ito.  Hindi rin namin isinasantabi na may kinalaman din si Marietta sa mga nangyayari sa Mashuria.  Kailangan kong kumilos agad upang mailigtas si Impong Delfin dahil sinentensyahan na raw ito ng iyong ama ng kamatayan sa pamamagitan ng pagsunog dito sa harapan ng mga mamamayan ng Mashuria."

"Pero saan niyo dadalhin si Impong Delfin? Pababalikin niyo ba ito sa Bundok Pulag?"

Umiling ako, "nakiusap sa akin si Alfonso na kupkupin si Impong Delfin dahil wala na itong mapupuntahang ligtas sa lupa.  Dito na namin siya dadalhin kaya ipinahanda ko na rin ang matutuluyan nito sa gitna ng kagubatan dito sa Edenus dahil mas nais raw nito ang mamuhay ng tahimik at walang kapitbahay."

Inilapat ni Senda ang kanyang kanang palad sa aking dibdib, "batid kong iba ang pagtingin sa 'yo ng mga nilalang na hindi nakakakilala sa 'yo; katulad ko rin sila noong hindi pa kita kilala.  Ngunit sadya palang napakabuti ng puso mo, mahal ko. Nalulungkot lang ako na kakaunti lamang ang nakakaalam nito dahil hindi mo iniisip kung ano ang sasabihin ng iba tungkol sa 'yo."

"Hindi ako mabuti Sen—"

"Ang sabi ng PANGINOONG HESUS, wala naman talagang tunay na mabuti kundi ang DIYOS AMA (1), kaya wala man sa atin ang makakapantay sa KANYANG kabutihan, mabuti ka pa ring maituturing sa lebel ng isang nilalang dahil natural na mabuti ang iyong puso. Matulungin ka, maawain at mapagbigay. Mabangis ka sa iyong mga kaaway at sa masasama ngunit hindi ka naman nananakit ng mga inosente.  Dahil dito, ipinagpapasalamat ko sa DIYOS na ikaw ang naging katuwang ko. Mahal na mahal kita, Lucio Luisito. Maraming salamat dahil hindi mo ginawang napakahirap para sa akin na mahalin ka.  Anuman ang mangyari sa atin sa hinaharap, magkahiwalay man o magkasama, nais kong malaman mo na ikaw lamang ang mamahalin ko hanggang sa huling saglit ng aking buhay."

Hindi ko inasahan na mapapaluha ako sa kanyang mga tinuran. Matagal-tagal na rin kasi akong hindi lumuluha.  Sa labis na katagalan nga'y nakalimutan ko na ang pakiramdam ng may tumutulong luha sa aking pisngi.

Mahal na mahal ko si Senda. Mahal ko siya higit pa sa aking sarili, kaya gagawin ko ang lahat upang hindi tumagos papunta sa kanya ang miserable ko buhay nang dahil lamang sa aking mga kaaway. Gagawin ko ang lahat upang mapasaya siya at mabigyan siya ng maayos at mapayapang pamumuhay sa kabila ng aking mga suliranin.  Wala na akong mahihiling pa kundi ang makasama siya kahit saan pa man ito. Handa akong ibigay sa kanya ang buong buhay ko.

***

"Panginoon," bulong sa akin ni Alejandro habang tinitiktikan namin ang sikretong lagusan ng Mashuria na itinuro ni Alfonso sa akin. Nakaharap daw ito sa daan sa ilalim ng lupa, patungo sa silid ng matandang haring Edwino. "Hindi tayo maaaring pumasok diyan lahat dahil napakaraming bantay riyan.  Kailangan po nating ikalat ang ating mga kasamahan sa iba't ibang lagusan.

"Maghiwa-hiwalay tayo."  Bulong ko rito, "sa kanila ka na sumama upang magabayan mo sila.  Ako na lang ang papasok rito."

"Sigurado po ba kayo? Pinakdelikado raw po  ang lagusang 'yan kumpara sa iba pang lagusan. Nais niyo po bang pasamahan ko kayo sa—"

"Mas magiging delikado kung hindi ko ito gagawing mag-isa. Heto ang susi sa kanlurang lagusan. Siyam lamang daw ang nagbabantay doon kaya alam kong kayang-kaya niyo nang patumbahin ang mga iyon." Ibinigay ko rito ang isa sa dalawang susing ibinigay sa akin ni Alfonso, "hintayin niyo ang ningas ng aking pana malapit sa pultahan ng tarangkahan bilang hudyat na maaari na kayong pumasok doon. Sikapin niyong hindi kayo makalilika ng ingay o anumang kaguluhan upang hindi sila makahalata na naroro'n na tayo sa loob."

[ITUTULOY]


FOOTNOTE

(1)  Mark 10:18

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon